GORGY RULA
Bida si Cherry Pie Picache sa pelikulang Oras de Peligro, na ididirek ni Joel Lamangan para sa Bagong Siklab Productions.
Ang setting ng istorya ay Pebrero 1986, noong sumiklab ang People Power Revolution sa EDSA.
Read: Pelikula tungkol sa People Power Revolution, hindi umano pantapat sa "Maid In Malacañang"
Gaganap si Cherry Pie bilang Beatriz, asawa ng jeepney driver na si Dario (Allen Dizon), at ina ng dalawa nilang anak na sina Jimmy (Dave Bornea) at Nerissa (Therese Malvar).
Kahit nagtatrabaho si Beatriz bilang kasambahay ng isang matrona sa Forbes Park na aktibo sa mga kilos-protesta, wala siyang pasensiya at pang-unawa sa mas malalim na implikasyon ng kanilang kahirapan.
Ang huling pelikulang ginawa ni Cherry Pie ay Pauwi Na (Pedicab) na ipinalabas noon pang 2016. Idinirek ito ni Paolo Villaluna, at nagwagi ng Golden Goblet for Best in Feature Film sa 20th Shanghai International Film Festival.
“Bakit natagalan na gumawa ako ng pelikula? Hindi na po ako masyadong bata,” sambit ni Cherry Pie sa storycon ng Oras de Peligro noong Oktubre 23, 2022, Linggo, sa Max’s Sct. Tuason St., Brgy. Laging Handa, Quezon City.
“I mean, maybe as an artist, di ba, dumadating sa punto na talagang, lalo na ina ako, and I focus in taking care of my son…
“Unang-una, maraming proyekto na magaganda. Alam niyo naman na nag-e-evolve na ngayon. So, maraming proyektong maganda na ginagawa sa telebisyon as content.
“So, medyo doon ako natuon.
"Sa pelikula, siguro dumating sa punto na I really would like to make a film that is significant, that is really worth my time as an artist, yung ganun.
“'Tapos sa dami na nga at sa tagal ko na sa industriya bilang aktres, gusto mo ng isang role na pinag-isipan.
“So, dumating itong Oras de Peligro. First of all, I’m very excited to work with Direk Joel Lamangan. Ang kauna-unahang award ko po ay ibinigay ni Direk Joel Lamangan sa Asian Television Awards, yung sa telesineng Melinda [1998] ng GMA.
“I think it is also important as an artist, lalo na sa panahon ngayon, na makagawa ng isang pelikula.
“I mean, to make a movie, di ba? We’re not only there to entertain, but we’re also there to inspire, di ba? Na makapag-move, encourage ng mga tao.
“So, I think it’s very important ngayon na magsabi ng katotohanan, especially for the youth of our country.
“Kasi sila dapat yung nakakaalam kung ano yung pinagmulan natin, ano ang ipinaglaban ng maraming tao noon para makamit ang kalayaan na meron tayo ngayon.”
NOEL FERRER
Buo ang tiwala ni Cherry Pie kay Direk Joel, sa scriptwriters na sina Boni Ilagan at Eric Ramos, at sa ganda ng materyal ng pelikula nila.
Ani Pie, “I think the project is very important. 'Tapos ang isa pang gustung-gusto ko sa proyekto is yung title, yung Oras de Peligro.
“I think this does not only say of our country, yung sitwasyon natin, but of the whole world ngayon. Di ba, andaming nangyayari ngayon sa buong mundo?
“You have the war, you have the recession. Yung Oras de Peligro, importante hindi lang sa bansa natin, sa buong mundo!
“Na kung hindi tayo magtutulung-tulong, sino pa?”
Gaano kaimportante ang kanyang paniniwala at paninindigan kaugnay sa pagtanggap niya ng role sa isang project?
“First and foremost, I’m an actor and it is my job, and my craft calls for it, for me to be able to portray different roles,” tugon ni Pie.
“Actually, isa yun sa pinakamasarap sa trabaho ko na makapag-portray ng iba-ibang role.
“Ang unang-unang konsiderasyon ko is yung script, kung sino ang makakatrabaho, yung pag-portray ng role.
“Sa edad ko ngayon, I would like to believe na gusto kong gumawa ng pelikula na hindi lang nakakapag-entertain, but I would also want to be able to inspire, to let people move, to encourage.
“So, yun ang mga malalaking konsiderasyon sa pagtanggap ko ngayon ng proyekto,” sambit ni Cherry Pie, na kasama sa pagmu-move on at move forward sa mga nagaganap sa lipunan ay ang paggawa ng pelikulang nagpapakita ng katotohanan.
JERRY OLEA
Ramdam na ramdam ni Cherry Pie na nasa oras de peligro tayo ngayon.
“Andami-daming nangyayari hindi lang sa atin, sa buong mundo!” pagdidiin ng multi-awarded actress.
“Tumataas ang bilihin. Ang ating kalayaan, nanganganib. Ang katotohanan, nababago. Maraming kasinungalingan, nangyayari.
“May war, di ba? May recession. Mahirap ang buhay. So, oras de peligro ngayon talaga. Nararamdaman lalo na ngayon.”
Walang kinalaman ang pelikulang Maid in Malacañang sa pagtanggap ni Cherry Pie ng pelikulang Oras de Peligro.
Paliwanag ng aktres, “Sa punto de vista ng isang aktor, bago kami tumanggap ng isang proyekto, binabasa namin ang script at yung role.
“Isa sa dahilan kung bakit — and I’m very honored also to be a part of it — isa sa dahilan ay napakahusay nung script.
“Napakalinis, napakaayos ng pagkakagawa sa panulat nina Mr. Ilagan at Mr. Ramos.
“Ang isa sa pinakagusto ko sa script is… as is, where is. Kung ano yung totoong nangyari, hindi idrinama. Alam mo yun, hindi idrinama, hindi binulaklak.
“As is, where is. Napakalinis, napakaayos. Kung ano lang talaga ang nag-transpire nung panahon na yun.
“So, ang ganda-ganda ng panulat nina Mr. Ilagan at Mr. Ramos.”
