Ni-revoke o binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license ng taong nanakit ng isang magkakariton.
Ang nag-viral na insidente ay nangyari sa Antipolo City noong December 13, 2025.
Kinilala ang driver ng white pick-up truck bilang kapatid ng komedyanang si Pokwang.
Pinangalanan naman ang magkakariton: si Crispin Villamor.
Humarap sa media si LTO Chief at Assistant Secretary Markus Lacanilao nitong December 17, 2025, Miyerkules, para sabihing natapos na ang pagdinig ng LTO.
Dumating ang driver, pati na rin si Crispin, na hindi na nagsampa ng reklamo.
Gayunpaman, sa resolution ng LTO, revocation ng driver’s license ang ipinataw sa driver.
Pero ano ba ang mangyayari kapag na-revoke ang lisensiya? Bakit may naunang ipinataw na 90-day suspension? Ano na ang mangyayari sa sasakyang ginamit sa insidente?
Read: Driver suspended after hurting magkakariton in front of his kid
lto: driver's license is a privilege, not a right
Sinabi ni Lacanilao na umapela ang driver at nangakong hindi na siya uulit at siya mismo ang tutungo sa LTO kapag naulit ang pagkakamali.
Pero ani Lacanilao sa panayam ng ABS-CBN News nitong December 17: “Hindi pupuwede yung mga ganoon.
“Ang lisensiya, hindi niyo karapatan iyan. Pribilehiyo iyan na puwedeng bawiin anytime.”
Ang naging basis daw sa desisyon ay ang inasal ng driver—bumaba ito ng sasakyan at nanakit ng pedestrian.
“May mali. Walang disiplina,” sabi pa ni Lacanilao.
Inanunsiyo rin ng LTO ang desisyon sa pamamagitan ng isang Facebook post ngayong gabi ng Huwebes, December 18, 2025.
Inusisa si Lacanilao sa tsansa ng driver na mabawi ang license kung sakaling umapela ito.
Pero sundot ni Lacanilao, “Alam naman natin kung ano yung bigat ng ginawa niya.”
Malaman ang isinagot ng LTO chief, “Para sa akin, kung ako ang tatanungin niyo, mabigat yung ginawa, e.”

Sundot na tanong, hindi ba dapat ay lighter penalty muna sa unang offense, lalo pa’t nauna na itong pinatawan ng 90-day suspension?
Sagot ni Lacanilao, ang 90-day suspension ay standard procedure daw habang tumatakbo ang imbestigasyon at dinidinig ang kaso.
Dagdag nng LTO chief, “Natapos na po yung pagdinig, e. So puwede na po kaming magdesisyon kung ano po yung dapat mangyari.”
Read: Magkakariton airs side on viral road rage incident
WHAT HAPPENS WHEN LICENSE IS REVOKED?
Inusisa si Lacanilao: Ang ibig sabihin ba ng revocation ng driver’s license ay hindi na ito makukuha?
“Ganoon na po. Kapag na-revoke, hindi na po siya makakapagmaneho. Hindi po siya makakakuha ng driver’s license. Confiscated na po ang driver’s license niya,” ani Lacanilao.
Sa LTO portal, binanggit ang guidelines sa revocation of licenses under the Department of Transportation (DOTr) Joint Administrative Order No. 2014-01.
Sa pag-revoke ng non-professional driver’s license, disqualified ang holder na mabigyan ng lisensiya sa loob ng dalawang taon.
Mas mabigat naman kapag ang na-revoke ay professional driver’s license.
Nangangahulungan kasi ito na, “the holder is perpetually disqualified from getting another license.”
Ibig sabihin, hindi na ito makakakuha ulit ng lisensiya.
Paliwanag pa ni Lacanilao, bagama’t nagdesisyon ang magkakaritong si Crispin na hindi na sampahan ng reklamo ang driver, ang LTO ang gumawa ng hakbang laban dito.
Anang LTO chief: “Yung actions niya na gamit niya yung sasakyan, lisensiya, bumaba siya, nanakit siya ng tao, ipinagbabawal iyon kahit wala siyang complainant. Hindi po natin dapat ginagawa iyon.”
Mismong si Lacanilao, inirekomenda sa Intelligence Division ng LTO na i-revoke ang lisensiya ng driver.
Paalala niya sa mga motorista, huwag pairalin ang init ng ulo kapag nagmamaneho at nasa daan. Kailangan maging disiplinado at maging makatao.
“Hindi po tayo dapat magkakaroon ng away sa kalye, bababa, mananakit… Hindi po iyon [dapat]…yung may mga lisensiya, gagawin po nila iyon.”
Read: Pokwang apologizes after brother’s road-rage incident
WHAT HAPPENS TO THE VEHICLE?
Sunud-sunod ang usisa ng reporters tungkol naman sa sasakyang ginamit ng driver na isang Toyota Hilux.
Sa ngayon, under “alarm” ang sasakyan.
Ang sabi ni Lacanilao, maaaring magsumite ang kampo ng driver ng apela kung bakit dapat matanggal ang alarm status ng sasakyan.
“Pero, siyempre, sa amin, kumbaga, nagamit iyon, e,” ani Lacanilao ukol sa pagiging accessory ng sasakyan sa insidente.
Maririnig ang assistant officer ni Lacanilao na sinabing hindi maaaring ma-transfer ang sasakyan sa ibang pangalan dahil concomitant ito sa resolution na revocation.
Kumbaga raw, “magkapatid” ang mga ito—ang driver at ang sasakyan—sa pagkaka-revoke ng driver's license.
Dahil ginamit ang sasakyan, maituturing na "useless" na ito matapos ma-revoke ang lisensiya ng driver.
“Iyong sasakyan na nakaalarma pa rin, hindi iyon matatanggal…nakadikit iyon kasi iyon yung nagamit sa pangyayari.”
Ani Lacanilao, “Hindi siya mabebenta, hindi siya masasanla, hindi rin siya marerehistro.
“Ngayon nakarehistro siya, pero next year, pag nag-renew iyan, hindi mari-renew.”
Magiging unregistered na raw ang sasakyan, kung kaya’t hindi ito puwedeng magamit.
Ayon sa LTO portal, nilalagyan ng “alarm” tag ang sasakyan kapag apprehended ang driver, itinuturing na “hot car” ito o na-carnap, kapag nasangkot sa aksidente, pagnanakaw o sitwasyong kinakailangan ng investigation.
Sabi rito: “When it happens, it is impossible to register or renew the motor vehicle’s registration since the payment for fines could not be accepted.”
Maki-clear lamang ito kung aapela sa LTO at ili-lift ng ahensiya ang alarm tag.
