GORGY RULA
Magkakaiba ang reaction ng mga nakapanood sa pelikulang Quezon ni Jericho Rosales na nag-showing na noong Miyerkules, October 15, 2025, sa 260 cinemas sa buong bansa.
May mga nagsabing ito raw ang pinakamaganda sa Bayaniverse—versus Heneral Luna at Goyo—ng TBA Studios.
Boring naman ang dating sa iba dahil masyadong ma-talkies daw ito.
Pero maraming rebelasyon ang naturang pelikula na babago sa pagkakakilala natin kay Manuel Luis Quezon.
Kumusta kaya ito sa takilya?
QUEZON: FIRST-DAY BOX OFFICE
Ayon sa reliable source ng PEP Troika, umabot daw ng halos PHP6M ang kinita sa unang araw ng showing nito.
Wala pa kaming nakuhang impormasyon sa pangalawang araw—kung lalo bang lumakas o nabawasan ng sinehan.
Kung ikumpara ito sa Heneral Luna, mas malakas ang unang araw ng showing.
Pero maganda ang feedback at dala na rin ng word of mouth, lumakas ang Heneral Luna at nagtagal pa ito sa mga sinehan.
Ikinumpara rin itong Quezon ni Jericho sa Quezon’s Game ni Raymond Bagatsing. Alin nga ba ang mas maganda at alin ang mas kumita?
Abangan na lang natin sa weekend kung hahataw pa ang Quezon, at kung tatangkilikin ng mga estudyante.
Read: Cristine Reyes calls Gio Tingson "the right person"
NOEL FERRER
Yes, ma-talkies talaga ang pelikula, pero yun naman kasi ang kuwento talaga ni MLQ.
Talagang mahusay rin si Jerrold Tarog bilang direktor dahil napagsanib niya lahat ng elemento ng pelikula sa epektibong paraan.

Napaarte niya nang mahusay ang cast, maayos ang aspetong teknikal, at sa kabuuan, maayos ang naratibo at pagkakalahad ng kuwento.
Pero tama ba ang pick-up natin na baka hindi pa ito ang huli sa Bayaniverse ni Jerrold?
Parang may nagbabadyang isa pa kasi.
Totoo ba? At may pahiwatig na ni Mambo Mambo?
Read: MTRCB 40th anniversary: Highlights and sidelights
JERRY OLEA
Sandosena lang yata kaming nanood ng historical film na Quezon sa 6:30 P.M. screening ng pelikula nitong Oktubre 16, Huwebes, sa Cash n’ Carry, Brgy. Palanan, Makati City.
Totoo ang sinabi ni Direk Jerrold Tarog na ibang-iba ito sa Quezon’s Game (2018) na pinagbidahan ni Raymond Bagatsing.
Inaasam natin na maraming estudyante o kabataan ang manood nito at magdiskusyon sa mga punto ng kuwento, magtalastasan o magbalitaktakan sa kabuluhan nito sa ating kasaysayan at lipunan.
Ang husay-husay ni Jericho Rosales bilang central character na si Manuel Luis Quezon.
Markado ang papel nina Mon Confiado bilang Emilio Aguinaldo, Iain Glen bilang Governor General Leonard Wood, at Cris Villanueva bilang Joven Hernando.
Ramdam natin ang nuances ng pagganap nina Karylle bilang Doña Aurora Quezon, Romnick Sarmenta bilang Senador Sergio Osmeña, JC Santos bilang Senador Manuel Roxas, Jojit Lorenzo bilang Miguel Laureano, at Bodjie Pascua bilang Raymundo Melliza.
Sa umpisa pa lang ng pelikula ay may pasubali na agad na cinematic license upang maging malinaw ang paglalantad ng kuwento.
Sa mga tumangkilik ng mga pelikulang Heneral Luna at Goyo: Ang Batang Heneral, must watch ang Quezon.
