JERRY OLEA
Noong ipinagbibili ang Miss Universe, nagtangka ba si former Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson na i-acquire iyon?
“Iniimbita nga ako every year, e, pero hindi lang ako makapunta dahil bising-busy ako,” sambit ni Gov Chavit nitong Abril 20, 2024, Sabado ng gabi, sa kanyang mansion sa Corinthian Gardens, Quezon City.
Nag-sponsor si Gov Chavit sa 65th Miss U na ginanap noong Enero 30, 2017, sa SM MoA Arena, Pasay City. Bakit hindi niya binili iyong franchise ng Miss U?
“Hindi na nga kailangan dahil ibinibigay naman sa akin, e. ‘Basta ikaw,’ sabi sa akin. Hindi na kagaya noong araw na may downpayment, may guarantee. 'Basta ikaw ang hahawak, bigyan ka pa namin ng discount,’ sabi sa akin,” salaysay ni Gov Chavit.
“Hindi kagaya noon na nag-a-advance ako ng 12M.”
Susog ng katotong Manay Aster Amoyo, "At nalugi."
Read: Chavit Singson recalls spending US$12 million for Miss Universe 2016
CHAVIT SINGSON'S MISS UNIVERSE EXPENSES
Pero mukhang mas malaki pa ang nagastos ni Chavit, pero para sa kanya, ang balik ay para sa ikabubuti ng turismo sa bansa.
Lahad pa ni Gov Chavit, “Sinabi ko naman, ahhh yun kasing company ko, ibinibigay ko sa kanila kung may project.
"Ang sabi sa akin, maganda para sa ating country, but maaaring malugi ka or kumita.
“Pero kung one, two million lang ang nalulugi, OK lang sa akin para lang dumami ang turista natin.”
US dollars iyon?
“Dollars! Pero ang ginastos ko, hindi lang twelve million. Bumili pa ako ng eroplano, yate, sasakyan. So umabot ng twenty million dollars,” pahayag ni Gov Chavit.
Kung iko-convert sa current exchange rate, halos PHP1.2 billion ang inilabas niya.
“Pero para lang sa ating bansa. Dahil mababawi rin natin iyan pag maraming turista.
“Kagaya yung ginawa nung Singapore. Binayaran nila si Taylor Swift, three million a day. Lahat ng kita, kay Taylor Swift.
“Binayaran lang para huwag magpalabas sa ibang country [sa Southeast Asia], para doon lahat pupunta. Ganun! Dapat gobyerno ang naggaganun, e.”
Kahit sa Miss Universe-Philippines, hindi na siya naging parte?
“Iniimbita ako palagi. Ibinibigay sa akin, ‘Maski saan mo gawin.’ Wala lang akong time.”
Read: Miss Universe scraps age restrictions; women of all ages can now join the prestigious pageant
CHAVIT SINGSON ON NEW REQUIREMENTS FOR MISS UNIVERSE CANDIDATES
OK lang ba sa kanya na tinatanggap na sa Miss U ang mga transwoman, may asawa o anak, at senior citizen?
“Ahhhh yun nga…maraming…kagaya noon ahhh… noong ginawa ko rito, may nag-o-object, mga women’s group,” malumanay na tugon ni Gov Chavit.
“Kaya nag-additional ako…para lang sa kapakanan ng mga babae, ganun… Napagastos tuloy ako.
“So ngayon, ahhh nagpapasok sila ng may anak. Hindi na Miss Universe iyon. Miss Universe, e, masisira na yun. Hindi dapat.”
Mas mabuti kung nanatili iyong dating criteria, na para sa mga dalaga na 18 to twentysomething ang mga kalahok?
“Iyon lang dapat. At saka lahat, buong mundo, pag ginagawa ang Miss Universe, hotel lang sila,” saad ni Gov Chavit.
“Maski noong araw. Dahil takot silang may mangyari. International issue, e. Pero nung nakuha ko, hindi ko sinasabi sa kanila, nilabas ko lahat.
“‘Binayaran ko na kayo, gawin ko ang gusto ko!’ Inilabas ko sa buong Pilipinas para mabawi natin. Ipinakita ko lahat ng magaganda sa Pilipinas.
“Then after that, sabi nila, the most successful Miss Universe… Philippines!”
Miss Universe 2016 iyon, pero Enero 2017 ginanap sa bansa.
“Delayed iyon dahil walang may gustong mag-finance noon, e, noong 2016,” pagbabalik-tanaw ni Gov Chavit.
“Kaya 2017 ginawa. Tapos na ang term ni Pia noon. Kaya noong nilabas-labas ko si Pia — dinala ko sa Las Vegas, nagpunta kami sa New York — doon sumikat naman si Pia.”
Ang Pia na tinutukoy ng pulitiko ay si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach, na na-link-link sa kanya, pati na rin si Miss Universe 2018 Catriona Gray.
“Hindi naman, wala naman yun. Nahihiya naman ako… mga kaibigan lang. Ayaw kong mag-take advantage. Marites iyon!” bulalas ni Gov Chavit.
Pero may beauty queen ba na nag-take advantage sa kanya?
Natawa muli si Gov Chavit bago sumagot, “Hindi naman. Wala, wala! Kaya lang, yung mga natatalo minsan, galit!”
NOEL FERRER
Nagbida si Cesar Montano sa biopic ni Gov Chavit na Chavit (2003), sa direksiyon ni Carlo J. Caparas. Ayaw bang mag-produce ni Gov Chavit ng pelikula?
“Gusto ko pero wala akong makuhang ka-partner.”

CHAVIT SINGSON ON CO-PRODUCING VAGABOND
Co-producer si Gov Chavit sa second season ng South Korean series ni Lee Seung-gi na Vagabond (2019).
“Si Lee Seung-gi ang endorser ko sa bb.q Chicken. Kaya madalas kaming nagkikita sa Korea, mga producer niya, writer,” sabi ni Gov Chavit.
“Kaya nag-uusap kami doon. Naipakita nila up to 16 episodes, so na-decide nila na itutuloy, dahil hanggang ngayon hindi pa nalaman kung sino ang mastermind.
“Kaya nabibitin ang tao. Kung itutuloy nila, dito na sa Pilipinas para maisama ko yung mga local artists.”
Tantiya ni Gov Chavit ay $20M ang production budget ng second season ng Vagabond.
Baka $1M daw ang isosyo niya.
Aniya, “Mababawi siguro dahil popular show yun. Inaabangan ng marami. Sososyo ako para lang makasama yung mga local artists natin,” sambit ni Gov Chavit.
GORGY RULA
Sa Ilocos Sur lang ba magsu-shooting ang second season ng Vagabond, if ever?
“Lahat! Ipapasyal ko sila. Gaya ng Miss Universe, ipapakita ko uli ang magagandang lugar sa Pilipinas,” sabi ni Gov Chavit.
“Yun ang balak ko kung matuloy. Palagay ko naman matutuloy dahil ginagawa na yung istorya, yung script.
“Kasi ganun sila, ginagawa muna yung ano para mabilis. Hindi kagaya dito na kung ano ang maisip nila, bukas, iisipin pa nila. Naku! E, magastos yun! Sila, tuluy-tuloy dahil may sinusunod.”
May naiisip na ba siyang local stars na isasama sa second season ng Vagabond?
“Wala pa naman, pero bahala silang mamili,” tugon ni Gov Chavit.
Magpapa-audition sila sa local actors and actresses?
“Baka wala na, kasi kilala naman nila yung mga artista, kung sino ang magaling diyan, sino ang puwede.”
Meron ba siyang gustong irekomenda?
“Wala. Kung sino lang ang mapili nila dahil ayaw ko namang makialam sa ano. Magpi-finance na lang ako,” tugon ni Gov Chavit.
“Bahala na sila. Mahirap yung ako ang mamimili, e.”
Kailangan, sikat din sa Pilipinas iyong makakasama ni Lee Seung-gi. Tipong Kathryn Bernardo…
“Oo, mga sikat din dito ang kukunin nila,” pag-ayon ni Gov Chavit.
