GORGY RULA
Masaya at proud sina Alfred Vargas at Sylvia Sanchez para kina Congressman PM Vargas at Congressman Arjo Atayde na nasa Top 10 representatives sa National Capital region (NCR) kongresista na may mataas na job performance.
Si Alfred ay nakatatandang kapatid ni PM.
Si Sylvia ay ina ni Arjo.
Ayon sa latest survey ng RP-Mission and Development Foundation, Inc. (RPMD), kabilang sina PM at Arjo sa nakapagtala ng mataas na rating sa job performance bilang representative ng kani-kanilang distrito.
Nakakuha ng 82% si Congressman PM Vargas ng District 5 ng Quezon City.
Si Congressman Arjo Atayde ng District 1 ng Quezon City ay naka-80% naman.
Sa Top 10, nangunguna ang representative ng Navotas na si Toby Tiangco na may 93% performance rating, at sumunod si Caloocan City First District Rep. Oca Malapitan na may 91%.
Ang ilan pang may mataas na job performance rating ay sina Marvin Rillo ng District 4 ng Q.C. na may 88%; Dean Asistio ng Caloocan din na may 86%; Camille Villar ng Las Piñas na may 85%; Marivic Co-Pilar ng 6th district ng Q.C. na may 84%; Rex Gatchalian ng Valenzuela na may 83%; at Benny Abante ng Maynila na may 81%.
Isinagawa ng RPMD ang survey mula noong November 27 hanggang December 2, 2022, kung saan tinanong nila ang 10,000 respondents mula sa lahat ng distrito sa NCR: “Do you approve or disapprove of the way name of District Representative is handling his/her job as Congressman/Congresswoman?”
Ang basehan ng rating, ayon sa RPMD, ay work performance (“representation,” “legislation,” and “constituent service”).
Naka-text ng PEP Troika si Alfred, at sobrang proud daw siya para sa kanyang bunsong kapatid.
“Bilang kuya, at bilang constituent niya, nakaka-proud at ang sarap sa pakiramdam,” unang text ni Alfred, na kasalukuyang konsehal sa District 5 ng Quezon City.
Sabi pa ng actor-politician, “Sobrang proud ako kay PM. Nakikita ko talaga sa kanya ang sincerity at sipag sa pag-serve ng kapwa.
“Love siya talaga ng mga Novaleno. Every time nakikita siya ng tao, natutuwa sila. Natural kasi si PM. Magaan kasama.”
Nandiyan pa rin daw siya para sumuporta para kay Congressman PM.
“Parang pamilya na kami dito sa District 5. Ganun kami. Magkasama palagi sa mga projects and that is how we see everyone here…we’re one big happy family.
“Kaya siguro dama ng mga tao ang malasakit at dedication namin para sa kanila.”
JERRY OLEA
Kaagad ding sumagot si Sylvia Sanchez nang tinext siya ng PEP Troika para hingan ng reaksiyon sa magandang balitang ito para kay Congressman Arjo.
“Sobrang proud mom ako. Si Cong. Arjo, kahit noong bata pa yan, pag may gusto yan, inaabot niya at pinanindigan niya. At pag nakuha na niya, pinagbubutihan niya lagi.
“Kaya alam ko na magiging mabuting public servant ang anak ko.
“Basta lagi kong sinasabi sa kanya, 'Mahalin at alagaan mo mga nasasakupan mo. Magsilbi ka nang tama, para kahit wala na sa pulitika, tatak na sa kanila ang pangalang Arjo Atayde na isang mabuting pulitikong naglingkod ng tama sa Distrito Uno,” text ng premyadong aktres sa PEP Troika.
Hindi naman daw sila magpapabaya. Nandiyan pa rin daw sila para sumuporta at tumulong sa mga susunod na gagawin ni Arjo.
“Anak namin yan, kaya hindi namin yan puwedeng pabayaan. Maganda ang plano at gustong mangyari ni Cong. sa District 1, kaya andito lang kaming mga magulang niya at mga kapatid lagi sa tabi niya.
“Isang pamilya… buong pamilya kami na handang tumulong sa anak namin para matulungan at maayos ang pamilya distrito uno ng QC.
“Salamat sa tulong at tiwala ni Mayor Joy Belmonte at Vice Mayor Gian Sotto kay Cong. Arjo,” saad ni Sylvia.
NOEL FERRER
Dapat talaga magtulung-tulong lalo na ang mga kasamahan nating mambabatas na may koneksiyon sa industriya para matulungan ang mga nawalan ng trabaho at kabuhayan, hindi lang dahil sa pandemya kundi dahil sa economic challenge na kinahaharap natin ngayon.
Sana, unti-unti nang makabangon ang ating industriya. Walang ibang matutulungan kundi tayo-tayo lamang.
