GORGY RULA
Natapos na pala ang pelikulang Home Along Da Riles: Da Reunion na prinodyus ng Riles Productions, na pag-aari ng magtiyuhing Boy2 Quizon at Vandolph.

Si Boy2 ang nagdirek ng pelikula at ipinagmamalaki nilang napagsama-sama raw nila ang original cast members ng top-rating sitcom na ito ng namayapang Comedy King Dolphy.
“Nag-start na kami ngayon for series. Pero unahin namin yung theater, yung reunion movie, tapos magkakaroon ng series.
“Ang tinapos na namin, yung movie, and yung series, ongoing,” masayang ibinalita ni Boy2 sa PEP Troika nang nakapanayam sila ni Vandolph sa debut party ng Star Worx talent ng TV5 na si Celyn David na ginanap sa Stella Suites Events Place, Quezon City, noong Biyernes, May 1, 2026.
Kasali kasi si Celyn sa pelikula, pero hindi pa raw muna sasabihin kung ang role, dahil wala naman siya sa original cast ng sitcom ni Dolphy.

WHAT TO EXPECT FROM HOME ALONG DA RILES REUNION MOVIE
Si Boy2 ang nagdirek ng pelikula, kaya tinanong namin kung ano ang ginawa nila sa karakter ni Mang Dolphy.
“Kailangan niyo panoorin!” napangiting pakli ni Boy2.
Ang nakakatuwa raw, sabi ni Boy2, kahit hindi na raw nag-aartista ang iba, nahanap nila para sa maka-join sa movie.
Ani Boy2: “Ano siya. Yung OG cast, kumpleto. Lahat ng original cast. Ginawa namin siya as tribute for lolo. Hinanap namin isa-isa.
“Ang pinakanakakatuwa, yung nagkikita kayo. Tapos yung iba kasing cast members namin, nakatira na sa States.
"At yung iba, like, kunyari si Aurora Halili, asawa ni Gio Alvarez, based na siya sa Canada, no? Si Au, umuwi.
“Tapos may ibang mga cast members kaming hinanap.
"Ultimo yung mga original na mga sunog-baga [boys], hinanap din namin. Yung iba dun, dumating. Tatatlo na lang tapos hindi na makalakad. Pero masaya kasi kumpleto namin talaga lahat.”
Naka-schedule na raw ang showing nito sa mga sinehan sa June 17, 2026.
Bale pam-Father’s Day presentation nila. May mga nag-invite na raw sa kanila ng advance screening. Pero ang unang premiere night daw nito ay gagawin sa Metropolitan Theater.
NOEL FERRER
Nagpapasalamat sina Boy2 at Vandolph kay Ms. Cory Vidanes dahil pinayagan daw silang isapelikula ito.
“Nostalgic, drama, comedy. Siyempre kapag manood ka ng Home Along, yun yung pakiramdam mo,” pakli ni Boy 2 sa tanong kung anong klaseng pelikula ito.
“Siyempre, yung kuwento niya, play for truth. Hindi naman namin pinalitan. In fact, yung original cast ang makikita nila.”
May partisipasyon din daw ang iba pang anak ni Dolphy. Surprise lang daw muna.
“Meron! At ang pinakamaganda dun, na may surprise doon…
"Dalawang taon, e. Two years namin ginawa. Kasi, hindi ganun kadali para ibalik,” bulalas ni Boy2 Quizon.
Dagdag pa niya: “Actually nung umpisa, parang balak lang namin, gagawa lang kami ng vlog. Ang ending, sige nga, gawin na natin ito.
“Pinayagan din kasi kami ni Tita Cory para i-produce yung Home Along. In-allow naman niya.
“Sinabi naman niya, ‘Paano niyo gagawin yung Home Along?’
“Sabi ko, ‘Yun nga, Tita Cory. May isang nostalgic thing kami. Parang na-miss lang namin yung mga kasama namin.’”
JERRY OLEA
HOW IT ALL STARTED
'Sabi naman ni Vandolph, noong nagkita-kita sila sa binyag ng anak ni Smokey Manaloto, doon daw nila napag-usapang gumawa ng reunion movie.
“Nagkita kita kami lahat, e. Because of Smokey, sa binyag.
“Pero at first, nag-shoot kami ni Boy2, nagganun-ganun lang kami sa tren, tapos nag-viral.
“Eventually, nagkita-kita kami na mga Cosme [family], yun na! Napagdesisyunan na ituloy na natin.
“Kami ni Dos, gumawa ng paraan para matuloy. Kasi, it’s a representation of Tatay rin.
“Kasi, you know, Home Along Da Riles was there for 12 years or 13 years.”

Ipinagmamalaki nila ang nagawang pelikula dahil dito raw mapapanood ng Gen-Z ang typical Pinoy family noong panahon ng boomers, GenXers, at maging millennials.
“Talagang sa panahon ngayon, wala nang ganun, e,” pakli ni Vandolph.
“Sa problema ng Pilipinas, wala nang napapanood na yung nare-relax ka.
“Nakakalimutan mo kahit papano ang problema, kahit isang oras.
“It’s a traditional Filipino family. Paano nagtutulungan, siyempre, mga words of wisdom ni Tatay,” saad ni Vandolph.
Read:
