GORGY RULA
First live episode ng All-Out Sundays para sa taong 2023 ngayong Linggo, January 8.
Bibigyan nila ng tribute ang itinuturing na ring legend sa dance and music industry, ang beteranang dancer/choreographer na si Geleen Eugenio.
Pagkatapos siyang gawaran ng Hall of Fame award ng Aliw Awards 2022 nung nakaraang buwan, dapat daw na bigyan ito ng magandang segment kung saan sasayawin ng Kapuso stars ang mga dance step na pinauso niya.
Isi-celebrate din ng AOS ang kaarawan nina Mavy at Cassy Legaspi.
Ipapakilala na rin ang buong cast ng Underage na malapit nang mapanood sa GMA-7.
Dahil bagong taon na rin, bagong musical comedy rin ihahandog ng "Engkanto Academy" sa kanilang comedy segment ng naturang Sunday musical-variety show.
Pagkatapos ng holiday season, inaasahang tataas na ang viewership sa free TV.
Bagong episode na rin ang handog ni Korina Sanchez sa kanyang Korina Interviews sa NET25 ngayong 5:00 p.m.
Dinayo ni Korina ang Ilocos Sur kung saan nakapanayam niya ang isa sa pinakamayamang pulitiko at negosyanteng si Chavit Singson.
Ipapakita ang napakalaki at magandang bahay ni Manong Chavit sa Narvacan, at ang safari niya sa Baluarte.

Napiga ni Korina ang politician-businessman kung paano nasira ang pagkakaibigan nila ni Erap Estrada at nagkaayos uli.
Wala raw inurungang tanong si Manong Chavit kung saan kinalkal ni Korina ang isyung pagiging babaero diumano nito, kung paano na-handle ang 24 na anak, at kung kanino niya ipapamana ang kanyang mga kayamanan.
Mas matapang at marami pa raw gagalugarin si Korina ngayong taon para sa kanyang Korina Interviews at ang dalawa pa niyang programa sa TV5 na TikTalks at Rated Korina.
JERRY OLEA
Live din ang ASAP Natin 'To ngayong Enero 8, Linggo, sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.
Fresh ang pasabog ng Popstar Royalty na si Sarah Geronimo sa ASAP stage para sa bagong edisyon ng "Sarah G Specials.”

Sama-sama ang ASAP icons na sina Gary Valenciano, Zsa Zsa Padilla, Martin Nievera, Erik Santos, Angeline Quinto, at Regine Velasquez kasabay sina Klarisse de Guzman, Elha Nympha, Khimo Gumatay, Reiven Umali, JM Yosures, Sheena Belarmino, at Darren Espanto para maghandog ng mega birthday tribute sa nag-iisang Megastar Sharon Cuneta.
Hindi pahuhuli ang performances nina Sheena, Krystal Brimner, at Kim Chiu.
Maki-party sa latest hits kantahan at sayawan nina Jason Dy, Nyoy Volante, Karina Bautista, at ng buong ASAP family kasama si Robi Domingo.
Damang-dama naman ang "Chicken Nugget" craze sa cute surprise ng mga anak ni Momshie Melai Cantiveros na sina Mela at Stela.
Siyempre pa, ngayong Linggo na Epiphany of the Lord ay bisperas ng kapistahan ng Black Nazarene sa Quiapo Church — NAZARENO, BENTE BENTE-TRES (Nazareno 2023).
Kagabi pa ay dumagsa na ang mga deboto sa Quirino Grandstand.
Inaasahan natin ang laksa-laksang kalahok sa Lakad ng Pananampalataya (Walk of Fame) sa Maynila hanggang bukas.
Kabilang diyan ang isang kilalang actor-director na malapit nang ipakilala bilang endorser ng isang bigating produkto.
“Malapit na po ang Iyong dakilang araw. Pangalagaan at tulungan Ninyo po kami Mahal na Poong Hesus Nazareno,” pagsamo ni Fr. Rufino “Jun” Seskon Jr., Rektor at Kura Paroko ng Quiapo Church o Basilika Minore ng Itim na Nazareno.

NOEL FERRER
Sana nga ay tumaas na ulit ang viewership sa telebisyon ngayong tapos na ang Christmas season.
Ako mismo, hindi na katulad noon ang consumption sa TV. Inalis na namin ang cable namin sa bahay.
Karaniwan, hinihintay na lang namin sa bahay sa YouTube ang mga panoorin sa TV o kung merong nag-share sa alinmang social media platforms.
Bilib pa rin ako sa mga nagla-live at gumagawa ng mga bagong content. Sana’y mas husayan pa nila ang mga ito at tapangan pa at gawing worth it sa mga manonood!
