GORGY RULA
Nagpapasalamat si Anjo Yllana, dahil may mga kaibigan siyang pamilya na rin ang turing sa kanya.
Ngayon ay nasa pangangalaga na ng Viva si Anjo. Ito na ang nagha-handle ng kanyang showbiz career, pero kailangan pa rin daw niya talaga ng trabaho para sa pang-araw araw niyang gastusin.
Nagpapasalamat nga si Anjoy kay Senator Jinggoy Estrada dahil hindi siya pinabayaan nito at pinagtrabaho siya sa Senado.
“Nag-apply ako kay Senator Jinggoy. Sabi ko, ‘Sen, wala akong trabaho, baka naman puwede.’ E, mga dalawang linggo, tinanggap na niya ako.
“Itong pagpasok ko sa Senado, talagang pangkain ko lang sa araw-araw. Kaya nga empleyado ako dun, pumapasok ako every day,” pahayag ni Anjo nang nakapanayam namin sa DZRH nung Linggo, April 30, 2023.
Ang maganda pang nangyari sa pagtatrabaho niya ay naging close sila ni Senator Robinhood Padilla.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng marami ang gulong kinasangkutan nina Robin at Anjo noong 1993, kung saan nadamay ang kani-kanilang buong pamilya, hanggang sa nag-decide na sina Anjo na lumipat na sa Parañaque.
Read: Anjo Yllana regrets past issue with Rustom Padilla; opens up about bidding goodbye to Eat Bulaga
“Magulo nun, e. Although, hindi naman kami magkaaway, may nangyari lang.
"Matagal na kami naging maayos. Civil lang. Siyempre nagkasamaan ng loob, may mga baril-barilan pa nga nung araw,” pakli ni Anjo.
Hindi raw niya iniisip na magiging magkaibigan sila ni Robin, pero naging close na sila ngayon.
“Ang alam ko lang nun, panghabambuhay na kaming 'hi, hello' na lang o dedma. Matindi kasi ang nangyari nun.
“Pero nung nagkita kami sa Senado… sabi niya sa akin, ‘Tol, tumakbo ka nang senador.’ Sabi ko, ‘Hindi, pang-local lang ako, hindi ako pang-national.’ Sabi niya, ‘Hindi, mahal ka ng mga tao, tumakbo ka.’
“Natutuwa ako, kasi nakikita niya na kaya ko, malapit ako sa tao, pero local lang ako e.
“Ngayon mag-best friend na kami. Sobrang naramdaman ko yung pagmamahal ni Robin. Tuwang-tuwa ako kay Senator Robin Padilla, napakabait.
“Super-sweet ni Robin, ang talino, ang galing! Ang sipag pa niya.
“Every time na nakikita niya ako, malayo pa lang, ‘Tol, tol!’ Tatawagin niya ako niyan.
“Dadalhin niya ako sa kuwarto, tapos nagkukuwentuhan kami ng nakaraan,” masayang kuwento ni Anjo.
JERRY OLEA
Ambilis ng panahon. Tatlong dekada na mula nang nagbiro si Anjo sa pagkalalaki ni Rustom Padilla, sa set ng ABS-CBN sitcom na Palibhasa Lalake. Noon ay boyfriend pa lang ni Carmina Villarroel si Rustom.
Dahil sa biruang iyon, umalis sa Palibhasa Lalake si Carmina.
Abot-sukdulan ang ngitngit ng mga Padilla sa mga Yllana.
Read: Remember when Carmina Villarroel left Palibhasa Lalake because of Rustom Padilla?
Ngayon, BB Gandanghari na si Rustom.
Si Carmina, maligaya sa piling ni Zoren Legaspi at may kambal silang nag-aartista na rin, sina Mavy at Cassy.
Ang ABS-CBN, wala nang prangkisa.
At any rate, ang isa pang ikinabilib ni Anjo kay Senator Robin, ang dami raw nitong naalala dahil magkasabay pala silang nagsimula sa pag-aartista.
“Alam mo, pag nakita niya ako, tatawagin niya ako, dadalhin niya ako sa kuwarto, kaming dalawa lang. Tapos nag-uusap kami.
“Naalala pa niya, sabay kami nagsimula sa showbiz. Hindi ko nga naalala yun e. Sumali kami sa isang contest para maging leading man ni Janice de Belen.
“Galit na galit siya, kinukuwento niya sa akin. ‘Alam mo, nag-pictorial pa tayo, pito tayo nun, ‘tol. Magkasama tayo, tapos yung nanalo, yung Noel Colet na hindi naman kasama sa botohan,’” natatawang kuwento ni Anjo.
Nagpapasalamat si Anjo dahil sa pagtrabaho niya sa Senado sa tulong ni Senator Jinggoy, nabuo ang magandang friendship nila ni Senator Robin.
“Ngayon, parang kapatid na nga ang turing niya sa akin. Kaya natutuwa talaga ako kay Robin.
“Kapag tinawag niya akong ‘tol, talagang ramdam ko kapatid ang turing niya. Utol ko na rin, dahil kung kapatid ang turing niya sa akin, kapatid na rin ang turing ko,” saad ni Anjo.
NOEL FERRER
Mahigit isang taon na palang nakatira ngayon si Anjo sa Calamba, Laguna.
Balak pa rin niyang balikan ang pulitika pero sa lokal talaga. Baka doon daw sa Laguna siya magsisilbi kapag mabigyan ng pagkakataon. Baka subukan daw niyang tumakbong konsehal sa Calamba City.
Sa ating bansa, nagiging alternative career talaga ng mga artista ang magpolitika. Sana, matulungan nila ang industriya natin na tulad ng mga careers nila, ay nangangailangan ng pagpapasigla at pagbangon.
