NOEL FERRER
Habang umuugong ang bali-balitang diumano'y pakay ng liderato to take over the frequency of ABS-CBN at ipapagamit sa gobyerno, ang tanong: ano ang mangyayari sa Kapamilya stars na walang trabaho?
Hinihintay natin ang mga susunod na kabanata dahil magsisimula na ang retrenchment ng mga trabahador sa ABS-CBN.
So, paano na ang mga artista? Sinu-sino ang mga solid Kapamilya na nakakontrata at may nakakasa pang mga proyekto?
Mayroon na nga kayang nagbabalak sumubok sa ibang network?
Hindi naman kakayanin o gugustuhin ng GMA-7 i-absorb ang lahat ng ito.
Ang TV5 naman—na very open for blocktime arrangement—ay bukas sa mga artista at production houses na gustong mag-produce ng shows involving Kapamilya artists.
Nabalitaan kong nai-float na mga pangalan, na posibleng lumipat ng network, ay ang tambalang LizQuen o Liza Soberano at Enrique Gil.
Gayundin ang grupo ni Direk Bobot Mortiz—iyong mga mula sa Goin’ Bulilit o Banana Sundae—na parehong hindi na umeere sa ABS-CBN.
Earlier, iniisip nang makakasama sana sina Ogie Alcasid at Regine Velasquez na maging judge, together with my talent Ryan Agoncillo as host, sa upcoming TV5 reality show na Bangon Talentadong Pinoy.
Pero hindi pa raw puwede ang mag-asawa dahil ongoing pa ang ASAP Natin ‘To.
Let us see kung ano ang kahihinatnan ng lahat ng ito.
Malay mo rin, baka magsanib-puwersa ang dalawang istasyong sinasabing pinamumunuan ng oligarkiya. Masaya iyan, ha!!!
JERRY OLEA
Akinse pa lang ng Hulyo, pero umabot na sa 58,850 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa bansa.
Fourth monthsary ngayon ng community quarantine sa NCR, at sandamukal na taga-showbiz mula sa industriya ng TV, pelikula, musika, at teatro ang nganga sa kani-kanyang tahanan.
Masuwerte ang mga nakakaraket. Limitado ang mga palabas na virtual ang setting.
Ibayo man ang pag-iingat, mabangis pa rin ang banta sa kalusugan ng mga artista, staff, at crew na sumabak na sa lock-in tapings.
Sa pagpanaw ng ABS-CBN franchise noong Hulyo 10, Biyernes, karamihan sa Kapamilya ay nagdadalamhati pa.
Pero ang iba, hindi pa man sumasapit ang "pasiyam," umaaksyon na para makalipat sa TV5 o GMA-7. Masisisi ba natin sila?
Survivor Philippines: COVID edition ang dinaranas natin, at magtatagal pa itong pandemya, kahit ipangalandakan ni Department of Health Secretary Francisco Duque III na na-flatten na ang curve.
Matira ang matibay, 'ika nga.
Sa ngalan ni Presidential Spokesperson Harry Roque, sasayaw at kakandirit tayo habang umaawit ng "I Will Survive" at "Stayin’ Alive."
GORGY RULA
May ilang taga-TV akong nakausap noong naibaba ang desisyon na ibasura ang franchise application ng ABS-CBN.
Ang sinasabi nila, baka pagmulan ito ng gulo.
Di ba, ilang gabi na ring nagkakaroon ng noise barrage sa tapat ng ABS-CBN?
Ito ba ang dahilan kaya may nakabarikada na ngayong mga pulis sa tapat ng ABS-CBN compound?
Ano na ang kasasapitan ng istasyon?
Wala na akong maiisip pa kundi patuloy pa rin ang pagdarasal. Ito na lang ang kakapitan natin ngayon.
Huwag sanang manaig ang paghahari ng kampon ng kadiliman. Buo pa rin ang pananalig namin sa Diyos.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
