GORGY RULA
Ang saya ng AlDub Nation dahil muling nagsama sa isang malaking proyekto sina Alden Richards at Maine Mendoza.
Nakikita sila halos araw-araw sa Eat Bulaga, pero iba siyempre ang nagpa-partner sila uli.
Sumikat ang tambalan nila bilang Alden at Yaya Dub, o AlDub, sa "Kalyeserye" segment, na umere mula July 2015 hanggang December 2016 sa Eat Bulaga.
Nitong December 10, Huwebes ng hapon, ang contract signing nina Alden at Maine bilang endorser ng bagong delivery service na Toktok.
Nagkaroon ng virtual mediacon kasabay ng contract signing, pero hindi naayos ang mga technical difficulties kaya hindi namin gaanong marinig ang mga sagot nila sa Q&A.
Tinanong silang dalawa kung magkakaroon ba ng chance magsama sila uli sa isang pelikula.
“Sana,” sagot ni Maine. Hindi ko lang tiyak kung may isinagot ba si Alden.
Pero naisingit ko namang hingan ng mensahe si Maine para kay Alden na kasi-celebrate lang ng 10th anniversary sa showbiz.
“Basta, happy ako kapag happy lang si Alden. Ang wish ko, sana, may love life ka na,” tipong ganun ang mensahe ni Maine para sa dating ka-love team.
Napangiti si Alden, at hindi ko na gaanong marinig ang sagot ng binata.
Mas dinig pa namin ang kilig at tawanan ng mga taong nandoon.
Kasabay ng mediacon ay ang Facebook live ng contract signing at launching event na tinutukan ng AlDub fans.
Mahigit 30,000 ang viewers at ilang minuto lang, nagkaroon na ng 1,900 shares at halos 10,000 na ang nag-comment.
Karamihan sa mga komento ay masaya at kinikilig pa rin sa tambalang Alden at Maine.
Kasama nina Alden at Maine na pumirma ang mga boss ng Toktok na sina Carlito Macadangdang at Jonathan So.
Nung araw ring iyon ay sinimulan na ang pag-upload ng app nito.
JERRY OLEA
Ika-282 weeksary ng AlDub ngayong Disyembre 10, Huwebes.
Inaalala pa rin ng masusugid na tagasubaybay ang pag-uumpisa ng Kalyeserye nina Alden at Yaya Dub.
Asado, hopia, at expectorant tayo na sa tamang panahon ay magtatambal silang muli sa pelikula.
Sa tunay na buhay ay nagkani-kanya na sila ng landas.
Pinatibay at pinatatag ng mga pagsubok ang pag-iibigan nina Maine Mendoza at Arjo Atayde.
Maligaya si Alden Richards sa kanyang interes sa multiplayer online battle gaming. Katoktok, AlDub Nation! Itoktok ninyo!
NOEL FERRER
Kasama ako sa mga maka-AlDub, at tulad nina Alden at Maine, nag-grow at nag-mature din tayo para tanggapin na meron silang kani-kanyang desisyon sa buhay.
Si Maine, may Arjo. Si Alden, may gaming.
Tingnan natin kung anong game of love ang naghihintay kay Alden, na single pa rin ang status sa ngayon.
At sana sa huli, parang si Maine, magwawagi rin siya!
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
