GORGY RULA
Tumaas ng 30 percent ang gross ng pelikulang Five Breakups And A Romance (5BAAR), starring Alden Richards and Julia Montes, sa pangatlong araw ng showing nito sa mga sinehan.
Ayon sa aming reliable source, sa unang araw ng showing ng Five Breakups And A Romance noong Oktubre 18, 2023, Miyerkules, ay naka-P3.3M ito.
Read: Kumusta ang first day ng 'Five Breakups And A Romance' sa box office?
Konti lang daw ang ibinaba sa pangalawang araw na naka-P3.2M.
Nagulat daw sila sa pangatlong araw nito noong Biyernes, October 20, ay naka-P4.2M ito.
Maganda kasi ang pelikula kaya maaaring "word of mouth," dumami ang manonood, at inaasahang mas tataas pa ito this weekend.
Noong Huwebes ay nag-IG live si Alden Richards kasama si Direk Irene Villamor habang nagdi-dinner sila pagkatapos ng block screening nila at nag-Q&A pa sila sa Cinema 76.
May nagtanong na follower kung magkakaroon ba ng part two ang Five Breakups And A Romance. Ang bilis ng sagot ni Direk Irene na kung maka-P100M sila sa buong run, baka posibleng mag-part two.
Marami pa raw puwedeng ilahad sakaling magka-sequel. Malalaman daw kung ano ang nangyari in between ng journey ng breakups nina Lance (Alden) at Justine (Julia).
Kaya sabi ni Direk Irene, "Tulungan niyo pa kami, mag-P100M, may part two tayo."
Ewan ko lang kung totoo talaga siya sa sinabi niyang iyun dahil medyo nakainom na si Direk Irene nung gabing yun.
NOEL FERRER
Sabi ni Direk Irene, sana patuloy ang pagtangkilik natin sa mga pelikulang atin.
"Mahalaga pa rin ang pelikula. Mahalaga pa rin ang sining. Kahit ano man ang mangyari sa mundo. Kahit maraming shit, mahalaga ang sining kasi kaluluwa natin yun.
"Kaluluwa natin yun, puso natin yun, na ibinabahagi natin sa mundo, at nakikita natin ang sarili natin," saad ni Direk Irene.
Pinag-usapan din nina Alden at Direk Irene ang ilan sa mga gusto nilang bahagi ng pelikula.
Tiyak na marami raw ang naka-relate sa bahagi ng COVID na kung saan malaki raw ang epekto ng pandemya sa isang relasyon.
"Lahat kasi tayo, na-experience yun, e. Lahat tayo, dumaan dun na, 'Ah, it took a toll sa buhay natin during that time.
"Ako, naniniwala ko na isa yun sa pinakapaborito kong part sa movie," pakli ni Alden.
Ani Direk Irene, “Nahirapan kami dun sa part na yun, kasi how do you give justice to the whole experience?
"Hindi biro yun e. Tapos ito lang yung minuto, kailan mo siya ilalahad, di ba?
"Pero hindi biro, kung paano tayo binago. Lahat tayo binago ng pandemya. Nagkaroon tayo ng ibang perspective, even our movie watching experience is different.
“And the challenge is, yung ganun ka-lasting global effect, paano ito maka-effect a relasyon, sa pag-ibig.
"We hope that even a slice of that experience, sana na-capture natin. Because of course we can present it in sobrang laking ano, di ba?
"Pero sana, ang konting part, dun yon yung goal ko talaga is that hindi na tayo parehong tao before and after pandemic. Sobrang iba."
Iba talaga ang storytelling ni Direk Irene at talagang relatable although sadyang napanakit ang kanyang mga istorya.
Carry on, Irene!!! You have our support!!!
JERRY OLEA
Post ng GMA Pictures sa X noong Oktubre Biyernes ng 6:29 p.m., “Maraming, maraming salamat sa lahat ng nanood, naiyak, at naglabas ng emosyon sa Five Breakups and a Romance! Sugod na sa mga sinehan sa mga hindi pa nakakanood!!
“Five Breakups And A Romance now showing in over 240 cinemas nationwide!”
Kalakip niyon ang artcard na nagsasabing umabot na sa P10M ang 5BAAR.

Mabuhay ang pag-ibig na walang padding!!!
Tingnan natin ang figures this weekend kung ispageting pataas ng pataas ang gross ng Alden-Julia movie. Base sa trajectory, aabot kaya sa PHP55M ang hahamigin ng 5BAAR?
Iyong A Very Good Girl nina Kathryn Bernardo at Dolly de Leon ay showing pa rin sa local cinemas. Ayon sa source ng PEP Troika ay halos P110M na ang kinita nito.
Nasa second week na ang concert movie na Taylor Swift: The Eras Tour. Hindi na raw ito ganoon ka-enchanting sa moviegoers.
Read: 'Taylor Swift: The Eras Tour' concert film, record-breaking sa takilya
Nasa Halloween mood na ang moviegoers next week. Handog ng SM Cinemas ang Sine Sindak 4 umpisa Oktubre 25, Miyerkules.
Tampok dito ang siyam na nakakahilakbot na pelikulang Dead Bride, Belzebuth, Dawning, Benny Loves You, Chabak: Night of Murder and Romance, Final Summer, Jack In The Box, The Ghost Within, at Todd and the Book of Pure Evil.
Ang single pass sa Sine Sindak ay P130 lamang, samantalang ang Unlimited One-Day Pass ay P250!!!
Sa Nobyembre 1, Miyerkules, ay ipapalabas na sa local cinemas ang Dune: Part Two, Five Nights at Freddys, The Piper, at The Tunnel to Summer, the Exit of Goodbyes.
Sa November 8, magpapasiklab ang The Marvels, at makikipagbakbakan dito ang 1521: The Quest for Love and Freedom nina Bea Alonzo, Michael Copon, at Danny Trejo.
Showing din sa araw na iyon ang City Hunter the Movie: Angel Dust.
Kasado na sa November 15 playdate ang The Hunger Games: The Ballad of Somgbirds and Snakes, at Trolls Band Together.
Nasa November 22 playdate ang Thanksgiving, Wish, at Tokyo MER: Mobile Emergency Room The Movie.
At nasa November 29 playdate ang The Boy and the Heron ni Hayao Miyazaki, pati ang Asian Persuasion nina Dante Basco, KC Concepcion, Rachel Alejandro, Tony Labrusca, Paolo Montalban, at Kevin Kreider.
