JERRY OLEA
Marubdob ang acceptance speech ni John Lloyd Cruz bilang best actor sa 46th Gawad Urian noong Nobyembre 30, 2023, Huwebes ng gabi, sa Film Studio ng UP Film Institute, UP Diliman, Quezon City.
Ito ay para sa pelikulang Kapag Wala Nang Mga Alon, na idinirek ni Lav Diaz. Co-stars niya rito sina Ronnie Lazaro, Shamaine Buencamino, at Dms Boongaling.
Read: John Lloyd Cruz at Max Eigenmann wagi sa 46th Gawad Urian
Ani Lloydie, “Maraming salamat ho sa Gawad Urian para sa isang natatanging karangalan. Salamat ho sa Sine Olivia sa pamumuno ni direktor ko, Direk Lav Diaz.
“Maraming salamat sa mga tao sa table na ito,” sabay turo sa mesa ng Team Kapag Wala Nang Mga Alon.
Pagpapatuloy ni John Lloyd, “Ronnie Lazaro, grabe… isa kang pangarap.
“Kay Hazel [Orencio], walang sawang nagpapalakas ng loob ko kahit na marami sa ginagawa ho namin, hindi namin talaga alam kung paano gagawin, at kung paano ko gagawin, paano ko itatawid.
“Salamat sa buong team ng Sine Olivia. Salamat sa mga magulang ko, sa aking mga kapatid, sa anak ko, sa aking partner na si Isabel.
“Si Direk Lav, ano ho, napakahalaga ho nung ginagampanan niyang role sa akin, at siguro kung sino man yung sumusubaybay sa mga ginagawa ko.
“Kasi… napakabuti ho ng ginagawa niya. Walang sawang nagpapakilala sa ating mga tungkulin hindi lang bilang artista, hindi lang bilang aktor.
“Pero yung pinakamahalagang tungkulin, bilang tao. Naisabuhay yung ating mga pinapangarap, isabuhay yung ating mga ipinaglalaban. Isabuhay yung mga ginagampanan natin.
“At nagbibigay ng napakalinaw na salamin sa akin, sa mga pagkakataong nabibigyan ako ng bagong papel na maaaring gampanan.
“Napakalaki po ng utang na loob ko kay Direk Lav. Kung hindi ho dahil sa kanya, tuluyan na ako siguro na kawala-wala... kaya ho para sa kanya ito!”
Nagpasalamat din si JLC sa kanyang management, ang Crown Artist Management na pinamumunuan nina Maja Salvador, Rambo Nuñez, at Mikki Gonzales.
Dagdag ni John Lloyd, “Salamat ho sa lahat ng mga uring manggagawa sa pelikulang Pilipino, na walang pagod na lumalaban para ikuwento ang mga kuwentong dapat lumabas lalo na po sa panahon na ito.
“Tapos na ho ba yung dalawang minuto ko? Ambilis ho… pero mas mabilis pa rin hong pumatay sa bansang ito."

Maliban sa best actor for John Lloyd, nakamit din ng Kapag Wala Nang Mga Alon ang tropeyo para sa best film, best screenplay (Lav Diaz), at best cinematography (Larry Manda).
Ang best actress sa 46th Gawad Urian ay si Max Eigenmann para sa 12 Weeks.
Ang best supporting actress ay si Claudia Enriquez para rin sa 12 Weeks, samantalang ang best supporting actor ay si Soliman Cruz para sa Blue Room.
Kagaya ng Kapag Wala Nang Mga Alon ay apat na tropeyo ang natamo ng Leonor Will Never Die — best director (Martika Ramirez Escobar), best editing (Lawrence Ang), best production design (Eero Yves Francisco), at best music (Alyana Cabral, Pan de Coco, at Joseph Salcedo).

(From left) Claudia Enriquez, Max Eigenmann, John Lloyd Cruz, and Soliman Cruz
NOEL FERRER
Ibang level talaga si JLC.
Kakaunting aktor lang ang naiaaangat ang sining sa usaping bayan. At natatangi ito!
Ang iba’y art for kita. Wala namang masama roon.
Nakakamangha lang kung mayroon pang ibang motibasyon maliban sa komersyo. Yung lagpas sa pansarili.
Iba rin ang kamalayan ni Lloydie sa bayan. Malinaw sa isip at puso niya kung para saan at para kanino ang ginagawa niyang sining.
Sana, mas marami pang ibang aktor na gagamitin ang boses nila para maiba at mapabuti ang sitwasyon ng mga kapwa Pilipino at ng ating bayan.
Mabuhay si JLC. Nakaka-miss ang mga aktor at kaibigang tulad mo.
GORGY RULA
Galing din ng love teams si John Lloyd Cruz, pero iba na ang tinatahak niyang career sa pagiging artista. Tapos na siya sa pa-love team at pa-cute, at mukhang ayaw na niyang balikan.
Nakailang pelikula na siya kay Lav Diaz at maaring ito na ang gusto niyang gawin.
Ito ang nakikita ko kay Daniel Padilla, ngayong wala na ang KathNiel love team.
Nakagawa si Daniel ng Kun Maupay Man It Panahon at puwede rin siyang makagawa ng tipo ng pelikula ni direk Lav Diaz. Para mapatunayan niya ang pagiging aktor.
Bahagi ng citation ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino (MPP) na binasa bago ini-announce si John Lloyd bilang best actor, “Napaniwala niya tayong lahat sa kanyang kahanga-hangang pagganap ng isang opisyal sa kapulisan na nababalot sa lalim na pagsisisi at pangongonsensya.
“Na sa kanyang pagiging… ng malagim at mayopik na orkestradong war on drugs.
“At naipakita niya ang malubhang krisis ng moralidad sa ating bayan. Tayo’y hinihimok sa kanyang sining ng pagganap, na mag-isip kung ano nga ba ang sumasalamin ng mga panloob at panlabas na laban ng karakter na tumalima nang malalim sa kaisipan ng mga manonood…”
