JERRY OLEA
Best Picture sa 47th MMFF Gabi ng Parangal noong Disyembre 27, Lunes, ang Big Night, na nasungkit din ang Gender Sensitivity Award.
Second Best Picture ang Kun Maupay Man It Panahon (Whether The Weather Is Fine), na pinagkalooban din ng Gatpuno Antonio J. Villegas Cultural Award.
Third Best Picture ang A Hard Day, na nagkamit ng FPJ Memorial Award.
Kumusta kamo ang akting ng mga pangunahing artista sa mga pelikulang ito? Sa Big Night, wagi sina Christian Bables (best actor) at John Arcilla (best supporting actor).
Nominado sina Nico Antonio, Eugene Domingo, at Janice de Belen sa kanilang pagsuporta.
Big time ang husay ng iba pang artista ng Big Night — Gina Alajar, Ricky Davao, Soliman Cruz, Gina Pareño, at Sue Prado.
Sa Kun Maupay Man It Panahon, wagi sina Charo Santos (best actress), Rans Rifol (best supporting actress), at Daniel Padilla (special jury award).
Sa A Hard Day, kapwa nominado sina Dingdong Dantes at John Arcilla.
Ang tatlong pelikulang ito ang pinakamagaganda sa panlasa ng mga hurado ng MMFF 2021.
Lumakas ba sa takilya ang Big Night, Kun Maupay Man It Panahon, at A Hard Day matapos ang awards night?
O mas bet pa rin ng moviegoers ang horror movies na The ExorSis kung saan nominadong best actress si Alex Gonzaga, at Huwag Kang Lalabas na tinanghal na best float?
GORGY RULA
Maganda ang ginawa sa katatapos lang na Gabi ng Parangal ng 47th MMFF, kung saan kinilala rin ang iba pang nagpakita ng galing sa filmfest ngayong taon.
Ang ganda ng sinabi ni Direk Joey Reyes nang iginawad nila ang Jury Prize Award kay Daniel Padilla, na magsisilbing inspirasyon daw ang aktor sa mga kabataang artista na lalong pagbutihin ang kanilang propesyon bilang artista.
Itong ginawa ni Daniel sa Kun Maupay Man It Panahon ay hindi typical na pelikulang ginagawa niya, at wala pa ang ka-love team na si Kathryn Bernardo.
Sana tangkilikin ito ng fans nila, lalo na ang mga nag-e-emote na napunta ang Best Actor award kay Christian at hindi kay Daniel.
Pero masaya si Daniel sa Special Jury award na natanggap niya.
Aniya, “Hanggang ngayon, ako’y bata pa rin pagdating sa industriya, di ba?
“Ako ay nai-inspire pa rin. Sundan lang natin ang yapak ng industriyang Pilipino, ng pelikulang Pilipino, at siyempre, e, huwag nating kalimutan kung saan tayo nanggagaling.”
Binati ni Daniel ang mga kasamahan niya sa pelikulang Kun Maupay Man It Panahon na sina Rans at Ma’am Charo, na pareho ring nagwagi ng awards.
“Grabe ‘tong pelikulang ito. Isang achievement for me, and I would like to thank all the people who watched at supported the film,” sabi pa ng Kapamilya actor.
NOEL FERRER
Patuloy pa ring dumarami ang mga tao sa sinehan at maganda namang hinahabol nila ang mga pelikulang nagsipagwagi ng mga parangal.
Nakakatuwa lang na meron na tayong ganitong alternative na mga pelikula — yung pang-genre na horror-romcom at comedy at aksyon, at yung ibang tumatalakay ng kuwentong kakaiba tulad ng Big Night at Kun Maupay Man It Panahon na nauna nang maipalabas sa international film festivals at heto ngayon, nangungusap sa Pinoy viewers na, sana, panoorin at suportahan ng ating mga kababayan.
By this time, nalampasan na natin ang record earnings ng buong online MMFF last year. Kaya pa nating umariba at pasiglahin muli ang industriya ng pelikulang Pilipino. Basta, sama-sama tayo!
Use these Shopee vouchers when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.
