JERRY OLEA
Matapos makipagharutan kay Rex Lantano sa BL anthology na Love at the End of the World, tatlo agad ang mga pelikula ni Kristof Garcia sa AQ Prime Stream.
Una, ang action thriller na Z Love with Devon Seron.
Ikalawa, ang advocacy film na Sosyal Medya with Brenda Mage.
At ikatlo, ang BL fantasy na Adonis X with Kurt Kendrick and Mark McMahon.
“Napakabait ni Devon off and on cam,” sabi ni Kristof sa grand launch ng AQ Prime Srream noong Hunyo 4, 2022, Sabado, sa Conrad Hotel, Pasay City.
“Tapos, napakasimple niya, napakagaang katrabaho sa Z Love. At masaya ako pag kasama ko siya!”

Kristof Garcia and Devon Seron
Mas masaya raw sa Adonis X, kung saan pinatunayan niyang ang galing-galing niyang humalik.
Sabi pa ni Direk Alejandro “Bong” Ramos, karapat-dapat siyang tagurian bilang Bagong Tambok King!
“Bagong Tambok King?! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!” mataginting na halakhak ni Kristof, na isa sa BidaMan finalists ng It’s Showtime.
“Yun siguro ang nakita ni Direk during the shoot! Ha! Ha! Ha! Ha!”
OK lang ba sa kanya na makilala bilang Bagong Tambok King? Ano ba ang matambok talaga sa kanya?
“Hindi ko alam. Parang lahat yata… Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!”
May pagka-thriller din yung Sosyal Medyo, at kakaiba rin daw ang ginawa niya rito.
“Parang hindi siya yung usual na napapanood ninyo kay Kristof. Tungkol ito sa vloggers, at may mangyayaring masalimuot sa bawat isa sa kanila,” saad ni Kristof.
May kakaibang kissing scene ba siya with Brenda?
Natawa muli si Kristof, “Abangan niyo yun. Madami din akong kissing scenes dun!”
NOEL FERRER
Medyo marami ngang assignments si Kristof. OK naman yun for visibility, lalo na sa mga baguhan.
Pero maganda ring tanungin, ano at paano ba kikilalanin ang isang Kristof Garcia… bilang Tambok King ba talaga?
Kumusta ba siya sa projects na nilabasan na niya
OK ang visuals niya, pero may comment na parang kailangan ng audio-video lock. Iba raw kasi ang dating ni Kristof kung walang dialogue at kung nagsasalita na raw siya.
Whatever people mean, maganda to watch him closely in his projects na naka-lineup.
Sana, he gets better in every project. At sana, marating din ang inaasam na audio-video lock at luck talaga!
GORGY RULA
Parang ang dami nang ginawa ni Kristof Garcia. Parang ang tagal na niyang nagsimula sa showbiz.
Noon ko pa siya nakikita bago siya sumali sa BidaMan ng It’s Showtime.
Ang ganda na sana nung napapasama siya sa mga school tour ng Megasoft Hygienic bilang isa sa brand ambassadors nito. Ang ganda ng image dahil nag-e-endorse na ng produkto, at nag-iikot pa sa mga eskuwelahan.
Kinikiligan ng mga babae at bading na estudyante dahil nakilala siyang BidaMan, guwapo at nakakakanta. Pero pagkatapos nito, ang kasunod nang nabalitaan sa kanya ay isinalang na siya sa BL projects at naging palaban sa hubaran, laplapan.
Nakilala naman siyang BidaMan finalist, sana nagpakahasa na siya sa pag-arte o puwede ring mag-focus sa kanyang music career.
Sana, itinuloy pa ang acting workshops o kung ano pang meron siyang kailangang matutunan sa tamang pag-arte. Idagdag pa diyan ang alam niya sa pagkanta.
Ang dating kasi sa akin ngayon, parang kung saan-saan na siya isinasahog. Ganun pa rin.
Ipinapakilala pa rin siyang BidaMan finalist. Hindi yung naging bida siya sa ilang BL series gaya nitong Love at the End of the World.
I’m sure, hindi mo naman maipagmamalaki ang titulong "Tambok King."
Guwapo naman siya. Maganda ang katawan, at may karakter ang mukha.
Kung talagang may talent, puwede talaga siyang i-groom at masundan ang career path ng kagaya ng kay JC Santos at iba pang kilalang aktor na ang dami rin munang sinalihan at pinagdaanan bago nila narating ang kinalalagyan nila ngayon.
