JERRY OLEA
“Ang ganda ng Batang Quiapo!!!! Nanonood kami dito sa set habang dinner break! Congratulations.”
Tweet iyan ni Janine Gutierrez noong Pebrero 13, 2023, Lunes ng 9:09 p.m. Sang-ayon tayo riyan.
Nag-trending si Miles Ocampo sa napakahusay na pagganap nita sa pilot episode ng FPJ’s Batang Quiapo.
Tweet ng DreamscapePH nitong Lunes ng 9:44 p.m.: “Isinilang na ang tagapagtanggol!
“Maraming Salamat sa lahat ng sumubaybay ngayong gabi sa #FPJsBatangQuiapoDay! 341,509 concurrent views
“#FPJsBatangQuiapo gabi-gabi, 8PM sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, Cinemo, A2Z, at TV5! Mapapanood rin sa iWantTFC at TFC!”
Ni-retweet iyon ni Bianca Gonzalez na napa-“WOW. 341,509!!!! Ibang klase. Congratulations to the whole Batang Quiapo team!”
Tweet ng ABS-CBN News nitong Lunes ng 11:19 p.m.: “LOOK: Pilot episode of 'Batang Quiapo' reached more than 340k concurrent Kapamilya Online Live viewers. “Coco Martin, Miles Ocampo, 'Primetime King Is Back' and Plaza Miranda were some of the trending topics on Twitter.”
Hindi matatawaran ang lakas online ng FPJ’s Ang Batang Quiapo. E, ang TV ratings, kumusta?
Tweet ng News5 nitong Pebrero 14, Martes ng 1:06 p.m.: “Panalo sa ratings ang pilot episode ng inaabangang action serye na FPJ’s #BatangQuiapo na nakakuha ng 11.72% combined rating, base sa Nielsen Nationwide Urban Television Audience Measurement (NUTAM).
“Mapapanood ito Lunes hanggang Biyernes, 8 p.m, sa TV5.”
Sa kalakip ng artcard, ang combined rating ng FPJ’s Batang Quiapo sa TV5 (5.09%), A2Z (4.46%) at Kapamilya Channel (2.17%) ay 11.72%.
Ang rating ng katapat na Maria Clara at Ibarra ay 10.92% sa GMA, samantalang ang Luv Is Caught In His Arms ay 7.75% sa GMA.

Ang FPJ’s Batang Quiapo ay palabas din sa Cine Mo, at ang Maria Clara at Ibarra ay palabas din sa GTV.
Kaya ang kabuuang combined rating ng FPJ’s Batang Quiapo sa apat na istasyon ay ay 12.5%, samantalang ang combined rating ng Maria Clara at Ibarra sa dalawang istasyon ay 12.9%.
Ang combined rating naman ng Luv Is Caught In His Arms sa GMA at GTV ay 8.5%.

GORGY RULA
Medyo nakakalito nga itong ipinost ng mga taga-Batang Quiapo. Aggregate ang ipinost nilang rating at ibinangga nila sa solo rating ng Maria Clara at Ibarra sa GMA-7. Pero kung i-combine mo na sa GTV, panalo pa rin ang Maria Clara at Ibarra.
At dahil sa haba ng pilot episode ng Batang Quiapo, natalo nito ang Luv Is: Caught In His Arms na naka-8.5% ang rating.
Pero malakas naman talaga ang pagsisimula ng Batang Quiapo. Ang malaking challenge nito kay Coco Martin ay kung paano niya mame-maintain ang ganun kataaas na rating hanggang sa matalbugan nito ang Maria Clara at Ibarra.
Kaya lang, mahigit isang linggo na lang ang Maria Clara at Ibarra at malamang na mas matindi na ang mga susunod na tagpo hanggang sa ending nito.
Nagtanung-tanong na rin kami sa ilang sources kung bakit na-extend ng isang linggo ang Maria Clara at Ibarra, pero wala kaming nakuhang malinaw na sagot.
Sa pagkakaintindi namin ay napahaba talaga ang kuwento at kailangan ng isa pang linggo para maiere ang lahat na mga eksenang nakunan.
Hanggang sa February 24 na ang Maria Clara at Ibarra at papalitan na ito ng Mga Lihim ni Urduja ang ipapalit sa February 27.
Samantala, marami ang pumuri sa Batang Quiapo na ginawa ni Coco Martin. Nasulit ang sobrang stress at pressure na pinagdaanan niya sa pilot week lang ng naturang teleserye.
Sabi ni Cherry Pie sa nakaraang mediacon ng Oras de Peligro, “Ang laki talaga ng pressure sa kanya, at sobrang bilib naman ako. Hindi na yata natutulog yung batang yun!
“Hindi ako makapaniwala na he will bloom and grow up na ganun klase. Yung creative juices niya, yung sipag niya, yung grit, yung passion, grabe.
“You will be proud that it’s Filipino-made.”
NOEL FERRER
Ang Facebook post ng Kapuso writer na si Suzette Doctolero ngayong Valentine’s Day: “Yes nababago sa MCAI ang kwento ng Noli at El Fili. Iyan kasi mismo ang premise ng kwento.
“Huwag ninyong problemahin ang mga bata, kesyo natatakot ang iba sa inyo na baka isipin ng mga bata na ang Maria Clara at Ibarra ay ang mismong Noli at El Fili…
“At kung maniwala man sa ngayon, ay ano? Huwag katakutan. Huwag mangamba. Ipagdiwang pa nga at may taste ang mga bata at nanonood ng MCAI.
“Di ka nga nag alala kapag pinaniwala mo ang mga anak mo na may Santa Claus, di ba? Na may Snow White, Cinderella, na may mga multo o momoo sa ilalim ng kama, na may nakatirang tikbalang sa malalaking puno, o mga aswang na naglipana sa gabi.
“Bakit ngayon ay ayaw mong maniwala sila sa binali naming kwento?
“Malinaw ang premise namin sa simula pa lang: na may Gen Z na nakapasok sa nobela at nagtatangka siyang baguhin ang kwento, kasi ay minahal niya na ang mga tauhan, kaya gusto niyang iligtas.
“E ano kung maniwala ang mga bata sa kwentong nabuo ni Klay? At sumabay sila’t mabaliw sa mga twist and turns ng mga pakikipgsapalaran ng Binibining Gen Z sa loob ng nobela ni Rizal?
“Pansamantala lang iyan kasi later on, kapag nagma matured na ang bata, hahanapin rin niya ang tunay na kwento ng source material. At matatawa siya’t matutuwa sa paghahambing na gagawin niya. Maniwala ka.
“Gaya na kapag ang bata ay lumaki na, hindi na rin siya maniniwala kay Santa kasi alam niya nang hindi pala ito totoo.
“Pero ang saya saya lang noong panahong naniwala pa siyang may Santa nga, di ba? So anong takot mo?
“Hayaan silang maging bata muna at maniwala. Dapat silang maniwala muna!
“Hayaan silang maniwala sa mga ‘what ifs’ ng lahat ng mga kwento. Huwag hadlangan.
“Kailangan iyan ng mga bata para lumaki silang malikhain at bukas ang isip kaysa saradong (gaya mo. char!)
“Nagmamahal, “Ako lang naman. Haha.”
Pero ang totoo, masaya tayo na may mga maganda tayong napapanood sa primetime.
Ngayong Martes ng hapon ay tila may pinatatamaan si Suzette sa kanyang Facebok post:
“Mahirap kalaban ang mga taong wala yatang integrity. At hindi yata naniniwala sa pagiging fair.
“Maglalabas ng mga numerong may bawas ng katotohanan. Dadaanin sa maduming hype, para lang palabasing nangunguna? Nang maniwala ang mga tao? Kahit na di totoo? Anong klase ito na ang viewers/mga tao ay tahasang niloloko at pinaniniwala sa lies? Wala na talagang integrity? Kinikilabutan ako.
“Maganda ang isang kumpetesyon kung ito ay totoo, fair at hindi nanloloko! Bakit lolokohin ang mga tao?
“Ang duming maglaro.”
