GORGY RULA
Hindi sinabi ng source namin kung magkano ang kinita sa first day ng local films na After All at The Buy Bust Queen, na nagbukas sa mga sinehan nung Miyerkules, February 28, 2024.
Mabuti nga raw at tuluy-tuloy pa rin sa pagpu-produce ng mga pelikula kahit walang katiyakan ang box-office returns.
Pagkatapos ng successful na 49th Metro Manila Film Festival, at papasok na tayo sa buwan ng Marso, wala pa ring maituturing na box-office hits.
Read: Local movies slump at box office anew after record-breaking MMFF 2023
So far, ang masasabing pinakaokay ang kinita sa takilya ay ang My Sassy Girl nina Toni Gonzaga at Pepe Herrera. Ayon sa aming reliable source, naka-PHP27M daw ang kinita nito sa total run nito.
Ang pelikulang I Am Not Big Bird ni Enrique Gil ay naka-PHP10M sa isang linggo, at ang tantiya nila, baka maka-PHP14M o PHP15M ang total run nito.
Read: I Am Not Big Bird ni Enrique Gil malaki kaya ang kinita sa box office?
Ang mga ito lamang ang pelikulang naka-mahigit PHP2M ang first day earnings.
Unfortunately, ang ibang nag-showing na pelikulang lokal ay nagkasya na lang sa mahigit PHP500,000 o minsan less pa sa unang araw ng showing.
May ibang pelikulang nagsi-zero pa raw sa ilang sinehan. Kaya nakakapanlumo talaga.
Sana nga, matuloy na itong hinihiling ng producers na tatlong taong tax holiday, malaki ang ikagagaan nito sa ating film producers.
JERRY OLEA
Andaming tao sa SM Manila noong Miyerkules ng hapon.
Nanood kami ng kaibigang Rudios Locañas ng 2:15 p.m. screening ng Dune: Part Two sa Cinema 6 ng SM Manila. Wala pang sampu kami sa loob ng malaking sinehan.
Kaibigan ni Rudios ang direktor ng The Buy Bust Queen kaya inurirat niya ang takilyera kung meron bang nanood niyon. Meron naman daw, sey ng takilyera.

Sa Marso 6, Miyerkules, ay showing na sa local cinemas ang Apo Hapon nina JC de Vera at Sakura Akiyoshi, kasabay ang A Glimpse Of Forever nina Jasmine Curtis Smith, Diego Loyzaga, at Jerome Ponce.
Iyon din ang playdate ng Kung Fu Panda 4, Brave Citizen, Imaginary, at The Color Purple.
Nasa March 13 playdate ang isa pang pelikula ni Jasmine Curtis-Smith, ang 3 Days 2 Nights in Poblacion kasama sina Barbie Imperial at JM de Guzman.
Kasabay niyon ang showing ng Layas, Bob Marley: One Love, Spy x Family Code: White, at E-Sarn Zombie.
Alin kayang JCS movie ang mas malakas sa takilya, A Glimpse of Forever or 3 Days 2 Nights in Poblacion?
NOEL FERRER
Ang nakakalungkot pa, natapyasan ang budget ng mga ahensiyang kaugnay sa Sining at Kultura. Halimbawa, sa Film Development Council of the Philippines (FDCP).
Read: Joey Reyes, prangkang sinabi kung bakit walang 2024 Summer MMFF at PPP
“Malaki ang natapyas,” hinaing ng technical consultant ng FDCP na si Direk Jose Javier Reye sa mediacon noong Pebrero 15 sa Pandan Asian Cafe, Sct. Limbaga St., Quezon City.
“Ang drastic dito, maaaring magpalahaw kami ng iyak ni Tito Pip, no, yung iba rin kasi, mas malaki ang na-cut.”
Ang Tito Pip na tinutukoy ni Direk Joey ay ang chairman ng FDCP na si Tirso Cruz III.
Susog ni Chair Tirso, “Actually, hindi lang kami. Kaya parang hindi rin kami masyadong makangawngaw dahil yun nga, sabi nga ni Direk, lahat yun sa Cultural side na ano, lahat natapyasan.”
Ibig bang sabihin nito, hindi priority ngayon ng gobyerno ang Arts and Culture?
Tugon ni Direk Joey, “Yes and no, OK. Yes in the sense na may ibang areas na gustong pag-ukulan ng pansin ang gobyerno.
“And no naman, kasi may mga ibang tao sa gobyerno na tumutulong din sa amin. I’ll give an example, OK, si SILG Benhur Abalos.
“Ang laki ng tulong na ibinibigay pagdating sa paghingi namin ng tax moratorium.”
Inilatag ni FDCP Chair Tirso ang mga pangunahing problema ng mga movie producer.
Pahayag ni Chair Tirso, “Number one, they are heavily taxed, di ba? Talagang mabigat yung taxation sa kanila.
“And then of course, not to demean or pick a fight, ang kalaban din po natin ay ang streaming, hindi ba?
“Kaya nahihirapan tayong pabalikin ang mga tao sa sinehan.
“And kahit na po lumipas na siya, kung tutuusin mo, hindi naman talagang lumipas — pero ang talagang malaking nakaapekto sa industriya ay yung pandemic…
“Sana, magawan ng paraan yung sa taxes, or may matanggal sa ipinapataw na tax sa movie producers.
“And then yun nga, yung streaming. And lastly, yung sa pagkuha nga po ng permits, which tutulungan kami ni Benhur.
“Nire-request namin na sana, pag kumuha ng permit ng shooting, parang encompassing na.
“Hindi yung kasi ang hirap… kukuha ka ng permit, pagdating mo dun sa pagsusyutan, merong hihingi ng barangay permit.
“Tapos may dadating kung minsan na magse-secure nung area, hihingi na naman. So parang nadodoble-doble.
“Mabigat na nga ang ginagastos ng producer, bumibigat pa sa ganung pamamaraan.”
Dahil sa mga sanga-sangang problema ng movie industry ay hindi maibaba ang presyo ng tiket sa mga sinehan. At sa hirap ng buhay ngayon, hindi ma-afford ng moviegoers ang panonood ng sine linggo-linggo.
