GORGY RULA:
Masaya ang konsepto ng concert ni Ogie Alcasid na pinamagatang Ogieoke: The Concert na gaganapin sa Newport Performing Arts Theater sa September 29, 2023.
Parang malaking videoke raw ang stage na may lyrics na nababasa ang lahat ng mga kantang kakantahin nila.
"May videoke, tapos may score, yung dyararan! lalabas yung score. May mga video na walang kinalaman sa kanta, mga ganun.
"Nag-shoot din ako sa States na wala lang, nagsa-shopping lang ako. Buong show may lyrics, parang nasa simbahan lang," natatawang pahayag ni Ogie.
Isa sa paboritong kinakanta ay ang "My Way," pero kinatatakutan ng iba dahil may nangyayari pagkatapos kantahin.
Read: "My Way" itinuring na "world's deadliest karaoke song"
Tinanong namin si Ogie kung kakantahin ba niya itong kantang pinasikat ni Frank Sinatra noong 1969, bilang nagbi-videoke naman sila. Kakantahin daw ni Ogie, dahil may kuwento raw siya sa kantang yan.
"Si 'My Way' kasi, dinu-duet namin ng tatay ko. May video pa nga ako nung buhay pa si Daddy, lagi namin dinu-duet yan. For some reason, na-record ko.
"Pasko nun e, nagdu-duet kami ng My Way. Kasi favorite song niya yun, e," pahayag ng singer-songwriter.
Kinakanta na raw niya ito sa nakaraan niyang Kilabotitos concert dahil tribute niya ito sa kanyang yumaong ama.
"So, itong Kilabotitos actually, kinakanta ko si 'My Way' as a tribute to my father. And in the States, it was probably my most applauded... may standing ovation talaga sila.
“Pagdating sa 'My Way,' medyo heartfelt yung pagkakanta ko. So, siyempre hindi naman puwedeng mawala si 'My Way,'" dagdag niyang pahayag.
Aminado si Ogie na iyakin siya. Dati daw ay naluluha pa siya kapag nakakanta niya ang 'My Way.' Pero ngayon ay keri na raw niya.
"Siyempre oo. Pero mas kaya ko na ngayon kasi mga three to four years na rin naman... three years ago when my dad passed away. So, medyo okay-okay na ako ngayon.
"This is my way of paying tribute to my father," sabi pa ni Ogie.
Read: Ogie Alcasid deeply mourns passing of his father
NOEL FERRER:
Nagiging paborito na rin daw ni Ogie ang 'My Way," kahit sinasabi ng iba na 'dangerous' itong kantahin.
"Alam mo, nagiging song ko na talaga siya, na napansin ko wala namang kumakanta niyan dito.
“Although, kinakanta sa videoke, parang wala namang singer na inaangkin yun.
"Actually sa survey ko, number one is 'My Way,' tapos number 2 is 'Bakit Ngayon Ka Lang,'" saad ni Ogie.
Si Lara Maigue ang isa sa special guests ni Ogie sa kanyang Ogieoke concert. Pero marami pa raw siyang surprise guests.
"Secret" ang sagot sa amin nang tinanong namin kung mga kasamahan ba niya sa It's Showtime ang ilan sa surprise guests.
Kinumusta na rin namin kay Ogie kung apektado ba sila sa pinagdadaanan ng It's Showtime, lalo na si Vice Ganda.
Aniya, “Hindi mo mapapansin na may something. In fact, napansin ko si Vice lately has been so energized. Okay kami."
Read: Lala Sotto addresses backlash against MTRCB amid 'It's Showtime' suspension
JERRY OLEA:
More and more ang mga concert at musical shows ngayong Setyembre. Noong nakaraang weekend, Sabado at Linggo, itinanghal ang Anywhere We Sing Is Home: The CCP’s 54th Anniversary Gala sa Samsung Performing Arts Center sa Circuit Makati.
Isang oras at 45 minuto na walang interruption ang showcase ng world-class artists na sina Arman Ferrer, Joanna Ampil, Aicelle Santos-Zambrano, Gerald Santos, Gab Pangilinan, Reb Atadero at Sheila Francisco, kasama ang Philippine Philharmonic Orchestra.
Ang musical director ay ang National Artist na si Ryan Cayabyab o Mr. C.
Itatanghal ang musical na Rama, Hari ngayong Setyembre 15, Biyernes ng 7:30 p.m. sa Manila Metropolitan Theater. Ang musical na ito ay hango sa Sanskrit epic na Ramayana.
May dalawang performances pa ang Rama, Hari sa Metropolitan Theater sa Manila kinabukasan, Setyembre 16, Sabado ng 2:00 p.m. at 7:30 p.m.
Kapagkuwan ay apat ang performances ng Rama, Hari sa Samsung Performing Arts Theater sa Circuit Makati — Setyembre 22, Biyernes ng 7:30 p.m.; Setyembre 23, Sabado ng 2:00 p.m. at 7:30 p.m.; Setyembre 24, Linggo ng 4:00 p.m.
Tampok sa Rama, Hari sina Karylle Tatlonghari, Arman Ferrer, Shiela Valderrama-Martinez, Poppert Bernadas, Vien King, Nica Tupas, Audie Gemora, Mathew San Jose, Jonel Mojica, Jon Abella, Ryan Cayabyab Singers, The Orchestra of the Filipino Youth with Mara Leigh, at marami pang iba.

Setyembre 16, Sabado, ang invitational Gala Night ng 3rd Philippine Film Industry Month sa Teatrino Promenade, Greenhills, San Juan City.
Performers dito sina Sheryn Regis, Michael Pangilinan, Frenchie Dy, at Bituin Escalante. Ang host ay si Robi Domingo.
Ang 4th G Music Fest ay gaganapin sa Setyembre 16, Sabado ng 1:00-11:59 p.m. sa Circuit Makati. Bahagi ito ng G Day Celebration ng Globe.
All-Filipino ang lineup ng artists — Urbandub, The Itchyworms, December Avenue, I Belong To The Zoo, Lola Amour, Dilaw, Bini, PLAYERTWO, Paul Pablo, Sugarcane, Mayonnaise, Ace Banzuelo, Nobita, Munimuni, Joem, Syd Hartha, at Drag Race PH.

"Our vision for this year's G Music Fest is to create a space where music, creativity, technology, and sustainability converge,” pahayag ni Peter Ramirez, Globe Rewards Senior Manager and G Day Program Lead.
“We want to celebrate the rich tapestry of Pinoy talent while also showcasing the innovations that make such celebrations possible.”
Tuloy na ang 1st Philippine Creative Industries Month Celebration sa Setyembre 17, Linggo, sa Rizal Park o Luneta. 2:30-5:00 p.m. ang iba’t ibang workshop. 6:00-9:00 p.m. ang libreng concert.
Sa Setyembre 29 at 30, at Oktubre 1 ay nagbabalik ang Pinoy Playlist Music Festival sa BGC Arts Center sa Taguig City.
Magpapayanig sa Day 1 (Setyembre 29, Biyernes) sina Abby Clutario, Adjeng, Jasmine & Noel, Joey Ayala, Mijon, Pauline Cueto, Raven, Sam Concepcion, Simon Tan Walotao, Sitti, at Tamara.
Magpapasiklab sa Day 2 (Setyembre 30, Sabado) sina Autotelic, Ebe Dancel, Haru, Kammerchor Manila, Leanne and Naara, Of Mercury, Rivermaya, The Edralins, Viñas Deluxe with Winter Sheason Nicole & Tiny Deluxe, Viva, Vicor, & Wild Dreams Records Artists: Amiel Sol, Matt Wilson, Nicole Abuda & Rob Deniel, at Young Cocoa.
Magpapakitang-gilas sa Day 3 (Oktubre 1) sina Arman Ferrer, Davey Langit, Debonair District, Gary Granada, Jenine Teñoso, Lara Maigue & Gian Magdangal, Nica del Rosario, Room for Cielo, Therese Villarante’s Girl With A Broken String featuring Ivy Gallur & James Gulles, at The Nightingales.
Pagpupugayan si Regine Velasquez-Alcasid, at may special tribute performances sina Katrina Velarde, Phi Palmos, Trina Belarmide, Ima Castro, Sweet Plantado-Tiongson, Jona, at Jed Madela.
Mabuhay ang Musikang Pilipino!
Read: Regine Velasquez, gagawaran ng Ryan Cayabyab Awards sa Pinoy Playlist 2023
