GORGY RULA
Natuloy ang pagdinig ng kasong violation of management contract na isinampa ng Viva Artists Agency (VAA) laban kay Nadine Lustre ngayong Martes, March 16.
Ginanap ang paglilitis sa Branch 220 ng Regional Trial Court ng Quezon City. Bandang 1:40 ng hapon dumating si Nadine kasama ang legal counsel na si Atty. Lorna Kapunan at iba pang abugado.
Ayon kay Atty. Kapunan, natapos nang i-present ni VAA ang kanilang witness.
Ngayon ay sila naman daw ang magpi-present ng witnesses—si Nadine, ang ama nitong si Ulysses Lustre, at ang dating abugado ng aktres.
Mahigpit ngayon sa Hall of Justice ng Quezon City dahil kalahati lang ng mga empleyado ang pinapapasok. Bawal ding magpapasok ng ibang taong hindi involved sa kaso.
Hhindi pa raw nila masabi kung hanggang kailan tatakbo ang paglilitis. Depende rin daw kung magku-cross examine pa ang kampo ng VAA.
Kampante lang si Nadine nang sandali siyang nakapanayam ng PEP Troika bago siya pumasok ng building ng Hall of Justice.
Ayon sa aktres, tuloy pa rin ang trabaho niya at okay siya ngayon.
“Right now, I feel fine. I’m not worried about anything. There’s nothing to be worried about,” sagot ni Nadine nang kinumusta namin siya.
Sinundan namin ng tanong kung willing ba siyang makipag-ayos sa VAA o itutuloy niya ang pagharap sa kasong ito.
Matipid na sagot ni Nadine, “We’ll see what happens na lang po.”
Nagpasalamat si Nadine sa lahat na fans niya, mga kaibigan, at pamilya na laging nakasuporta sa kanya.
Habang tinitipa ko ito, nasa loob pa ng courtroom sina Nadine. Aalamin pa ng PEP Troika kung ano ang nangyari sa pag-upo niya sa korte.
JERRY OLEA
Inaasam nating maayos at makatarungan ang kahinatnan ng usaping ito. Nawa’y maresolba ito ng korte sa lalong madaling panahon.
NOEL FERRER
Kung si James Reid ay maayos namang nagsarili, sana ay magawa ito nang maayos ni Nadine.
Ang maganda lang, despite the pandemic, nakapaglabas si Nadine ng single na naging successful.
Sana nga ay maayos na ito talaga para balik-trabaho na lahat!
