JERRY OLEA
Agaw-eksena ang paglabas ni Direk Joel Lamangan bilang mahaderang si Rhoda sa FPJ’s Batang Quiapo.
Tinalakan at tinarayan niya si Tindeng (Charo Santos). Binato siya ni Tindeng ng gulay. Sapul ang kanyang batok!
Bakit tinanggap niya ang role?
“Dahil malaki ang talent fee!” bulalas ni Direk Joel matapos ang premiere screening ng pelikulang Oras de Peligro noong Pebrero 23, 2023, Huwebes, sa SM Megamall.
Nasa script ba talaga na babatuhin siya ng gulay?
“Oo, meron. Merong ganun talaga.”
Kumusta sila ni Charo matapos magsigawan sa eksena?
“Magkaibigan naman kami nun. Binato niya ako, nagtawanan kami after. Asintado siya! Naasinta niya ang batok ko. Ang galing-galing niya. Ha! Ha! Ha!” pagtawa ni Direk Joel.
May taping uli si Direk Joel ng FPJ’s Batang Quiapo ngayong Pebrero 25, Sabado. Itutuloy niya ang demanda kay Tindeng.
“May bahay na ako. Sa bahay ko supposedly naman kukunan ang eksena,” sambit ni Direk Joel.
Co-star ni Direk Joel sa Kapamilya teleserye si Cherry Pie Picache, ang bida sa pelikulang Oras de Peligro na magso-showing na sa Marso 1, Miyerkules, sa mga sinehan.
Pagtatapat ni Direk Joel, “Naiyak ako kanina, hindi ko lang ipinakita. Si Jim Paredes, iyak din nang iyak.
“Bumalik sa aking alaala ang nakaraan, ang mga bumugbog sa akin. Ang mga nag-torture sa akin noong panahon ng martial law.”
Maliban kay Cherry Pie, nasa cast ng Oras de Peligro sina Allen Dizon, Therese Malvar, Dave Bornea, Nanding Josef, Mae Paner, Jim Pebanco, Alan Paule, Apollo Abraham, Marcus Madrigal, Alvi Siongco, Gerald Santos, Elora Espano, Rico Barrera, Timothy Castillo, at Crysten Dizon.
Panawagan pa ng 68-anyos na si Direk Joel, “Marami ang hirap sa paggawa ng pelikulang ito. Nais kong i-share sa inyo, nire-red tag ako, inatake-inatake ako sa puso, na-triple bypass ako.
“Kaya aking pakiusap… kasi gusto ko lang mabuo ang pelikula dahil nagsasabi ito ng totoo.
“Kayong lahat, tulungan niyo kami, sabihin natin sa buong bayan na panoorin ang pelikulang ito para magkaroon pa ng mga susunod na pelikulang kagaya nito na nagsasabi ng totoo, na pumapanig sa katotohanan.
“Hindi nagbabaluktot, hindi nagsisinungaling. Sa March 1, panalunin po natin ang pelikulang ito. Magtulung-tulong po tayong lahat. Maraming-maraming salamat po sa inyo!”
Read: Oras de Peligro premiere, dinaluhan ng mga celebrity at political figures
NOEL FERRER
Una kong nakilala si Direk Joel bilang aktor sa dulang Macliing sa PETA na noo’y sa Fort Santiago pa ipinapalabas.
Mula noon, nasundan ko na siya hindi lang bilang aktor kundi bilang direktor. Pareho siyang kinakitaan ng galing sa dalawa, pero naaaliw ako kapag napagsasabay niya ito ngayon.
Sa Oras de Peligro, talagang tinutukan ni Direk Joel ito kahit magkasakit-sakit na siya.
Sa FPJ’s Batang Quiapo, patuloy tayong naaaliw sa pagka-Rhoda niya.
Sana lang, sa paggawa at paglikha ng maraming bagay, huwag kalimutan ni Direk Joel ang kanyang kalusugan, dahil mahalaga ito para nagampanan niyang nang maayos ang kanyang magagandang gawain!
Ingat lagi, Direk Joel!
GORGY RULA
Alam kong nami-miss na rin talaga ni Direk Joel ang pag-arte kaya tiyak na kakarerin niya ito.
Sa totoo lang, may mga nagsasabing hindi na mauulit ni Coco Martin ang lakas at tagal ng FPJ’s Ang Probinsyano dito sa FPJ’s Batang Quiapo.
Mali pala, dahil ramdam ang lakas nito kahit hindi napapanood sa dating istasyon. Ang nakakatuwa pa, nabibigyan pa rin niya ng trabaho ang karamihang artista na nawalan ng projects.
Kaya nga puring-puri siya ni Cherry Pie Picache dahil binibigyang-halaga ni Coco ang mga maliliit na artista lalo na ang mga senior stars.
Pati si Lovi Poe ay lalong umalagwa ang career nang napapanood na siya sa FPJ’s Batang Quiapo. Nagsisimula na naman siyang pasukan ng endorsements.
Tsika sa amin ng management team ni Lovi, kapipirma lang niya ng kontrata bilang bagong brand ambassador ng Eevor Skin Care Depot. Isa sa pasabog na paglunsad sa kanya bilang bagong endorser ng skin care product na ito ay ang pagsali niya sa Panagbenga Festival sa Baguio City.
First time pa lang ni Lovi makasali sa Panagbenga kaya abangan daw siya diyan sa darating na Linggo, February 26, dahil sasakay siya sa bongga at mabulaklaking float ng ini-endorso niyang produkto.
