GORGY RULA
Pumirma muli ng exclusive contract sa GMA-7 si Gabbi Garcia.
Masaya siya dahil nandiyan pa rin ang tiwala sa kanya ng Kapuso network, at marami nang naka-lineup na shows para sa kanya.
Sabi nga ni Gabbi, parang napuno na ang buong 2022 niya.
Bukod sa regular show niyang All-Out Sundays, may nakabinbin pa siyang drama series na Love You Stranger with boyfriend Khalil Ramos at may sisimulan pa silang isang mini-series para sa Stories From The Heart.
Sa darating na Sabado, September 25, ay mapapanood na ang episode nila ni Khalil sa Regal Studio Presents, ang "One Million Comments, Magjo-jowa na Ako."
Sayang lang dahil naudlot ang taping ng Love You Stranger na in-announce nung December last year. Ang dami kasing problema na inabot ang lock-in taping nila, kaya natigil muna ito at napagpasyahang i-resume na lang ang taping sa January 2022.
Aminado si Gabbi na nalungkot sila ni Khalil dahil dapat ngayong taon na ito eere.
“Hindi naman po ako magsisinungaling na okay lang,” pakli ni Gabbi sa kanyang virtual mediacon, pagkatapos niyang mag-renew ng kontrata sa GMA-7.
“Of course, I felt… I was also sad, di ba? Frustrated.
"Pero more on, I’m just really trying to understand the whole situation.
“Kasi, naging honest naman sila sa amin when it comes to the show, na ito yung mga naging problema.
“Kinausap kami, sinit-down kami, which I really appreciate, and they really explained to us what happened.
“Then, more than anything, it’s more on the ano, e… ahhh, understanding talaga.
“I understood them where they’re coming from, and they also respected how we felt.
"But, at the end of the day, kasi isa naman kaming team diyan sa GMA, e.
“So, nothing naman will happen kung magdadamdam tayo sa isa’t isa. And the important thing is matutuloy pa rin talaga yung show next year,” saad niya.
Tiniyak ni Gabbi na matutuloy ang Love You Stranger, taliwas sa usap-usapang ibabasura na ang project nilang ito ni Khalil.
Nagpapasalamat ang magkasintahang Gabbi at Khalil dahil hindi sila pinababayaan ng GMA-7. Binigyan sila ng iba pang trabaho.
Bukod sa Regal Studio Presents, nakatakda na silang pumasok sa lock-in taping ng Stories From The Heart.
JERRY OLEA
Walang balak si Gabbi na sundan ang mga yapak ni Janine Gutierrez.
Ang Kapamilya na si Rayver Cruz ay nag-over da bakod para makasama si Janine, na eventually ay lumipat sa ABS-CBN.
Dating Kapamilya rin si Khalil, at tumawid ng network para makasama si Gabbi.
May tsismis noong lilipat si Gabbi sa ABS-CBN, pero walang pormal na offer sa kanya, at aware daw rito ang GMA-7.
“Parang informal lang na… hindi siya formal, e,” sambit ni Gabbi.
“Lagi lang… kasi that time, yun ang mga times na sumasama ako sa mga friends ko sa ABS.
“Ang dami ko kasing friends dun, so exposed tuloy ako sa kabilang network. Which is for me naman, it was really pure friendship, wala naman akong habol dun.
"Kasi, I’m already contented and happy where I’m at.
“Pero yun lang, very informal offers na mga sabi-sabi. GMA knows that naman. I’ve been very honest with them.”
Sa Sabado ng 8:30 p.m. mapapanood ang Regal Studio Presents: One Million Comments, Magjo-jowa na Ako sa GMA.
Ka-love triangle dito nina Gabbi at Khalil si Manolo Pedrosa, na galing din sa ABS-CBN.
NOEL FERRER
Buti naman at tuluy-tuloy ang trabaho ni Gabbi kasama ang boyfriend na si Khalil Ramos.
Sayang at hindi sila masyadong kinagat sa pelikulang LSS: Last Song Syndrome (2019), pero sana, sa TV projects sa TV ay magkaroon sila ng loyal following.
Actually, more than acting, mahusay si Gabbi sa hosting ng lifestyle shows. Sana may ganung platform na magbukas sa kanya.
All the best, Gabbi!
