GORGY RULA
Tama ang hula ng karamihan na makukuha ni Max Eigenmann ang Best Actress award sa katatapos na Cinemalaya 2022.
Napanalunan ng aktres ang Balanghai trophy sa pelikulang 12 Weeks ni Direk Anna Isabelle Matutina, na nakakuha rin ang Netpac award.
Sabi ni Max, ayaw niyang maging emotional sa kanyang acceptance speech lalo na’t inialay niya ang naturang award sa namayapa niyang tiyahin na si Cherie Gil.
“Pinigilan ko siya talaga,” bulalas ni Max nang nakapanayam siya ng PEP Troika pagkatapos ng awarding ceremony.
Gusto ring ibahagi ni Max ang kanyang award sa kanyang non-showbiz partner na all-out ang suporta sa lahat na ginagawa niya.
“Siyempre, my partner, Anthony Santiago. I wanna thank him because in the eight years that we’ve been together, sa lahat na mga pelikula na ginawa ko, one hundred percent suporta lang talaga siya.
“Of course, my children for being my number one inspiration.
"My dad and Tita Cherie, for being constant reminder to me that hard work must be paid off,” saad ni Max.
Nanalong Best Actor naman ang bida ng pelikulang The Baseball Player na si Tommy Alejandrino.
Sandali rin namin siyang nakapanayam, at hindi pa raw nagsi-sink in sa kanya ang pagkapanalo niya ng naturang award.
“Ang dami pang nasa isip ko. Mostly gratitude. I’m just stunned. I’m speechless,” pakli ni Tommy.
Lalo raw siyang na-inspire na gumawa pa ng pelikula at gusto raw niyang subukan ang lahat sa pelikula o sa telebisyon, mainstream o independent.
Ani Tommy, “I just want to take this opportunity to encourage more people to support Filipino films.
“Like I say all the time to myself, at least, it’s great time to be an actor especially here, even in the Philippines.
“I have so much hope and foresee a bright future for young aspiring just like myself.”
Kahit naranasan na ni Ruby Ruiz na nanalong Best Actress sa Cinemalaya, iba pa rin daw ang feeling na mapansin at manalo uli sa naturang film festival.
Siya ang tinanghal na Best Supporting Actress para sa pelikulang Ginhawa.
Nanalong Best Supporting Actor naman si Soliman Cruz ng pelikulang Blue Room, pero no show siya sa awarding.
Nakuha ng pelikulang The Baseball Player ni Direk Carlo Obispo ang Best Full-Length Film.
Ang pelikulang Blue Room naman ang binigyan ng Special Jury Award, at ang director nitong si Ma-an Asuncion Dagñalan ang nanalong Best Director.
Ang pelikulang Black Rainbow ang nanalong Best Short Film at ito rin ang ginawaran ng Netpac Award.
Ang short film na Dikit ang nakakuha ng Special Jury Award at ang director nitong si Gabriela Serrano.
Si Direk Zig Dulay ang isa pang big winner nung gabing iyun. Hindi man niya nakuha ang Best Director award sa Short Film, nakuha naman ang niya Best Editor mula sa pelikulang The Baseball Player at Best Screenplay sa Short Film niyang Black Rainbow.
Ang iba pang awards:
Audience Choice: (Short) Mga Handumanan Nasulat sa Baras; (Full) Kargo
Best Sound: Pepe Manikan ng Bula sa Langit
Musical Score: Isha Abubakar ng Retirada
Production Design: Marxie Maolen Faedul ng Blue Room
Cinematography: Neil Daza ng Blue Room
Screenplay: Carlo Obispo ng The Baseball Player
JERRY OLEA
Congrats sa lahat ng winners ng Cinemalaya 2022, most especially sa best actress na si Max Eigenmann.
Biruin mo, first time nating napanood si Max sa Cinemalaya ay sa Distance (2018), kung saan maikli ang kanyang role bilang lover ni Iza Calzado.
Sa pagbabalik-Cinemalaya ni Max this year, tinanghal na siyang best actress!!!
Napukaw ang pansin natin sa pagganap ni Tommy sa dulang Nay, May Dala Akong Pancit ng Virgin Lab Fest 17: Hinga noong Hunyo sa CCP.
Hopefully, ay makagawa pa si Tommy ng mga makabuluhang pelikula.
Ikatlong tropeo na ito ni Ruby Ruiz sa Cinemalaya. Una, best supporting actress sa Ekstra (2013). Sumunod, best actress sa Iska (2019). Looking forward pa tayo sa pagganap ni Ruby bilang nanny sa Amazon Prime series na Expats (2023), kung saan makikipagkabugan siya kay Nicole Kidman.
Hindi natin matatawaran ang husay ni Soliman Cruz. Kagaya ni Ruby, pang-international ang kanyang kalibre, pero first Cinemalaya ito ng beteranong aktor na naging bida sa Romanian film na To The North.
Naghati-hati sa major awards ang apat na pelikulang pinakagusto natin sa Cinemalaya 2022.
Nakamit ng Blue Room ang tropeo sa best director, best supporting actor, special jury prize, best cinematography at best production design.
Natamo ng The Baseball Player ang best full-length film, best actor, best screenplay at best editing.
Nakuha ng 12 Weeks ang best actress, samantalang sa Ginhawa ang best supporting actress.
Mabuhay ang Cinemalaya! Mabuhay ang Pelikulang Pilipino!
NOEL FERRER
I concur with the judges’ decision. Agree ako sa mga choices nila. Bravo!
Excited ako sa Cinemalaya 19 next year. Nangako ang bagong Film Development Council of the Philippines Chairperson na si Tirso Cruz III na may karagdagang tig-PHP1M ang bawat full-length film at PHP100K for short film na kalahok sa Cinemalaya 2022.