GORGY RULA
Todo ang suporta ng WilBea fans nina Wilbert Ross at Bea Binene sa premiere night ng pelikulang Pee Mak na ginanap sa Cinema 2 ng SM Megamall noong Lunes, October 12, 2026.
May mga giveaways at snacks na ipinamigay sa mga manonoood.
Pero hindi lang fans nila ang sumuporta, kundi pati mga close friends.
Bukod sa mga Viva artists, nandoon ang mag-asawang Zeinab Harake at Ray Parks.
Dumalo rin ang mga Kapuso stars na sina Barbie Forteza, Bianca Umali, at Rodjun Cruz.
"Andiyan si Barbie, si Bianca, andiyan si Rodjun, kaya sobrang thank you. Buti na lang available sila. Buti na lang, na-clear yung schedule nila.
"I’m just very grateful,” masayang pahayag ni Bea.
Marami pa rin kasing mga kaibigan si Bea sa dati niyang network, at hanggang ngayon ay okay pa rin sila.
"Oo! Talagang as in kapag sinabi o mag-invite ka ng friends, talagang sila pa rin ang isa sa mga takbuhan.
"Sayang lang dahil yung ibang taga-GMA, e, Monday ngayon. MWF ang taping ng GMA-7, so, hindi sila nakapunta. Hopefully, mapanood din nila,” dagdag ni Bea.
Ang nakakaaliw, pati si Wilbert ay inimbitahan ni Jairus Aquino, na kasama rin sa cast.
Ipinost ni Wilbert sa X ang convo nila ni Jairus kung saan ay inimbitahan siya sa sarili niyang pelikula.
Ang sagot sa kanya ni Wilbert ng: “Adik ka ba?!”
Sabi naman ni Jairus (published as is): “Hahahahahahaha Ikaw nga pala bida wala na ko mainvite pre.”

Bukod kina Wilbert, Bea, at Jairus, kasama rin sa naturang pelikula sina Vandolph, Candy Pangilinan, Jerome Ponce, TV Valderrama, at ang bokalista ng bandang Cup of Joe na si Gian Barnardino.
Masaya ang pelikulang may pagka-horror, pero tawa nang tawa ang mga manonood.
Medyo iniba raw itong Pinoy adaptation ng sikat na pelikula sa Thailand na pinagbidahan nina Mario Maurer at Davika Hoorne.
Iba kasi talaga ang style ng comedy na dinirek ni Victor Villanueva.
Showing na ito sa mga sinehan sa Miyerkules, October 14.
Read: Atasha Muhlach answers mom Charlene’s famous Miss U question
JERRY OLEA
WILBEA CONCERT?
Binabalak din bang magkaroon ng concert together sina Wilbert Ross at Bea Binene?
Successful ang concert ni Wilbert, kaya umaasa ang WilBea fans na sana ay meron din silang dalawa ni Bea, na kumakanta rin naman.
“Sana po. Hindi po namin kontrolado yun,” pakli ni Wilbert.
Kaakibat ng kanilang kasikatan ay ang intrigang ibinabato sa kanila. Pinapayuhan naman daw sila ng kanilang management team sa Viva.
"The usual po. Huwag na lang pansinin. Huwag na lang patulan, kasi madami naman diyan gumagawa lang talaga sadya na wala namang basis,” sabi ni Wilbert.
Kamakailan lang ay inintriga si Wilbert sa kilalang fashion designer na si Paul Cabral, at sinagot niya ito sa social media.
“Para ano lang po. Para hindi na lumaki. Para ma-clear agad ang mga bagay-bagay bago pa lumaki. Kaibigan lang naman po talaga. Same circle with Vice [Ganda],” saad ni Wilbert.
Sabi naman ni Bea: “Ako naman, wala naman sa akin. Kasi the more you sakay, the more it will get loud, e. Na parang… alam naman natin lahat kung ano yung totoo.
"Hangga’t hindi siya, a, nage-get out-of-hand, and then why bother, di ba, po?”
Ilan sa pelikulang kasabay ng Pee Mak ang showing ay ang 2 Valid IDs, Street Fighter, The Intern, Whalefall, at Beware Boiuna.
Read: Judy Ann Santos on son Lucho: “Para kang naka-jackpot prize!”
NOEL FERRER
Dito mapapatunayan kung kaya na nina Wilbert Ross at Bea Binene na magdala ng pelikula.
Kaya inaamin nilang kabado talaga silang dalawa.
“Opo naman,” ani Bea Binene.
“Kasi, bukod sa isa siyang pelikula, it’s a very big project. Kasi itong project na ito, it did so well in Thailand, in Indonesia, and now we’re doing it here in the Philippines.
“So, sobrang, sobrang… siguro po yung pressure, parang doble, dahil alam naman natin yung parang film industry ngayon is parang it’s still not consistent, di ba? Hindi pa siya ganun ka-stable, so, number one.
"Plus, number two, is the pressure of course of doing a project like this big ganyan. So, sobrang kabado.”
Sabi naman ni Wilbert: “Kinakabahan po ako ngayon. Very excited, definitely may pressure.”
Tinanong ba nila ang Viva kung bakit sa kanila ipinagkatiwala itong Pinoy adaptation ng Pee Mak?
Sagot ni Wilbert: "I think it all boils down to the management’s decision.
"Siguro the fact na they gave this project to us, that means, pinagkakatiwalaan po kami at nagpapasalamat po talaga kami dun.”
Unang nagkasama sina Wilbert at Bea sa 2024 film na Nokturno.
Nagtambal sila sa mga Viva One series na Golden Scenery of Tomorrow (2025) at Love U Lots (2026).
Abangan natin kung itotodo ng WilBea fans ang suporta nila sa pelikulang ito.
