GORGY RULA
Pursigido si Ai-Ai delas Alas na manatili muna sa Amerika pagkatapos ng Season 4 ng The Clash.
May naririnig akong iba pang projects na inaalok sa komedyante, pero ang The Clash lang daw ang puwedeng magpabalik sa kanya sa Pilipinas sakaling nasa Amerika na siya.
Gusto raw kasi munang mag-focus ni Ai-Ai sa kanyang U.S. citizenship dahil balak nitong i-petition ang asawang si Gerald Sibayan.
Ani Ai-Ai, “Yung The Clash, yun parati ang uuwian ko in case.
“Kasi siyempre, sa buhay natin, di ba? Kagaya ni Golden, minsan may priority ka rin."
Ang The Clash Season 1 winner na si Golden Cañedo ay nagdesisyong umuwi muna sa Cebu para ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral at makasama ang pamilya.
Patuloy ng Comedy Queen, “Although, babalik naman ako dito, kasi yung nanay ko matanda na, so bibisitahin ko.
“Sa totoo lang, ngayon pa lang ako magiging may asawa, na ang priority ko si Gerald. Bukod sa ipe-petition ko siya, kailangan niya din ng kasama dun sa Amerika.
“Alangan namang nandito ako, nandun siya. Dyusko, bakit pa kami naging mag-asawa?
“Saka kasi, ngayon lang din ako magpu-full blast ng green card ko. 2015 pa kasi yung green card ko.
"So, kung bibilangin mo nung 2020, five years na ako, dapat citizen na ako.
“So, ngayon ko siya talaga bubunuin. Kasi, binigyan naman ako ni Lord ng pagkakataong magkaroon ng green card, tapos sasayangin ko lang?
"So, gagawan ko siya ng paraan ngayon."
Kapag sa Amerika na sila naninirahan, isa sa balak nilang mag-asawa ay ang magka-baby, at bukas sila sa surrogacy kung sakali.
Saad ni Ai-Ai, “Oo, lahat 'yan, planado na sa gagawin namin sa Amerika. So, yun lang.
“Prayers lang and every day na hope na lahat na ‘to ay magiging maganda.
“Pray-pray lang kay Lord.”
Sa Season 4 ng The Clash, excited si Ai-Ai at ang mga kasama niya sa panel na sina Christian Bautista at Lani Misalucha dahil ang dami raw magagaling.
Napansin daw ni Ai-Ai na maraming magagandang contestants na magaling pa ngayong season.
“Sa totoo lang, this season 2021, napakadaming magandang babae. Ang daming maganda talaga, pang-artista.
“Kaya excited din kami kasi magaganda sila.
“Meron din naman. Minsan nagbu-bloom din naman 'yan pagdating ng semifinals, nagmumukhang mga superstar na, e.
“Pero eto, e, sobrang ganda nila, magugulat ka talaga pagdating ng finals, parang… Ay! Diyos ko! Parang mga French actress, ganun ang dating,” bulalas ng Kapuso Comedy Queen.
NOEL FERRER
Naiintindihan ko si Ai-Ai at marami akong kakilala na gumawa rin ng ganun.
Bukod sa work, okey na rin na dun na siya magpa-booster shot sa bakuna laban sa COVID!
JERRY OLEA
Kung The Clash lang ang gustong balikan ni Ai Ai, malabo pang magsanib-pwersa silang tatlo nina Pokwang at Eugene Domingo sa isang programa.
Hopia at asado tayo na magaganap iyon sa tamang panahon.
At dahil mag-uumpisa na ang bagong season ng The Clash sa Oktubre 2, Sabado ng 7:15 p.m.… waley na sa Sabado night ang Regal Studio Presents (RSP).
Umpisa Oktubre 3, Linggo, ay nasa regular timeslot na nito ang RSP—Sunday, 4:35 p.m. sa GMA.
Mapapanood this Sunday afternoon ang RSP episode nina Kokoy de Santos at Shaira Diaz na “Ikaw si Ako, Ako si Ikaw.”
Tungkol ito sa body switching, at idinirek ito ni Joel Ferrer.
Nagkaroon ng switching ang episodes ng RSP. Kasi, ang 4th episode dapat na “The Signs” ay naging 5th episode na, at sa Oktubre 10 mapapanood.
Tampok sa “The Signs” sina Bianca Umali, Gab Moreno, Prince Carlos, at Carlo San Juan, sa direksiyon ni Easy Ferrer.
At gaya ng ipinangako ng mga Kapuso, magbabalik ang tambalang MiKel ng GTV series na The Lost Recipe.
Magla-loving-loving sina Mikee Quintos at Kelvin Miranda sa sixth episode ng RSP sa Oktubre 17 na "Promises To Keep."
Co-star nila rito si Angel Guardian, with Joel Ferrer as director.

Use these foodpanda vouchers when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.
