GORGY RULA
Inaabangan na ng fans ang #DenJenReveal na gagawin sa 24 Oras ngayong Biyernes ng gabi, Oktubre 29.
Sa group chat ng ilang fans at mga masugid na sumusubaybay sa mga programa ng GMA-7, hinuhulaan na nila kung ano ang revelation ng magkasintahang Jennylyn Mercado at Dennis Trillo.
Halos iisa ang hula ng marami: aaminin na ng magkasintahan ang tunay na kalagayan ni Jennylyn.
Totoo bang mahigit dalawang buwan na ang kanyang ipinagbubuntis?
Aaminin na rin daw nina Jennylyn at Dennis na engaged na sila.
Ayon sa impormasyong nasagap namin, matagal na raw talagang planong magpakasal ng dalawa. Nauna lang itong pagbubuntis.
Kaya maaaring sa susunod na taon na rin ang inaabangang DenJen wedding.
May isa pang pinapakiramdaman ng ilang fans: baka magkaroon ng virtual CoLove concert.
Pero depende pa rin sa kalagayan ni Jennylyn, na medyo hirap daw talaga sa pagbubuntis.
Malalaman ang lahat ng kasagutan mamayang gabi sa taped interview kina Dennis at Jennylyn na, kung hindi kami nagkamali, si Nelson Canlas ang nag-interview.
JERRY OLEA
Kung hindi ako nagkakamali, Setyembre 25, Linggo, naganap ang “medical emergency” ni Jennylyn na naging sanhi kaya natigil ang lock-in taping ng Love. Die. Repeat.
Hanggang Oktubre 2 na lang sana ang taping ng nasabing TV series kung saan katambal ni Jennylyn si Xian Lim bilang kanyang asawa.
Nabalitaan nating kailangang magpahinga ni Jennylyn, kaya next year na magre-resume ang taping ng nasabing palabas.
Mahigit isang buwan na ang pregnant silence sa kaganapang ito. Hopefully, mailuluwal sa DenJenReveal ang mga tanong na kumikislot at umuuha sa ating diwa.
“After All” kaya ang title ng CoLove concert ng DenJen?
NOEL FERRER
Pangmatagalan ang commitment ng pagpapakasal. Nagtagal naman sina Dennis at Jennylyn nang wala ito.
Pero sana, kapag umabot sila sa puntong ito, handa na sila sa lahat ng kaakibat dito.
All the best kina Dennis at Jennylyn!
