GORGY RULA
Nagpatawag ng media conference ang Borracho Films na ginanap sa Cliffpoint Studio sa Pasig City noong Miyerkules, Hunyo 26, 2024.
Doon nila pormal na in-announce na tuloy na ang gagawin nilang biopic ni dating Senador Gringo Honasan.
Read: Gringo Honasan, hindi makikialam kung sino ang magbibida sa kanyang biopic
Ang titulo ng film project ay Gringo: The Greg Honasan Story, at ang tagline nito ay "An Ordinary Man Thrust Into Extraordinary Circumstances."
In-announce na ring ang gaganap bilang Greg Honasan ay si Senator Robin Padilla.
Humarap sa mediacon si Robin, kasama si Gringo Honasan, dating Secretary Mike Defensor na siyang executive producer ng pelikula, ang magsusulat ng script na si Eric Ramos, at ang dalawang magdidirek na sina Lester Dimaranan at Abdel Langit.
Nasa Hong Kong pa si Atty. Ferdie Topacio na siyang may-ari ng Borracho Films. Kaya nasa Zoom lang siya.

ROBIN PADILLA'S THIRD SENATOR BIOPIC
Si Robin din ang gumanap sa life story ni Senator Bato dela Rosa, at ginawa rin niya ang 10000 Hours na kuwento naman ni dating Senator Ping Lacson.
Pero iba para kay Robin itong Gringo movie dahil gusto raw talaga niyang gawin ito, dahil na rin sa matinding paghanga niya sa katapangan ng dating senador na isa sa nagpasimuno sa EDSA People Power noong 1986, kasama ang pumanaw nang si dating Pangulong Fidel Ramos.
Read: Senator Robin Padilla pinatunayang kaya ang 16 hours na shooting ng pelikula
Kaya kahit may dalawang pelikula pang ginagawa si Robin, ang kuwento ni Marcelo H. del Pilar at ang Bad Boy 3, maisasantabi muna ang mga ito dahil mas priority niya ang Gringo movie.
Sisimulan daw nila ang shooting nito next week kaya puspusan na ang training niya ngayon.
Sa katunayan ay naaksidente si Robin sa gitna ng pagti-training, at nagkaroon daw ito ng injury.
“Na-injure na nga ako, e. Nagma-mature ka na kasi. Nagkaroon ako ng tubig sa tuhod.
“Nag-ensayo ako nang medyo matindi. Hindi na kaya ng buto. Nagkatubig!” bulalas ni Robin.
Medyo okay na raw siya ngayon, pagkatapos tanggalin yung tubig sa tuhod niya at sinaksakan ng steroids.
Binigyan daw siya ng duktor ng 20 days para lubusang gumaling. Pero puwede na raw siyang mag-shooting para sa Gringo movie.
“Hindi lang ito masyadong itakbo. Puwede na akong mag-shoot, pero yung mga action, hindi pa. Mga talun-talon, hindi pa,” sabi pa ni Robin.
Read: Robinhood Padilla’s manhood accidentally makes an appearance and here’s what we think
JERRY OLEA
Sa presscon din nalaman ni Robin na ang balak pala ng produksiyon na kuning leading lady sa Gringo movie ay si Megastar Sharon Cuneta.
“Ngayon ko lang narinig, nang i-announce ni Atty. Topacio, nagulat ako. Pero pina-message ko na, i-message n'yo na si Ma’am,” pakli ni Robin.
Sana raw ay tanggapin ito ng Megastar kaya gusto sana niya itong makausap.
“Sana. Kasi pag nakausap ko si Ma’am, sabihin ko namang ang pelikulang ito ay true story. Istorya ni Gringo.
"Palagay ko, mako-consider naman, kung hindi siya busy. Kung nandito siya sa Pilipinas.
“Ang ano lang naman dun, baka may concert siya sa labas… sa schedule niya,” dagdag ni Robin.
Matagal na raw silang hindi nagkakausap ni Shawie. Natuwa lang daw siya nang nakita niyang malaki ang ipinayat ng Megastar.
“Nakita ko lang siya, very slim, fit. Sabi ko nga nung minsan, biniro ko, hindi lang ako sinagot, e.
“Sabi ko, 'Puwede na tayong mag-love scene.' Hindi ako sinagot,” sabi pa ng actor-politician.
Kahit si Gringo mismo ay tumatango na alam niyang bagay si Sharon Cuneta na maging leading lady ni Robin Padilla, bilang asawa niya sa film project na ito.
Read: Sharon Cuneta shares moment with Robin Padilla at Viva anniversary party
GRINGO HONASAN'S GOAL IN HIS BIOPIC
For sure, magiging controversial ang Gringo biopic na ito.
Aminado ang direktor ng pelikulang itong si Lester Dimaranan na malaking challenge sa kanila ang pagbuo ng pelikula.
Gagawin nila ang malaking eksena ng 1986 People Power kaya pinag-iisipan nila kung paano nila ito mare-reenact.
“Yung medyo challenge sa amin, yung location, like kasi imagine yung EDSA. Wala pang MRT nun, wala pang flyover. So, iyon yung kailangan naming i-consider, tapos yung mga damit, yung wardrobe, production design. So, malaking challenge.
“Gagamit din po kami ng CGI, may ganun din po. Medyo magastos sa part na yun, pero hangga’t maari po, gusto naming maging accurate,” saad ni Direk Lester.
Pero para kay Gringo, ang mahalaga raw sa pelikulang ito ay ang matutunan ng mga kabataan sa rebolusyong hinarap nila noon kasama ang sambayanang Pilipino.
Ani Gringo, “Yung images, puwedeng i-CGI, may technology naman. Pero ang punto rito, hindi ba natin napansin sa kasaysayan natin, yung ginagawa natin, eleksyon, economic planning, paulit-ulit?
“Pareho ang ginagawa natin, at umaasa tayo na iba ang resulta. Iyon ang depekto ng sistema, at yun ang isa sa mga layunin ng biopic, na ipakita sa taumbayan, na tuwing mauubusan ba tayo ng pasensya, mag-People Power tayo o coup d’ etat, yun ba yung gusto natin?
“Sino ang ayaw ng mapayapa at tahimik na pamumuhay?
“Iyon ang hinahangad namin dito na matuto yung audience natin, lalo na yung mga kabataan, no?
"Iwasan natin itong pagkakamali nung nakaraan para hindi maulit yung People Power, yung rebolusyon, yung coup d’etat, mapayapa na tayo.
"Magkaisa tayo run. Iyon yung objection.
“Yung images, importante yan. Pero yung lessons, aral, kailangang ma-communicate yan. Paulit-ulit tayo. Ang ganda pa naman nitong Pilipinas, pinagpala tayo.”
NOEL FERRER
Exciting ang magiging pilian ng four films based on script submission dahil sa pagka-varied at dami ng mga pelikulang gustong sumali sa Metro Manila Film Festival (MMFF) this year, kasama na itong pelikula tungkol sa buhay ni Senator Gringo Honasan.
Sa dami ng entries na mususing binabasa ng Selection Committee, baka maiurong ang announcement ng First 4. Baka hindi kayaning tapusin lahat realistically by July 1.
Maghihintay na lang tayo ng darating na announcement. For now, manalangin tayo na may the best entries make it sa 50th anniversary edition ng MMFF!
