GORGY RULA:
Lagot Ka Sa Tatay Ko! ang working title ng pelikulang pagsasamahan nina Senator Bong Revilla at Jillian Ward kung saan mag-ama ang papel nila.
Ito ang isiniwalat ni Senator Bong sa chikahan with showbiz media friends nitong Agosto 17, 2023, Huwebes, sa Supersam restaurant, Sct. Rallos St., Quezon City.
Siyempre, inspired iyon ng pelikulang Isusumbong Kita Sa Tatay Ko (1999) na pinagbidahan nina Fernando Poe Jr. at Judy Ann Santos.
Nakasama ni Senator Bong si Jillian sa mga pelikulang Si Agimat at si Enteng Kabisote (2010) at Si Agimat, si Enteng Kabisote at si Ako (2012).
Halu-halong action, comedy, at drama ang konsepto ng Lagot Ka Sa Tatay Ko!.
“Gusto natin makatulong din ulit sa movie industry. Buhayin natin yung cinema. “Tulung-tulong kaya ini-encourage ko rin ang iba nating mga artista,” pahayag ng actor-politician.
For next year na ang showing ng pelikula, puwedeng pam-Valentine’s Day sa Pebrero, o Father’s Day presentation sa Hunyo.
Wala pang napipisil para maging love interest dito ni Senator Bong, kung meron man.
Siyanga pala, magpi-finale na ang Kapuso series niyang Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis sa Agosto 20, Linggo ng 7:15 p.m., sa GMA-7.
Read: Bong Revilla Kapuso sitcom, last two Sundays na lang
Kinumpirma ni Senator Bong na ikinakasa na ang Season 2 nito.
Mas na-enjoy ba niya itong Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis kesa sa nauna niyang series na Agimat ng Agila?
Tugon niya, “Magkaiba siya, e. Agimat ng Agila is fantasy. Itong Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis, comedy siya.
“Saka, di ba, kung titingnan mo, yung akting ni Tolome dito, parang cartoon, di ba?! Argghhh!!!
“Hindi naman siya normal, e, kundi parang overacting yata yun. But you know, yun yung ano niya, para siyang may phobia.
“Kaya ang huli mo dun, bata, matanda, babae, lolo, lola. So, huli lahat.”
NOEL FERRER:
Dalawang episodes ng first season ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis ang paborito ni Senator Bong.
“Well, of course, ang pinakapaborito kong episode siyempre, always the first, the Episode 1, and the finale,” pagtatapat niya.
“Dahil yun ang nakatodo. Kaya kung nagustuhan nila yung Episode 1, itong last episode na mapapanood nila sa Sunday, 7:15 p.m. ay magugustuhan din nila ito.
“Siyempre, ito yung preparation para sa Season 2. Kaya nakakatuwa. Even iyong episode natin last Sunday, although medyo naligaw ang tao, akala 7:50 pero 7:15, mas maaga pumasok, e. So, medyo na-miss ng iba.
"Pero ganun pa man, happy pa rin kami. Dahil nakita natin yung mga manonood, nandun pa rin. Nakatutok pa rin.”
Kumusta si Senator Bato dela Rosa nang mag-guest ito sa Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis?
“Ahh he’s OK. He’s a very good actor. Nagulat ako.
"Saka natuwa ang mga tao rin dahil pagbalik ni Lani [Mercado], di ba, yung original na sumisigaw ng TOLOME!” bulalas ni Senator Bong.
“Ang isinigaw naman niya, BATOME! Kaya masaya, masaya.”
JERRY OLEA:
Kasabay ng pagdiriwang ni Senator Bong ng ika-57 kaarawan sa Setyembre 25 sa Okada Manila, ipagdiriwang din ang golden anniversary niya sa showbiz.
Magtitipun-tipon doon ang mga Kapuso at Kapamilya na nakatrabaho niya sa loob ng limang dekada.
Mga taga-ABS-CBN ang punong-abala sa production, samantalang sa GMA-7 iyon ite-telecast.
Maliban sa misis niyang si Cavite Representative Lani Mercado, kaabang-abang kung sinu-sino pa sa mga naging leading ladies niya sa TV at pelikula ang makikisaya roon.
Seven years pa lamang si Senator Bong nang mag-ekstra siya sa pelikulang Tiagong Akyat (1973), kung saan bida ang ama niyang si Ramon Revilla Sr. katambal si Aurora Salve.
Kapagkuwan ay gumanap siya bilang batang Ramon Revilla Sr. sa pelikulang Bianong Bulag (1977).
Inilunsad si Senator Bong sa Dugong Buhay (1983) na isinulat at idinirek ni Carlo J. Caparas.
Salaysay niya, “Ekstra-ekstra pa lang ako noon, yung manonood ka, dadaanan ka lang ng camera.
"Ang daddy ko talaga, bata pa lang kami, talagang ini-involve na niya kami sa ganyan.
“O siguro, nagtitipid yung tatay ko kaya kaming mga anak niya ang ginagamit niyang mga bata-bata.”
Kailan niya natantong gusto niyang mag-artista?
Napangiti si Senator Bong, “Talagang ano yan, e, it’s in the blood. Kaya bata pa lang, yung lukso ng dugo mo talaga, showbiz, e.
“Actually yung sa public service, dumating na lang yan nung nasa showbiz na ako. Kung talagang pinangarap ko yun, sana, e, nag-abogado ako o ano, di ba?
“Pero hindi, e. Showbiz talaga. Showbiz talaga ang aking first love.”
Siyanga pala, sa Sunday ng 5 p.m. ay magpe-Facebook live na si Senator Bong, at doon ang gender reveal ng baby nina Jolo Revilla at Angelica Alita.
5:30 p.m. ang "Pasasalamat ni Tolome! Giveaway," kung saan mamimigay si Senator Bong ng laptops, cash prizes, at iba pang surprises.
Pagsapit ng 7:15 p.m. ay babalik ang "Selfie with Tolome!," kung saan magkakamit ng tig-P1,000 ang mga mapipili ng comment picker!
