GORGY RULA
Finally, sinagot na ni Paolo Contis ang tawag ko pagkatapos lumabas ang interview ni LJ Reyes tungkol sa masalimuot nilang breakup.
Nang pumutok noong Agosto 19 ang isyung hiwalayan nila ni LJ, hindi sumasagot si Paolo sa phone calls ko.
Usap-usapan noon ang pag-unfollow ni Paolo kay LJ, at pagbura ni Paolo ng lahat ng litrato ni LJ sa kanyang Instagram.
Minsan ay sinasagot niya ang text ko, pero tipid ang statement at ipinakiusap nitong huwag na lang isulat ang ibang sinabi niya.
Noon pa lang ay nabanggit na ni Paolo sa akin na balak ni LJ na umalis pa-New York dala ang dalawang anak.
Naramdaman ko na ikinalungkot iyon ni Paolo.
Two years old si Summer, na anak nina LJ at Paolo. Eleven years old si Aki, na anak ni LJ sa dating nobyo na si Paulo Avelino.
PAOLO'S REACTION TO LJ'S INTERVIEW
Ngayong kinumpirma na ni LJ na hiwalay na sila, hinihintay na ang sagot niya kaugnay sa mga lumulutang na dahilan ng kanilang breakup.
Isa sa mga klarong sinabi ni LJ ay higit-kumulang walong buwan niyang inilihim na may problema ang relasyon nila ni Paolo.
Haggang sa nitong Agosto ay naghiwalay sila dahil sa isang pangyayaring may kinalaman sa mga anak.
Hindi ko na siya tinanong kung napanood ba niya ang interview ni Boy Abunda kay LJ na umere kahapon, September 1.
Pero tinanong ko siya kung ano ang naramdaman niya sa mga sinabi ng dating partner.
Meron ba siyang pahayag kaugnay rito?
"Ayaw ko na magsalita, Gorgs," tipid na sagot ni Paolo.
Malungkot ang boses ng Kapuso actor nang kausap ko ito sa telepono ngayong Huwebes ng hapon, September 2.
Hindi ko lang alam kung nagkausap sila ni Kuya Boy, pero ibinigay ko sa kanya ang phone number ng King of Talk.
PAULEEN SADDENED BY LJ-PAOLO BREAKUP
Ilan sa mga alaga ni Manay Lolit Solis ang nagtanong sa akin tungkol sa isyu nina Paolo at LJ. Nalulungkot din sila dahil nakita nilang masaya ang samahan ng dalawa.
Si Pauleen Luna ay natutuwa raw sa mga vlog nina LJ at Paolo, lalo na sa kulitan ni Paolo at anak na si Summer.
Ani Pauleen, nakakapanghinayang, lalo na't ang liit pa ni Summer.
Hindi ko na muna kinulit pa si Paolo ng ilan pang katanungan, dahil ramdam ko sa boses niyang malungkot ito.
Kaya nga siguro tumanggi na siyang magbigay ng anumang pahayag.
JERRY OLEA
Agosto 19 nag-streaming sa Netflix ang pelikulang A Faraway Land nina Paolo Contis at Yen Santos.
Nang araw ring iyon pumutok ang isyung hiwalay na sina Paolo at LJ. Nahinuha natin na tutungo si LJ sa “faraway land” kasama ang dalawang anak.
Dalangin nating mapaghilom ang sugat sa puso ni LJ, at sa tamang panahon, maging maayos ang turingan nila ni Paolo.
Sana rin, hindi maputol ang ugnayan ni Paolo at ni Summer.
NOEL FERRER
Malalim ang sugat, sariwa pa ito.
Para sa kanilang dalawa, maaaring maitanong—ginawa ba ninyo ang lahat ng makakaya ninyo para maisalba ang relasyon?
Maganda ring pag-isipan, bakit ganun na lang ang nagiging pattern ng inyong mga relasyon? Sana may matutunan sila rito.
Hindi na kailangang isangkot ang publiko sa pag-aayos nila ng kanilang mga sarili.
Bukod dun, sana hindi nila kalimutan ang kanilang mga responsibilidad sa mga anak nila. Yun lang.
