Naglabas ng teaser video ng kanyang pagbabalik si Anne Curtis nang ipagdiwang ng actress-host ang 37th birthday niya noong February 17, 2022.
“This is for everyone I LUV” caption ni Anne sa teaser video na ikinatuwa at ikinasabik ng kanyang loyal fans na matagal nang naghihintay sa pagbabalik niya sa entertainment industry.
Mahigit dalawang taon nagpahinga si Anne mula sa showbiz.
Ipinagbuntis (2019) at isinilang niya si Dahlia Amélie, ang panganay na anak nila ni Erwan Heussaff, sa Australia noong March 2, 2020.
Hindi kaagad nakabalik sa Pilipinas at matagal na nanatili sa Australia ang Heussaff family dahil inabutan sila ng coronavirus pandemic.
Umuwi ng Pilipinas ang tatlo noong February 2021, pero hindi muna bumalik si Anne sa showbiz dahil ang pag-aalaga kay Dahlia ang priority niya.
Kahapon, February 27, 2022, kinumpirma ni Anne na mapapanood sa VivaMax Plus sa April 30, 2020 ang LuvAnne, ang kanyang special documentary concert na magpapakita sa mga pinagkaabalahan niya sa dalawang taong hindi siya nasilayan ng publiko sa pelikula at telebisyon.
“A very special docu-c%#^*rt for everyone I LUV!” ang pagsasalarawan ni Anne tungkol sa LuvAnne.
“Join me as I share bits and pieces of my life in the past two years. Plus I just might have some surprise fierce, fun and fab performance!”
Bago maganap ang streaming ng documentary concert ni Anne sa April 30, magkakaroon muna siya ng virtual meet and greet sa lahat ng mga bibili ng VIP tickets para sa kanyang comeback show.
Para sa mga interesado, maaaring makipag-ugnayan sa Viber at WhatsApp ng cellphone number 0917-1825560.