JERRY OLEA
Hindi pa man natatapos ang unang linggo ng 2023 ay tila pinu-“promote” na ng ilang local celebrities ang pelikula nina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz na The Cheating Game.
Sala-salabat ang bali-balita kina McCoy de Leon at Elisse Joson, Kelvin Miranda at Kira Balinger, at Tristan “Yawi” Cabrera at Jennifer Nierva.
But wait, there’s more!
Bulung-bulangang hinarot ng isang sikat at guwapong aktor ang isang seksing dilag na konektado sa isang actress-model na nagwagi sa isang paligsahan.
Nabighani ang guwapong aktor sa seksing dilag nang makita ito sa isang showbiz event. Kinuha ni guwapong aktor ang digits ng seksing dilag, at kung anu-ano ang pahiwatig niya rito sa text.
Pagpipiyestahan nang lubos sakaling mabunyag ang paandar na ito ng guwapong aktor na dyowa ng isang gandarang aktres.
Samantala, ang isa namang popular at premyadong aktor ay tapos na sa makukulay na pakikipaglaro sa pag-ibig.
Pinapangalagaan at pinapahalagahan ng premyadong aktor ang mga biyayang patuloy na bumubuhos sa kanya.
Pinaninindigan ni premyadong aktor ang imahe at pagkakilala sa kanya ng publiko — solid ang career, matiwasay ang private life, steady stream ang mga proyekto.
Kaya hindi kataka-takang may bagong malaking product endorsement ang premyadong aktor, na hindi matatawaran ang husay at professionalism.
Kung dati ay kilala lamang siya sa galing sa pag-arte, ngayon ay nagsimula na rin siyang gumawa ng marka bilang direktor. Binibigyan niya ang mga datihang artista ng proyekto kaya marami siyang natutulungan.
Ang nasabing actor-director ay ang bagong mukha ng isang kilalang produkto ng gamot na kilala sa pagpapayo sa publiko. Malapit siya sa masang Pilipino kaya bagay na bagay sa kanya ang bagong endorsement.
Sa tanong na ano o sino ang nagbibigay ng suwerte sa premyadong aktor, maaaring nakakaintriga ang sagot, pero nakaka-good vibes na rin. Huwag na tayong mahiyang magtanong kung bakit!
GORGY RULA
Tinanong namin ang ilang taong malapit kay seksing dilag kung trulili ba ang panghaharot ng sikat at guwapong aktor. Ayaw nilang mag-comment.
Kahit si seksing dilag ay iniiwasan din daw. Wala na raw yun!
Napakaguwapo naman kasi ng foreigner at super-yaman ang bagong love life ni seksing dilag kaya deadma na siya kahit super-sikat pa at napakaguwapo ng naglalandi sa kanya.
Pero alam naming ito iyung tipo ng girl na makakapagpukaw sa pagkalalaki ni guwapong aktor. Kung tototoo ito, hindi na siguro kailangang palakihin pa.
Hindi naman maiwasan na minsan ay lumalabas pa rin ang kapilyuhan ng mga ganitong kalalakihan, pero dinadaanan na lang iyon. Nakikita namang happy na siya sa pamilya niya!
Mukhang mas aariba pa ang showbiz career nitong si guwapong aktor ngayong 2023 at pati na rin itong si premyadong aktor.
Exciting ang sisimulang proyekto ng premyadong aktor, at malaking challenge dahil hindi na kasinlakas ng dati ang network na mag-eere nito. Pero nakikita kong masusi nilang pinag-aralan ang bagong project at pinaghahandaan nila nang husto.
Masangkot man sila sa kung anu-ano pang maiinit na isyu, bongga pa rin ang career ng dalawang sikat na aktor na ito.
NOEL FERRER
Wow, loaded itong item na ito na pasabog sa pagsisimula ng taon!
Ito ba ang epekto ng Kuneho sa Year of the Rabbit sa atin? Greater productivity?
Grabe, ano kaya ang magiging epekto nito sa kanilang fledging careers at supposedly happy family lives?
Sana, manatiling HAPPY pa rin!
