JERRY OLEA
Naganap na!
Kahit Ghost Month pa, kumpirmado na ang investment agreement o kasunduan sa pagitan ng media companies na ABS-CBN at TV5 ngayong Agosto 11, 2022, Huwebes.
Read: TV5 and ABS-CBN landmark deal is now official
Matagal na nating naulinigan ang negotiations sa magkabilang panig.
Unang umere sa TV5 ang longtime noontime Sunday show ng ABS-CBN na ASAP Natin 'To, na isang malaking pasabog noong pagpasok ng Enero 2021.
Ipinalabas kapagkuwan ang mga Kapamilya primetime series sa TV5 noong Marso 2021.
Bukod sa FPJ's Ang Probinsyano, napanood din sa Kapatid Network ang mga dating Kapamilya teleserye gaya ng Walang Hanggang Paalam, Bagong Umaga, Huwag Kang Mangamba, Init Sa Magdamag, La Vida Lena, Marry Me Marry You, Viral Scandal, at The Broken Marriage Vow.
Noong nakaraang buwan, nag-back-to-back na ang noontime shows Lunch Out Loud at It’s Showtime sa A2Z at TV5.
At ngayon… heto na ang exciting development sa local TV industry na tumamlay sa nakalipas na dalawang taon dahil sa magkakasunod na pagsubok.
Ayon sa Philippine Stock Exchange (PSE) disclosure ng ABS-CBN, magkakaroon na ang kumpanya ng minority stake sa Kapatid network.
Nangangahulugan ito na TV5 pa rin ang mananatiling may kontrol sa mahahalagang desisyon sa kumpanya pero magkakaroon ng dagdag na kapital at makikinabang sa expertise ng ABS-CBN.
Nakaka-excite ang kasunduang ito para sa kabuuan ng industriya ng telebisyon dahil magkakaroon na rin ulit ng totoong kompetisyon magmula nang mag-shutdown ang ABS-CBN sa free TV noong 2020.
Kahit hataw sa digital ang ABS-CBN na hawak pa rin ang titulo ng numero unong YouTube channel sa buong Southeast Asia, at pumasok din sa blocktime partnerships sa A2Z at TV5 para mas maraming maabot na viewers — GMA-7 pa rin ang pinakamalaki ang audience share dahil sa malawak na naaabot ng mga palabas nito.
Bukas, Agosto 12, Biyernes, ay magwawakas na ang FPJ’s Ang Probinsyano. Sa Lunes, Agosto 5, lilipad na ang Mars Ravelo’s Darna.
Malamang na mas maraming palabas na gawang-Kapamilya ang ipalalabas na rin sa TV5!
GORGY RULA
Magandang senyales na unti-unti na talaga tayong bumabalik sa dating normal, kahit tumataas pa rin ang kaso ng COVID-19.
Lalong lumalakas ang TV industry at sana, tuluy-tuloy na rin sa movie industry. Sana nga, lalo pang mapalakas ang TV5 nitong pagpasok ng content ng ABS-CBN.
Unti-unti na ring nagsisimula ang AMBS Network sa pamamagitan ng pagbubukas ng kanilang K Lite 103.5 FM, ang flagship radio station ng Advanced Media Broadcasting System.
Ang GMA-7 naman ay marami pang mga bagong programang naka-lineup at puno na ang naka-schedule na programang magbubukas bago matapos ang taong ito.
May mga bago pang Kapuso silang ipakikilala sa mga darating na araw. Isa na rito si Matteo Guidicelli na magiging bahagi na raw ng Unang Hirit.
Read: Matteo Guidicelli, kumpirmado na ang paglipat sa GMA-7
Sabi nga ni Sir Noel, ang taumbayan ang panalo rito!
Curious lang ako rito sa pagsasanib ng TV5 at ABS CBN kung may mga bagong talents ba silang ilulunsad? Ano na kaya ang tawag sa kanila? Mga ‘Kapatid’ at ‘Kapamilya’ o ‘Kapilya’ o baka puwede ring ‘Kapatilya’?
NOEL FERRER
Nakausap ng Troika ang aking talent na from Kapamilya ay nag-ober da bakod at naging Kapuso na si Kuya Kim Atienza, na nasa Dapat Alam Mo sa GTV, sa 24 Oras at TiktoClock.
Ang sabi niya, “I’m so happy for the merger of TV5 and ABS-CBN. This will be so good for the audience. There’ll be more options, more choices for the audience, the better. It’ll make television more alive.”
Sa pag-uusap namin ni Kuya Kim, maganda rin na more than competition, ang inaasam natin ay collaboration. Here’s to more collab really!!!
