JERRY OLEA
Nagkabati na ang mag-inang Nora Aunor at Lotlot de Leon noong Hunyo 15, 2022, Miyerkules.
Read: Lotlot de Leon responds to critic slamming her for skipping family reunion at mom Nora Aunor’s house
Kinumpirma ito ng tatlong sources ng PEP Troika — isang malapit kay Nora, at dalawang malapit kay Lotlot.
Matatandaang ang magkakapatid na Ian, Matet, Kiko, at Kenneth ang tumanggap ng plake ni Nora bilang National Artist noong Hunyo 16, Huwebes, sa Malacañang Palace.
Nagkasakit ang 69-anyos na Superstar at hindi ito pinayagan ng doktor na pumunta sa Malacañang, kaya ang apat na anak ang nag-proxy rito.
Napag-alaman ng PEP Troika na si Lotlot ang nagbabantay sa Superstar, kaya hindi ito nakasama sa Malacañang.
Ang sabi ni Matet de Leon noong Huwebes, “Diretso na kaming magde-deliver kay mommy ngayon ng kanyang plaque…”
Ibig sabihin, nagkasama-sama si Nora at ang lahat ng mga anak niya noong Huwebes!
Dalangin nating bumuti na nang husto ang lagay ni Ate Guy upang makadalo ito sa nalalapit na pagpupugay sa bagong National Artists.
NOEL FERRER
Ang unang plano sana ay si Ate Guy ang magbibigay ng mensahe in behalf of all the eight National Artists noong Huwebes sa Malacañang.
Hindi lang siya pinayagan ng mga doktor kaya nagpaunlak si Ricky Lee na malapit na kaibigan din ni Ate Guy.
Read: Nora Aunor finally gets elusive National Artist for Film recognition
Sana talaga, makadalo si Ate Guy sa gaganaping tribute sa kanila sa CCP sa Hunyo 29, Miyerkules.
Aabangan natin iyan kasabay ng taimtim na dalangin na sana ay bumuti na talaga ang kalagayan ni Ate Guy na ngayo’y Pambansang Alagad Ng Sining na para sa Pelikula at Sining Broadcast.
GORGY RULA
May ilan na rin akong napagtanungan tungkol sa pagkakaayos ng mag-inang Nora at Lotlot.
Ayaw lang nilang magbigay pa ng ibang detalye. Ang mahalaga ay okay na sila. Magandang balita iyan, dahil yun naman ang inaasahan ng lahat na magkakabati na rin at maging okay na ang buong pamilya.
Pero hindi pa rin maalis sa atin na mag-aalala.
Sabi naman ng ilang taong malapit sa original Superstar, walang dapat ipag-aalala dahil okay na okay raw siya. Pero kapag tinatanong ang tungkol sa kanyang karamdaman, wala na silang sagot.
Sana, okay na talaga at makikita na natin si Ate Guy. Okay lang kahit naka-wheelchair siya, basta makadalo sana siya sa tribute sa kanilang bagong National Artist sa CCP.
Pagkatapos nito ay magkakaroon na rin ng linaw kung kailan na ba talaga ipalalabas ang pelikula niyang Kontrabida ni Direk Adolf Alix Jr. Puring-puri siya roon ng co-actors niya at ng lahat ng production staff.
