GORGY RULA
Open daw ang bansa natin para sa refugees mula sa Afghanistan. Samu’t sari ang opinyon diyan ng taumbayan.
Sa mundo ng showbiz, sakaling may mga pumasok na Afghan refugees sa Pilipinas, hindi malayong may mga bagong mukhang tutuklasin mula sa Afghanistan.
Ewan ko kung agree kayo, mga ka-Troiks, sa mga naobserbahan ko na ang daming magaganda at guwapong Afghans, ha? Pang-artista ang hitsura at puwede ring models.
Kung naglipana rito ang Brazilian models at mga artista, puwede rin kaya ang Afghans?
Bilang isang talent manager, ano sa tingin mo, Sir Noel?
Si Manay Lolit Solis nga, naloloka raw siya kapag nakikita niya sa news na awang-awa siya sa mga batang Afghans na ang gaganda raw!
“Kung puwede lang, gusto kong magpakuha dun ng dalawang bata! Ang gaganda nila! Ang bilog-bilog ng mata nila. Parang gusto kong umampon ng dalawa,” bulalas ng talent manager/reporter.
Pero sa totoo lang, nakakabahala rin itong nangyari sa Afghanistan.
Si Derrick Monasterio, na puspusan sa promo ng bagong single niya sa GMA Music na "Virgo," ay naiisip daw niyang gumawa ng kanta para sa mga Taliban.
“Gusto kong gawan ng kanta ang mga Taliban. Go away o lumayas ka!” pakli niya sa nakaraang virtual mediacon ng Kapuso hunk.
Apektado raw siya sa napanood niya sa news sa nangyayari sa Afghanistan, na mabuti hindi raw ito nangyari sa ating bansa.
“It can be us, di ba? Pero hindi tayo, suwerte tayo.
“Kung dun ka nakatira, grabe yung chaos nun, as in magulung-magulo. Hindi mo alam na paggising mo, isang araw, last day na pala ng buhay mo yun.
“Hindi natin naisip kung gaano tayo kasuwerte na hind isa atin yun, e. Hindi sa atin nangyari yun.
"Kasi sa iba, tini-take yun lightly. Pero in fact, napakaseryosong bagay at grabe lang yung nangyari,” saad ni Derrick.
Ang haba rin ng emote ni John Lloyd Cruz sa Facebook at Instagram tungkol sa kaganapan ngayon sa Afghanistan.
Kumukurot sa puso ang mensahe ng aktor: “Sa mga kabataan at mga matatanda, lalo na silang mga musmos at walang muwang, sa mga ama at ina, sa mga sundalo at sibilyan, sa lahat ng tao na naiipit sa gitna ng peligro ngayon sa Afghanistan, batid ko ang inyong kaligtasan. “Maging matatag kayo at matapang.
“Nawa’y sa pagtitig ko ngayong gabi sa nahahating liwanag ng buwan ay tumalbog papunta sa inyo mula rito sa kabilang dako ng iisa nating mundo ang dalamhati ko’t pakikiramay sa sinasapit ninyo.
“Maging matatag sana kayo at alalahaning walang anghel para sa mga hindi naniniwala.”
JERRY OLEA
Hinaing ni John Lloyd Cruz kamakalawa sa Facebook at Instagram, “Wala na sigurong mas nakakagimbal pa kesa sa mapagitna ka sa isang tunay at aktwal na giyera.
“Madatnan ang sariling humahangos sa pagtakbo, pag-ilag at paghanap ng tataguan para maisalba ang buhay na nais mo lamang naman ituloy.
“Napanood ko na ‘to sa sine. Ilang beses na. Kahangahanga ang mga naging kwento at mga pagganap.
“Ilang sine na nga ba ang nagawa patungkol sa mga giyera na may nakasentrong kwento sa pananakop at ayaw magpasakop.
“Mga sine at kwento na umani pa ng mga prestihiyosong parangal at tagumpay at humakot din ng limpak-limpak na salapi mula sa takilya.
“Mga pangyayari at kaganapang madalas ay ipinagdidiwang pa sa industriya ng sining, pulitika at ilang mga bansa. Isang paksang pinakakikinabangan ng sanga-sangang kabuuan ng hindi mabilang na tao.
“Isang minahan, ang giyera. Isang bundok, ng katanungan.
“Sino ang nagsimula. Sino ba ang kalaban. Sino ang panalo. Sino ang huling hahalakhak sa dulo. Sino ang kumita.
“Gabundok man ang makuhang sagot,sa dulo ang tanong ko’y may kapararakan ba?”
Pagmamatwid ni John Lloyd, man tayo sa peligro ng giyera sa Afghanistan, hindi ito nangangahulugang hindi tayo maaapektuhan nito.
Dagdag ni John Lloyd, “Malayo man tayo sa banta ng mga mapandagit na kanyon at bala, hindi ibig sabihin ligtas na tayo sa tumatagos na pangongonsensya ng mismong paksa na ating napanood, napagkwentuhan at unti-unting nilubayan.
“O mas malala, pinili nalang hayaan at tanggaping ‘sadyang ganyan.’
“Hindi ko batid na dumampot ka ng armas at sumugod. Hindi ko rin sinasabing ngumawa ka at magluksa.
“Marahil may nais lang masambit, na ang pag-iwas na maapektuhan at ang pagdedesisyong gawin o piliing normal sa kamalayan ang mga nagaganap na kahangalan sa mga dako ng mundo na pinaglalaruan ng mga diyos at nagdidiyos-diyosan ang tunay na nagagapi sa kahit na sinong nagkapakialam o minsan ay naapektuhan ng kahit anong giyerang nagdaan. Maging at lalo na ng matalinghagang giyera na hindi nakikita ng mga mata.
“Kawalan ng giyera ba ang kasingkahulugan ng kapayapaan? Kawalan ng kamalayan na nagpapanggap na kapayapaan ang giyerang paulit-ulit nating tatalikuran.
“Karuruwagan. Dahil marahil, rurok ng tagumpay sa buhay ang kaginhawahan…”
Malalim ang usapin ng Taliban at terorismo sa Afghanistan, at ang epekto nito ay maiuukit sa kasaysayan.
Laganap ang COVID-19 pandemic, at tayong mga Pilipino’y nakikipaglaban dito.
NOEL FERRER
Magaling tumayming para maging relevant si Derrick Monasterio, ha?!
Nakakaawa talaga ang mga pinagdadaanan ng mga taga-Afghanistan. Kaya sana, maging mulat tayo doon na sana, hindi mangyari sa atin ang nangyayari sa kanila doon.
Nakakaawa sila. At nakakaawa rin tayo sa mga kunek-kunek na ginagawang imbestigasyon ng overpriced na face mask at face shields sa DOH, at iba pang reaction sa questionable funds ng Departamento.
Nakakaawa rin tayo. Sana, mamulat din tayo.
Use these Nike promo codes when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.
