GORGY RULA:
Noong Mayo 3, 2022 ay nagpa-mediacon ang magkapatid na Alfred Vargas at PM Vargas sa Annabel’s restaurant, Morato Avenue, Quezon City, kaugnay sa death threat sa kanila the day before.
Malamang politically motivated ang pagbabanta dahil nalalapit noon ang eleksyon.
Sa kabila ng death threat ay itinuloy nina Alfred at PM ang kanilang kandidatura sa 5th district ng Quezon City, at kapwa sila nagwagi — si Alfred bilang konsehal at si PM bilang congressman.
Read: Brothers Alfred and PM Vargas receive two bullets; claim death threat politically motivated
Nagpalit ng puwesto ang magkapatid. Nakatatlong termino si Alfred bilang congressman, at nakaisang term si PM as councilor.
Humarap muli sina Alfred at PM sa mga taga-media nitong Hulyo 27, Huwebes, sa Supersam restaurant, Sct. Tobias St., Quezon City.
Mas relaxed na siyempre sila, at panay-panay ang biruan.
Wala na ang Annabel’s restaurant. Wala na rin bang pagbabanta sa kanilang buhay?
“Wala nang pananakot pero naka-armored vehicle pa rin kami ngayon!” natatawang sambit ni Alfred.
Sambot ni PM, “Nag-iingat pa rin tayo. Kasi alam niyo, pag nagkaroon na ng death threat na legitimate, iba na rin yung pakiramdam mo.
“It was the first time na nagkarun ng ganun sa amin, sa distrito namin. Kasi tatlong ano ni Kuya, wala naman pong ganun.”
Read: Kapatid ni Alfred Vargas, hindi iaatras ang kandidatura sa kabila ng death threat
Co-producer si PM sa mga pelikulang iprinodyus at pinagbidahan ni Alfred, kabilang ang Supremo, Tagpuan, at Pieta na 80 percent nang tapos sa post production.
Pahayag ni Konsehal Alfred, “Sa amin kasing magkakapatid, si Cong. PM yung negosyante. Siguro nababasa niyo naman sa credits, lahat ng prinodyus na pelikula natin, siya yung co-producer ko.
“So, malaki rin yung pasasalamat ko sa kanya, kasi nagagawa ko yung mga role na gusto ko.”
Nagbiro si Alfred na nag-a-audition pa siya kay PM para sa mga pelikulang pagbibidahan niya sa kanilang production company.
Sabi ni PM, “Sa akin po, basta po si Kuya yung star, wala nang tanung-tanong pa. Basta si Kuya!”
Dagdag ni Alfred, “Sa creatives naman, he leaves it to the director and me. He trusts us. Sa kanya, more on the business side.”
Read: Alfred Vargas, "umakyat ng ligaw" sa National Artist na si Nora Aunor
NOEL FERRER:
Inusisa si Cong. PM kung bakit hindi siya nag-artista.
Tugon ni PM, “Siguro po, wala lang sa bituin natin. More on music po ako, e. Banda-banda, ganyan, nung kabataan.”
Sabi pa ni PM, wala siyang hilig umarte.
Pagsisiwalat naman ni Alfred, noong bata pa sila ay si PM ang nagbibida sa mga school play samantalang siya ay ekstra lamang. Pakiwari ng magkapatid, destiny ang nagpasya sa tinahak nilang landas sa buhay.
May advantage at disadvantage kay Cong. PM ang pagkakaroon ng kapatid na celebrity. May pros at cons, 'ika nga.
Nakangiting saad ni Cong. PM, “Sa pros, maraming mga tao, tingin nila, magkasingguwapo kami. Ang cons, marami ring hindi. Ha! Ha! Ha! Ha!
“And siyempre minsan, nako-compare. Pero in my line of work, which is public service, tina-try nating bawiin lagi yan sa performance, di ba?”
JERRY OLEA:
Sa susunod na eleksyon, hindi raw magsa-swap muli ng puwesto sina Alfred at PM. Ipinapaubaya na ni Alfred sa nakababatang kapatid ang pagiging congressman.
Katuwiran ni Alfred, “He’s doing a good job, and panahon na ni Cong. PM. Happy naman ako na nakakagawa ako ng teleserye. Nae-enjoy ko!
“Yung nine years ko sa Congress, sobrang busy ko at stressed ako nun. Parang haping-happy ako ngayon, ayan, nakaka-attend ako ng GMA Gala.
“Tapos nakakagawa ako ng pelikula. Tapos yung mga teleserye ko, leading man ako ni Camille Prats.
“Buo na, hindi na yung pilot episode lang tapos pinapatay. Sa Unica Hija, mga ganun. Sa Legal Wives, di ba?
“Pero ngayon, happy ako. Feeling ko, nae-enjoy ko talaga yung panahon ko ngayon.
“I have more time with my family, lalo na on the way si Misis. Natututukan ko.”
Fifteen weeks na ang pagbubuntis ni Yasmine ng kanilang ikaapat na supling.
Read: Alfred Vargas, hands-on sa pagbabantay sa maselang pagbubuntis ng misis na si Yasmine Espiritu
“Ahhh bed rest siya palagi. She can only do activities a day, 15 minutes,” sambit ni Alfred.
Ngayon lang ba naging difficult ang pagbubuntis ni Yasmine?
“Nung sa pangatlo namin, pangatlo niyang pregnancy, mahirap na yun. Pero ngayon, mas mahirap pa,” lahad ni Alfred.
“Siguro dahil pang-apat, kaya talagang tinututukan. Pero to be fair sa mga doctors, magagaling lahat. Magagaling lahat mga doctors niya. Bed rest lang.
“Nun ngang GMA Gala, dapat kasama ko siya nun, pero hindi talaga kaya.”
Bukas, Hulyo 29, Sabado, ay puwede na raw magpa-check up muli si Yasmine, kaya baka malaman na nila ang gender ng kanilang pang-apat na anak.
Gusto ba niya, another boy?
“We’re just grateful kay God na nagulat kami, biglang ano, meron nang pang-apat,” sagot ni Alfred.
“Tapos pinagdadaanan ni Yasmine ngayon, kahit boy, kahit girl, OK lang basta healthy.”
