JERRY OLEA
Nilalanggam sa katamisan sina Noel Trinidad at Liza Lorena sa mediacon ng pelikulang Family Matters nitong Disyembre 7, 2022, Miyerkules ng gabi, sa La Breza, Mother Ignacia Avenue, Quezon City.
Pagrampa sa red carpet ay naghalikan na sila, na ikinakilig ng mga taga-media na dumalo.

Sa trailer ng nasabing MMFF 2022 official entry, marami ang naiyak at natawa, naantig ang damdamin sa mga eksena. Meron ding kinilig sa tender moments ng LizEl (Liza + Noel).
Sa mismong pelikula ba, meron silang kissing scene?
“Meron!” mabilis na sagot ng 73-anyos na aktres, at muling “nagtukaan” sila ng 81-anyos na aktor.
Natatawang pagbibiro ni Tito Noel, “You asked kung merong kissing scene?! Meron… with tongue!”
Pagsakay ni Tita Liza, “Maraming bed scene.”
Siyempre, joke-joke-joke lang ang mga iyon. Drama ang Family Matters na for General (G) patronage.
Si Tita Liza ay walang husband. Pero si Tito Noel, may wife.

Ano ang sabi ng wife ni Tito Noel na si Lally Laurel sa kissing scene nila ni Tita Liza? OK lang kaya rito ang kanilang PDA (public display of affection) sa mediacon?
“Nagmamahalan kaming tatlo,” sambit ni Tita Liza.
Nakangiting pagtatapat ni Tito Noel, “My wife is very supportive of my career. And thankfully, they get along well.
“Pag nagte-text-am kami [ni Liza], I call her Wifey No. 2. My Wife No. 1 and my Wife No. 2, I’m so happy they get along well.”
Singit ni Tita Liza, “I miss her nga pag hindi sinama sa set, e.”
Dagdag ni Tito Noel, “My wife is not the jealous type to begin with. And alam niyang hindi ako nagloloko… madalas!”
Kapwa mahigit limang dekada na sina Tita Liza at Tito Noel sa local showbiz pero first time pa lang nilang nagkatrabaho sa pelikulang Family Matters.
Hindi nakapag-guest si Tita Liza sa TV program noon na Champoy kung saan isa sa regular cast members si Tito Noel.
Kuwento ni Tita Liza, “I’m a big fan of him. Sabi ko nga sa kanya, ‘We met first time, no?’ Never kong nakatrabaho si Noel.
“So thank God, during this time, nakasama ko pa rin siya in my lifetime. Pinapanood ko yung Champoy and then I mentioned to him na pinapanood ko siya sa Abangan Ang Susunod Na Kabanata where he’s paired with Tessie Tomas.
“That’s when he believed me na pinapanood ko siya. And he was worried na baka ano raw ako, suplada.”
Nasa cast din ng Family Matters sina Nonie Buencamino, Agot Isidro, Mylene Dizon, James Blanco, Nikki Valdez, JC Santos, Ina Feleo, Anna Luna, Ketchup Eusebio, Roxanne Guinoo, at Ian Pangilinan.
GORGY RULA
Sa totoo lang, kahit tukaan nang tukaan sina Tita Liza at Sir Noel sa presscon ng Family Matters, nakakatuwa silang tingnan na wala kang nakikitang malisya.
Malabo talagang pagselosan si Tita Liza ng asawa ni Sir Noel, wala kang maiisip na masama sa kanila, lalo na’t sa edad nilang iyan.
Saka iba ang charm ni Tita Liza Lorena, e. Parang siya lang nga ang hindi pinagselosan ni Tita Annabelle Rama kay Tito Eddie Gutierrez. Friends silang dalawa at iba ang closeness ni Tonton Gutierrez sa mga kapatid niya kay Tito Eddie at Tita Annabelle.
Sa totoo lang, iba talaga ang mga artista noon kesa sa ilang young stars sa ngayon. Mas totoo sila, at walang halong pambobola sa mga sagot nila.
Kaya kahit hindi naman dapat, may kilig at nakakatuwang tingnan ang sweetness ng LizEl tandem nina Tita Liza at Sir Noel.
Kaabang-abang itong pelikulang Family Matters sa darating na MMFF 2022.
NOEL FERRER
Kahit hindi sila ang first choice sa roles — I heard that it was Tita Boots Anson-Roa and Ronaldo Valdez — na-pull through nina Tito Noel at Tita Liza ang kani-kanyang role sa Family Matters.
It is definitely one of the MUST-WATCH movies sa MMFF, and mind you, it can score a surprise sa box office and has legs to go head-to-head sa mga usual MMFF participants, ha!
I imagine families watching this, so kung magkayayaan ang pami-pamilya na manood nito, magandang pangitain ito, at sana magkaroon ng multiplier effect kaya malaking posibilidad na kumita ito talaga!
And let’s also not discount the fact that it is fairly well-made at magaling ang cast members (except for one na medyo nag-i-stick out… but nevermind).
Puwede rin itong manalo ng awards. Dagdag na come on pa ito sa mga audience.
Sana talaga!!!
