GORGY RULA
Natuloy na nung Biyernes, January 21, 2022, ang meeting ni John Lloyd Cruz sa Creative Group ng GMA Entertainment executives at ilang writers.
Pinag-usapan na ang susunod gagawin ni Lloydie sa Kapuso network.
Maganda kasi ang feedback at consistent na toprater ang sitcom niyang Happy ToGetHer kaya ganado silang sundan ng isa pang magandang programa ang magaling na aktor.
Maaaring drama series ito na hindi pa raw napagkasunduan kung sino ang makaka-partner niya. Pero maganda raw ang material at nagustuhan ito ni John Lloyd.

Sisimulan na rin daw ang drama series ni Bea Alonzo.
Binanggit naman ni Bea sa nakaraang GMA Countdown na magsasama sila ni Alden Richards sa isang project, kaya eto na nga.
Ang latest na nasagap ng PEP Troika, adapted daw ito sa isang sikat na Korean drama. Pero hindi lang sa kanilang dalawa naka-focus ang takbo ng kuwento kundi may isa pa. Maaring triangle ito, pero hindi pa nilinaw kung Kapuso actor o actress ang isa sa makakasama nilang dalawa.
Ang tanong lang ngayon ay kaninong drama series kaya kina John Lloyd at Bea ang maunang mapapanood natin?
Samantala, magbabalik-taping na ngayon ang mga drama series ng GMA-7 pagkatapos ng mahigit isang linggong health break.
Nabanggit nang bago matapos ang buwang ito ay balik-lock-in taping na ang Lolong ni Ruru Madrid, at ang Love You Stranger nina Gabbi Garcia at Khalil Ramos.
Ang hindi pa pala puwedeng makabalik sa lock-in taping ay ang Voltes V Legacy dahil may bata silang kasama rito, si Raphael Landicho na gumaganap bilang si Little John.
Mahigpit pa rin ang safety protocols na ipinapatupad, at dahil sa mataas pa rin ang mga COVID cases, bawal pa rin ang mga minors na magtrabaho sa lock-in taping.
JERRY OLEA
Aabangan din natin kung aling Kapuso teleserye ang mas magre-rate, kung iyon bang kay Bea o iyong kay John Lloyd.
Litmus test para sa tandem nina Gabbi at Khalil ang seryeng Love You Stranger, kaya abang-abang din tayo rito.
Siyempre pa, ang most anticipated sa primetime programs ng GMA-7 this year ay ang Voltes V Legacy nina Miguel Tanfelix at Ysabel Ortega.
NOEL FERRER
At least, may na-go na si Classmate Bea Alonzo sa teleserye material para sa kanya ng GMA-7.
Excited na ang followers niyang makita siya ulit sa screen. Plus factor pa ang pag-aalaga sa kanya ni Sir Ricky Lee na kasama na sa creatives ng GMA-7.
Kahit ako ay excited din sa paggawa ng serye ni Lloydie. Any output coming from a great actor like him is worth supporting.
Soon after, I would long for a John Lloyd-Bea re-team up and, most probably, it should be for the big screen. Sana soon!
