JERRY OLEA
Sabay na nag-oath taking ang magkasintahang Aiko Melendez at Jay Khonghun kay President Rodrigo Roa Duterte (PRRD).
“Salamat po, Pangulong Rodrigo Roa Duterte na pinangunahan ang aming panunumpa kasama si Senator Bong Go sa Malacañang Palace,” kuwento ni Aiko sa PEP Troika noong Hunyo 26, Linggo ng hapon, via Messenger.
“Sama-sama kaming magpamilya ang nanumpa kaya napakaespesyal ng araw na ito.
"Kasabay ko si Congressman Jay Khonghun ng District 1 of Zambales, ang kanyang ama na mayor ng Castillejos na si Jeffrey D. Khonghun, kapatid na mayor ng Subic na si Jonathan Khonghun, at Vice Governor Jaq Khonghun na pumalit sa dating posisyon ni Jay.
“Kasama rin si Konsehal Jamiel Khonghun Escalona ng Olongapo. At siyempre, Aiko Melendez, councilor ng District 5 ng QC. Sama-sama naming tutuparin ang aming sinumpaang tungkulin sa nasasakupan namin.
“Masaya ako dahil magkakatulungan kami ni Jay sa lahat since nasa public service na rin ako. Umpisa ito ng panibagong pagbabalik ko sa pagsisilbi sa mga tao.”
Nakakaaliw ang anecdote ni Aiko sa sandaling kuwentuhan nila ni President Digong.
Saad ni Aiko, “Sabi ni President Digong sa akin, ‘Alam mo, iniisip ko kung saan kita nakita dati. Para kang pamilyar.’
“Sabi ni Senator Bong Go, ‘President, artista siya,’ sabay tawa. Sabi ni Presidente, ‘Kaya pala pamilyar!’ Ha! Ha! Ha! Ha!”

Noong Linggo rin ay nagdiwang ng kaarawan si Congressman Jay. Ano ang birthday wish ni Aiko para sa kanyang mahal na kasintahan?
“Sana ngayong birthday niya, bigyan niya rin ng time yung gusto ko na gawin niya which is yung executive check up niya yearly,” tugon ng multi-awarded actress.
“Kasi, sa pagka-workaholic niya, minsan nane-neglect niya ang health niya. Ang takot ko is baka it might take a toll on him. Sounds cliche but health is wealth.”
NCR-based na si Congressman Jay, unlike before noong vice governor ito ng Zambales na namamalagi sa probinsiya. Dahil nasa QC naman ang constituents ni Konsi Aiko, mas may oras na sila ni Cong Jay para sa isa’t isa.
Gaano kadalas uuwi si Cong Jay sa Zambales?
“Since ang Congress ay nasa QC, ang home base niya, 3 to 4 days a week na siya sa Manila. So, mas magkakaoras kami also sa isa’t isa after ng work niya,” lahad ni Aiko.
“The rest, uuwi siya sa Zambales para may oras din siya sa son niya and constituents.”

Noong Hunyo 28, Martes, ay kasabay rin si Aiko ng pamilya Khonghun sa oath-taking sa lalawigan ng Zambales.
Ngayong Hunyo 29, Miyerkules ng umaga, ang inaugural ni Aiko sa EVM Convention Center, Quezon City. A-attend naman si Cong. Jay sa inaugural ni BBM bukas sa National Museum.
NOEL FERRER
Nakakatuwa na matagumpay ang mga anak-anakan ni Tito Douglas Quijano na nag venture sa politika tulad nina Aiko, Richard Gomez, at Lucy Torres-Gomez, pati ang magkapatid na Jomari at Ryan Yllana.
Nabanggit natin sa ating mga pag-uusap na napakaganda ng training ni Tita Dougs sa kanyang mga alaga — to be the best in whatever field they get into and to treat people kindly. Dama natin iyan sa mga alaga niya lagi!!!
All the best Aiko & Jay, Goma & Lucy, Jomari & Ryan! You make us and Tito Dougs proud!!!
GORGY RULA
Halos sabay-sabay namang nanumpa ang pamilya Revilla na nanalo sa nakaraang eleksyon.
Si Senator Bong Revilla ang nag-administer ng oath of office ni Cavite 2nd district Representative Lani Mercado-Revilla, at ang panganay nilang anak na si Bryan Revilla na representative ng Agimat Party-list.
Ginanap ito sa St. Michael the Archangel Parish Church sa Bacoor, Cavite, nung June 28.
Doon na rin nanumpa ang mga kapatid ni Senator Bong na si Bacoor Mayor Strike Revilla at Vice Mayor Rowena Mendiola.
Si Cavite Governor Jonvic Remulla naman ang nag-administer ng oath-taking ng bunsong anak nina Sen. Bong at Cong. Lani na si Ram Bautista, ang pinakabatang board member ng Bacoor na magre-represent sa Provincial Board ng Cavite.

Si Jolo Revilla na representative ng 1st district ng Cavite ay nung June 25 naman nanumpa na in-administer ng kanyang amang si Sen. Bong.
Nung araw ring yun ang oath-taking ni Mayor Junjun Ynares ng Antipolo, ang asawa ng outgoing Mayor Andeng Bautista Ynares.
Si Sen. Bong ang pinakamasaya sa lahat at nagpapasalamat sa Diyos at sa mga sumuporta sa pagtakbo ng kanyang pamilya.
Ani Sen. Bong, “Kung meron mang taong maligaya ngayon, pinakamaligaya, ako na yun.
“Sabi ko nga, God is good. Sa lahat na pinagdaanan ko sa buhay, sa lahat ng mga sinalubong ko na pagsubok, nananatili pa rin tayong matatag.”
Bongga naman ang paglalagare ni Zsa Zsa Padilla para mag-alay ng ilang awitin sa nabanggit na oath-taking.
Nasa Antipolo siya nung June 25, Sabado, para kina Mayor Junjun Ynares, at yun daw ang first live performance niya sa maraming tao magmula nang magka-pandemic.
Nasundan pa ito nung June 28, Martes ng tanghali, sa Ormoc City kina Cong. Richard Gomez at Mayor Lucy Torres-Gomez.
Halos tatlong oras ang seremonya ng oath-taking ng mag-asawang Cong. Richard at Mayor Lucy Gomez pero hindi nakakabagot dahil ang bongga ng production value. Talagang pinaghandaan at parang isang napakagandang show.

Nakaka-touch yung scene na niyakap ni Cong. Richard ang unica hija nila ni Mayor Lucy na si Juliana Gomez.
Kinagabihan ay may concert pa sa Ormoc Astrodome na tinampukan nina Zsa Zsa, Gigi de Lana, at Andrew E. Bale iyon ang pinaka-highlight ng month-long festivities ng Piña Festival 2022 this year sa Ormoc.
Kabilang pa sa mga nagpasaya ngayong Hunyo sa iba’t ibang aktibidades sa Ormoc sina Ate Gay, Wacky Kiray, Kakai Bautista, KD Estrada, Renz Verano, Giselle Sanchez, at The Company.
