GORGY RULA
Bukas, January 7, na ang finale ng The World Between Us (TWBU) nina Alden Richards at Jasmine Curtis-Smith.
Okay naman ang rating ng teleseryeng ito ngayong patapos na.
Ayon sa AGB Nielsen NUTAM ratings, naka-11.9% ang TWBU (versus 3.3% ng Viral Scandal) nung nakaraang Martes, January 4. Nakakuha naman ito ng 12.9% (versus 2.8% ng Viral Scandal) nung Miyerkules, January 5.
Nung nakaraang Martes din, naka-13.1% ang I Left My Heart in Sorsogon versus combined ratings ng FPJ’s Ang Probinsyano na 10%, at Marry Me, Marry You na 4.5%.
Nung Miyerkules, January 5, 12.7% ang I Left My Heart In Sorsogon, 9.4% ang FPJ’s Ang Probinsyano, at 4% naman ang Marry Me, Marry You.
Ilan sa mga taga-production ng The World Between Us ang nakatsikahan ko at halos lahat sila ay nalungkot nung huling taping days dahil hindi na raw nila makakatrabaho si Alden.
“Well-loved siya ng artists, staff, and crew,” pakli ng isa sa mga staff ng TWBU.
Ang isa pang ikinatuwa nila ay talagang pinag-aralan daw nang husto ni Alden ang karakter ni Louie Asuncion na ginagampanan niya sa seryeng ito.
Nang mag-tape daw sila ng season return, pinaghandaan daw nang husto ni Alden ang tamang look ni Louie. Kaya nag-diet siya nang lubos para gumanda ang katawan, at personal niyang pinili ang mga damit na isusuot.
“Napaka-professional niya. Siya ang nag-suggest nun, pati sa pagpili ng mga isusuot para true to his character.
"Kita niyo naman, very vocal ang mga co-artists sa praises kanya.
“Very generous pa siya lalo na sa mga staff. Binigyan niya ng grocery bags silang lahat,” dagdag na tsika sa PEP Troika.
Kaya ang wish nila, sana sila raw uli ang team sa susunod na gagawing teleserye ng Asia’s Multimedia Star.
Kasalukuyang nasa Amerika si Alden, at baka sa January 9 pa ang balik niya ng bansa.
Magiging abala muna ang aktor sa kanyang ForwARd concert na nakatakdang i-stream sa January 30 ng 8:00 p.m. May special participation dito ang Manila String Machine at UST Singers.
Available na ang tickets sa halagang P1,999 sa VIP at P999 sa General Admission.
NOEL FERRER
Iba ang style ng pagpapa-yummy ni Alden Richards kina Dingdong Dantes at Dennis Trillo.
May pa-abs at pa-cape si Alden na labis na ika-react ng followers niya.
Sana pagkabalik niya, makagawa si Alden ng isang role na breakthrough role talagang tatatak ang pagka-best actor niya. Or better yet, siya na mismo ang mag-produce niyon para may taya siya sa mga breakthrough projects na gagawin niya!
All the best, Alden!
JERRY OLEA
Makadurog-puso ang pagpanaw ni Carmina (Dawn Zulueta) sa mga bisig ni Gabriel (Richard Gomez) sa pelikulang Hihintayin Kita Sa Langit (1991).
Ganundin nang malagutan ng hininga si Katerina (Julia Montes) kapiling si Daniel (Coco Martin) sa Kapamilya teleseryeng Walang Hanggan (Enero-Oktubre 2012).
At dito sa Kapuso primetime series na The World Between Us, luhaan ang masusugid na tagasubaybay sa death scene ni Lia (Jasmine Curtis-Smith) kasama si Louie (Alden Richards).

Bumaha sa Twitter ang papuri kay Alden, at nag-Top 2 trending ito sa Twitter noong Wednesday night.
Kaabang-abang ang fight scene nina Louie at Eric (Sid Lucero) ngayong Huwebes ng gabi, January 6, sa veranda ng condo. Napaka-intense!
Sa teaser, sabi ni Eric habang may hawak na patalim, “Hindi tayo matatapos nito hangga’t walang bumabagsak sa ating dalawa, e!”
Bortang-borta si Louie, bakat ang nipples, “Susuko ka na?”
Hiyaw ni Eric, “Wala namang mararating itong paghihiganti mo dahil tapos ka na, e!”
Ayan na! Nagsuntukan sila! Wagi si Louie! Sakal niya si Eric, na kung lalagapak ay matitigok.
Hirit ni Eric, “I don’t wanna die! Susuko ako sa pulis!”
Napakaigting ng ngitngit ni Louie, “Hindi ako naaawa sa iyo! Ang mga kagaya mo, hindi na dapat binibigyan ng pangalawang pagkakataon!”
Siyanga pala, takaw-pansin ang Instagram post ni Alden noong Pasko sa San Francisco, California, kung saan suot niya ang jacket na bee collection ng Dior.
Parang logo ng isang food chain na kalaban ng ini-endorse niya, di ba? Sana, mag-ingat si Alden sa mga ipinu-post niya sa socmed.
