GORGY RULA
Balak pa rin ni Richard Gutierrez na ituloy ang pinaplanong church wedding nila ni Sarah Lahbati.
“Gagawin pa rin namin,” pakli ni Richard sa tanong namin kung may balak pa silang magkaroon ng church wedding.
Simple lang ang civil wedding nina Richard at Sarah nung March 2020 dahil nagkataong pumutok na noon ang COVID-19. Napag-uusapan na raw nila ito ngayon dahil puwede na at wala nang restrictions sa mga face-to-face gatherings.
Read: The story behind Sarah Lahbati and Richard Gutierrez's intimate wedding
“Actually, napag-usapan namin recently. Siguro after ng The Iron Heart,” dagdag niyang pahayag nang nakatsikahan namin sa Super Sam, Quezon City, nung nakaraang Huwebes, February 16, 2023.
“Kasi, nag-pandemic nun, di ba? Pinag-usapan pa namin. Pero gusto namin ituloy. Baka next year,” sabi pa ni Richard.
Sa 2024 ang binabalak na church wedding, pagkatapos daw ng kanyang action-drama series sa Kapamilya channel na The Iron Heart. Pero hindi pa masabi sa ngayon kung hanggang kailan ang nasabing teleserye.
Kasisimula lang nung Lunes ang second season ng show at sobrang involved si Richard sa kuwento at mga bago pang mapapanood dito.
“Marami akong naibigay na inputs. Dinevelop namin yung script saka storyline, maraming revisions ding nangyari sa script especially yung pilot episode namin, pati yung characterization.
“I’m very thankful sa Star Creatives kasi isinasama nila ako sa creative meeting. Actually, mamaya kikitain ko sila for creative meeting, and then, talagang tinatanggap nila yung inputs ko, and ako din, ganun ako sa kanila.
“Very open ako sa kanila pag meron silang gustong i-suggest sa akin. Kumbaga, collaborative yung working relationship namin sa Star Creatives. Kaya isa rin yun sa mga sikreto kung bakit tuluy-tuloy yung, kumbaga, yung quality nung show na binibigay namin,” dagdag ni Richard.
NOEL FERRER
Action-drama na talaga ang forte ni Richard Gutierrez dahil dito siya nakilala at nabigyan ng maraming projects nung nasa GMA-7 pa siya.
Nagsimula siyang magkontrabida nang lumipat sa ABS-CBN, at sa tingin niya, nasa right timing daw nang ibinigay ang The Iron Heart sa kanya.
“Matagal ko nang gustong gumawa ulit ng action, kasi matagal na akong hindi napanood ng audience natin sa action. Kumbaga, dun ako nagsimula, e. Kumbaga, iyon yung kung sino ako, that defines me.
“Ever since before sa GMA, dun ako nag-start sa action, and I wanted to bring it to ABS-CBN and at the same time, iba na, e. Iba na ang action, iba na ako ngayon, iba na ang puwede kong maibigay sa audience natin.
“Kaya nakakatuwa na parang timing lahat yung nangyari. Timing na nung nag-launch yung Iron Heart, kami lang yung action sa TV nung time na yun. And then, nakapag-prepare ako nang maayos. Perfect timing lang.”
JERRY OLEA
OK naman ang ratings ng The Iron Heart kontra sa katapat nitong Luv Is: Caught In His Arms na pinagbibidahan nina Sofia Pablo at Allen Ansay.
Noong Pebrero 13, Lunes, naka-6.1% ang The Iron Heart kontra sa 8.5% ng Luv Is.
Noong Pebrero 14, Araw ng mga Puso, naka-6.3% ang The Iron Heart kumpara sa 8.2% ng Luv Is.
Noong Pebrero 15, Miyerkules, ay 7.1% ang The Iron Heart kumpara sa 9.7% ng Luv Is. Parehong tumataas ang kanilang ratings, at hindi masyadong malaki ang agwat.
