GORGY RULA
Hands on sa pagbabantay si Alfred Vargas sa asawa niyang si Yasmine Espiritu dahil nahihirapan pa rin ito sa pagbubuntis sa kanilang pang-apat na anak.
Sabi ni Alfred, nasa 14th week na ang dinadala ni Yasmine. Ganun din pa rin daw ang kalagayan kung saan dumadaan ito sa general anxiety disorder.
Read: Alfred Vargas, wife Yasmine are expecting fourth baby
"Basically, buong araw buong gabi naka-bed rest lang siya. Lumalabas lang siya sa kuwarto pag kakain, tapos pahinga na ulit.
“There are days na uy! Parang okay, a! Yun pala, pagdating sa gabi, biglang aatekehin or ano,” pakli ni Alfred nang nakapanayam namin sa DZRH nung nakaraang Miyerkules, July 19.
"Alam mo yung paglilihi at saka ano yung hyperemesis, okay lang sa kanya, e. Yung pinaka nahirapan siya, yung generalized anxiety disorder.
"Yung bigla na lang siya magpa-panic attack. Tapos bigla siyang may depression, biglang may ano. Yun bang ano... yung biglang nag-aalala.
"So, yun yung nagpapahirap sa lahat.
"Kasi, yung hyperemesis, napagdaanan niya na yun before. Pero ngayon, ito yung pinakamatindi so far sa apat na pagbubuntis niya.
"Yung misis ko ano, e, madaling mabuntis, pero mahirap magbuntis."
Mabuti at hindi raw ganun kabigat ang ginagawa niya bilang konsehal ng 5th district ng Quezon CIty.
Natapos na niya ang AraBella sa GMA-7, at nasa post-production na ang pelikula niyang Pieta kaya puwede niyang tutukan ang kanyang asawa.
"Full support kami. Ngayong araw, hindi talaga ako lumabas ng bahay. And there are several days of the week, nasa bahay lang ako, inaalagaan ko yung misis ko.
"Tapos kanina nag-crave siya ng corndog. So, nagpahanap ako ng corndog sa mall, ganun. Minsan naman pasta, minsan naman noodles. Ako... kung ano yung paglihi, hinahanap ko na agad," saad ni Alfred.
Read: Alfred Vargas, proud sa casting coup para sa pelikulang Pieta
JERRY OLEA
Hindi pa masabi ni Alfred na okay na okay na si Yasmine, dahll meron daw mga araw na okay, at merong nahirapan talaga. Kaya hindi niya ito iniiwan.
"Day to day, e. Minsan pag tinamaan siya ng anxiety... minsan natutulog kami, bigla na lang siya maiiyak hindi niya alam kung bakit. Bigla na lang siya matatakot. Kasi anxiety talaga e, saka may panic attacks.
“Kahit ako minsan, hindi ko nagi-gets kung bakit. Pero ganun pala talaga yun, yung bigla na lang.
"Minsan for no reason or minsan kahit sobrang baba ng trigger, yun talaga yung nagpapa-triple ng paghihirap niya.
"Pero for example yung ano, nag-recital yung mga anak namin. Nag-play sila ng piano at kumanta sila ng 'Moon River,' mga two hours yun sa labas, kinaya naman ni Yasmine. Kasi ipinagdasal niya.
"Kaya happy naman siya na nakalabas siya. And one of the very few instances na nakaya niya lumabas," saad ni Alfred.
Kaya pinupuri niya ang kanyang asawa, dahil kahit nahihirapan, kinakaya daw nito. Dito raw siya lalong bumibilib sa mga kababaihan.
"Ako bilang asawa, napansin ko talaga iba talaga yung pinagdadaanan ng mga babae.
"Kapag nagbubuntis, tapos iluluwal pa nila yung anak nila sa mundo. Lalo akong bumibilib sa misis ko.
"Ang lakas ng mga babae, yung pinagdadaanan na ganito, nakakabilib."
NOEL FERRER
Tinanong na rin namin si Alfred, kung okay na ba sila sa apat na anak. Lalo na't hirap si Yasmine magbuntis.
"Hindi magpapatali si Yasmine," mabilis na sagot ni Alfred.
"Hindi rin ako magpapa-vasectomy. Kung ano yung ibigay ng Diyos, e, di ganun. Kung ano man, yun yung haharapin namin.
"Basta ito, we're just praying itong pang-apat namin, healthy. Regardless of the gender, basta gusto lang namin, 100 percent great perfect health and well-being."
