JERRY OLEA
Balitang-kapre na mas marubdob ang rerun ng dulang Anino sa Likod ng Buwan mula Oktubre 17 hanggang Nobyembre 9, 2025 sa PETA Theater Center, New Manila, Quezon City.

Pinanood namin ni katotong Mell Navarro ang pagtatanghal nina Martin del Rosario, Elora Españo, at Ross Pesigan nitong Oktubre 18, Sabado ng 8:00 P.M.
Totoo! Tunay! Tumpak! Mas masidhi ang mga ungol at taghoy sa pagkakataong ito kumpara sa first run noong nakaraang Marso na tatlong beses naming natunghayan.
Mas marubdob ang pagiging mapusok o marupok, maging ang pagtataksil o panlilinlang.
Sa paglutang ng usaping katiwalian sa flood control at pagpapasasa ng maliligayang nepo babies na walang kahihiyan, mas maigting at mas madilim ang Anino sa Likod ng Buwan.
Hindi ba’t ang mga hitad, hinayupak at hindupurot na nepo babies ay pataasan ng ihi sa social media?
Wika ni Martin, nakabuti na mas may panahon sila para ma-flesh out nila ang kani-kanyang karakter.
“Mas naiintindihan namin lalo yung pinagdadaanan ng bawa’t karakter,” pagmamatwid ng Kapuso hunk actor.
“Kaya mas malalim yung interpretation namin this time.
“Ngayon, kumbaga sa Anino sa Likod ng Buwan, sinasabi — walang nananalo sa digmaan.
“Ngayon, nag-aaway-away ang malalaking tao sa pulitika. Siyempre, ang talo naman diyan, ang taumbayan.
“Tayong mga Pilipino. Kaya walang maidudulot na maganda ang giyera.”
Pahayag ni Elora, mas kailangan niya ng energy at kape sa mas matinding pagtatanghal.
“Mas kailangang mag-sustain ng energy,” pakli ni Elora.
“Tubig… kaya may naka-stand by na pong arinola sa likod. Ha-ha-ha-ha-ha!”
Sambot ni Martin: “Yung acceptance talaga ng tao kahit rerun. Natutuwa kami kapag nakita namin, yung after the show, nakita namin masaya ang mga tao sa napanood nila.
“Siyempre, pinaghirapan naming mag-rehearse, ganyan. So, napaka-fulfilling na naa-appreciate nila.”
Andaming babae sa audience, huh! Hindi lang mga accla at alter ang dumagsa.
“Thank you kay Ross Pesigan! Ay!” bulalas ni Elora.
NOEL FERRER
Tig-dalawang beses na nagpasilip ng private part sina Ross at Martin sa nasabing pagtatanghal ng Anino sa Likod ng Buwan.
Read: Ross Pesigan, ipinaglaban ang frontal nudity sa Anino Sa Likod ng Buwan
Babad yung pagtatalop ni Ross, samantalang isa o dalawang segundo lamang yung pa-tangkay ni Martin. Pasabog din siyempre si Elora.
“Ano ba yun? Charot?!” natatawang sambit pa ng aktres.
Ang age demographics ng audience, mostly 20s to 30s.
Sabi ni Martin: “Siguro dahil relatable yung istorya. Dahil kasi, di ba, sa nangyayari ngayon sa atin sa Pilipinas? Parang ganoon din ang nangyayari sa Anino sa Likod ng Buwan.
“Magkaibang time, magkaibang setting lang.”
Umayon si Elora na napapanahon ang kuwento ng dulang isinulat ni Jun Robles Lana, at idinirek ni Tuxqs Rutaquio.
“Definitely! Kasi, parang kailangan nang mayanig yung mga tao, and kailangang ma-realize na hindi naman talaga siya sa kulay, sa politics,” pananalig ni Elora.
Read: Elora Espano, "nag-orgasm" pagkatapos ng Anino sa Likod ng Buwan
“It’s about fighting for human rights. Kung ano yung dignidad sa pagiging tao. Iyon ang kailangang ipaglaban.”
GORGY RULA
Sabi nina Martin at Elora, hinayaan sila ng direktor na si Tuxqs na mag-explore sa kani-kanyang karakter.
Dagdag ni Martin, “'Tapos sinasabi niya kung ano ang nagwo-work, kung ano ang hindi, ganyan.”
Dugtong ni Elora, “Pero meron siyang isang note sa character ni Joel na siyang naging pivotal doon sa second run.”
Sabi ni Martin: “Parang may konting ano lang na nagpakita si Joel ng vulnerability. Kahit papaano, minahal din niya si Emma.
“It’s just that, sundalo pa rin ako. Ang loyalty ko, nasa sistema.”
Isang oras at 45 minuto ang running time ng dula na walang patlang.
Magka-alternate bilang sundalong si Joel sina Martin at Edward Benosa.
Alternate bilang Emma sina Elora at Denise Esteban, samantalang alternate bilang Nardo sina Ross Pesigan at Vincent Pajara.
“Iba’t ibang kumbinasyon, iba’t ibang dynamics, iba’t ibang atake,” sambit ni Martin.
Sa mga hindi pa nakakapanood ng Anino sa Likod ng Buwan, paano nila hihikayatin ang mga ito?
Sagot ni Martin: “Kung gusto ninyo ng kakaibang theater experience, ito maio-offer namin. Kakaiba itong theater na ito.
“Hindi lang dahil sa hubaran. Ano ito, napapanahon… maganda ang istorya nito.”
Tugon ni Elora, “Kung pagod na kayo sa musical at gusto ninyong makakita ng hubad na katotohanan, dito na kayo! Charot!!! Ha-ha-ha-ha!”
