Halos sampung taon ang inantay ni Gigi de Lana, 27, bago nakamit ang big break niya sa OPM scene.
Sa ginanap na media conference ng G Rules concert, ikinuwento ni Gigi ang journey niya bilang singer at miyembro ng bandang Gigi Vibes.
Taong 2016 nang sumali siya sa "Tawag Ng Tanghalan" (TNT), ang sikat na singing contest ng Kapamilya noontime show na It's Showtime.
Nineteen years old lang siya noon.
“Ang nag-encourage po sa akin na sumali sa 'Tawag ng Tanghalan,' ako lang. Ako lang kasi parang nung time na yun I was sad.
"Kasi ang dami ko na ring napag-audition-an before 'Tawag ng Tanghalan' and hindi rin po talaga ako nakakapasa.
“Sabi ko, 'I think this is the last time na mag-o-audition ako. Kapag hindi ako nakapasa, tatapusin ko studies ko. I don’t know kung ano ang magagawa ko pa.'
"Ayun po. Pero nakapasa po ako, sa awa ng Diyos. Sabi ko, ‘Eto na Mama.’
"Gusto ko lang noon kaya ako sumali sa 'Tawag ng Tanghalan' ay makabayad ng utang," napangiting balik-tanaw ni Gigi."
Noong panahong iyon ay nasa banda na siya na Gigi Vibes, at suportado ng mga kabanda ang pagsali niya sa "Tawag ng Tanghalan."
"Yes po. Para ano, matulungan ang mom ko. Kasi that time, ang dami talaga naming utang para mabayaran.
"Kasi, siyempre, hindi naman po ako laking mayaman. Kami lang ni Mama talaga yung nagwo-work together. Pati po yung ninang ko.”
HUMBLE BEGINNINGS: PRIORITIZING SINGING OVER STUDIES
Ipinanganak siya bilang Mary Gidget Dela Llana sa Olongapo City, Zambales, pero lumaki siya sa Laguna.
Separated ang mga magulang ni Gigi kaya todo-kayod ang kanyang ina na si Imelda, habang kinarir naman niya ang pagiging kontesera.
"Actually, bata pa ako tinutulungan ko na talaga siya. Lahat ng pinapanalunan, pinangbabayad sa school, ng kuryente, bahay, 'tsaka sa ano, sa pagkain namin.
"Actually, marami po akong sinasalihang singing contest. Six years old pa lang po ako kumakanta na po ako.
"More on school contest, barangay contest, sa Laguna po. Taga-Calamba, Laguna po kami. Actually, iba’t ibang lugar din po, e," salaysay pa ni Gigi.
Nasubukan din ni Gigi na sumali sa isang singing contest sa dating QTV11, ang GMA-affiliated TV Channel na ngayon ay kilala bilang GTV.
"Yung pinaka-major po talaga, sumali po ako dati nung bata ako sa Popstar Kids.
"I was seven or eight po ata ako noon, e. Sa Channel 11 po yun. Yung QTV 11 pa po noon. Hindi po ako nanalo. Grand finalist lang po ng Season 2.”
Hanggang nag-college si Gigi ay kumakanta siya.
Naging estudyante siya sa Calamba Doctor’s College at sa Colegio de San Juan de Letran Calamba, pero hindi siya nakapagtapos ng kurso dahil mas naging prayoridad niya ang pagsali sa TNT.
GIGI DE LANA AND HER BAND Gigi VIBES
Sixteen years old, o tatlong taon bago ang TNT stint niya, pinasok ni Gigi ang pagbabanda.
Ang mga kagrupo niya sa Gigi Vibes ay binubuo nina Jon Cruz (musical director, keyboard), Jake Manalo (bass), Julius Traqueña (guitar), at Romeo Marquez (drums).
Ang banda raw nila noon ay panay wedding events ang gigs.
"Nagkakila-kilala kasi kami noon nung nagwe-wedding pa kami. Kasi nagsimula kami sa wedding, ganyan.
"Sa mga debut kumakanta kami. Kumakanta kami sa buhay pati sa patay. Totoo po yun," panimula ni Gigi.
Bilang kontesera siya at sanay sa biritan, ginamay muna ni Gigi ang pagkanta ng standard songs. Ang ama ng guitarist na si Julius. ang nag-train kay Gigi.
"Pero it took two years, e, bago po talaga ako sumalang sa wedding industry, sa mga debut, ganyan.
"Kasi trinain po ako. Kasi po ano, e, wala po akong alam na lumang kanta. Ang alam ko po siyempre pang-singing contest."
Kuwento pa ni Gigi: "Kasi nung time na nakapasok pa lang ako sa mga wedding ang alam ko kasi puro birit.
"Kasi, di ba, nagko-contest ako? Sumasali ako sa mga barangay contest, at saka nasa ano pa ako noon, e, sa ‘Tawag ng Tanghalan.’
"So, kailangan alamin ko yung mga songs na standards, saka yung malumanay lang. Kasi sa wedding hindi ka naman dapat laging bumibirit, e. Kasi hindi rin yun yung mga request."
Magandang training daw sa kanya bilang singer ang mapasama sa banda.
Salaysay pa niya: “Pero nag-grow po ako dito. Ang laki ng growth ko as a person, as an artist, as a singer. And, ang daming learnings sa pakikisama. Kasi siyempre group na to, e.
"Solo artist po kasi ako before. Solo rin po ako kapag sumasali sa mga singing competitions.
"But this time, natuto akong maging patient. Natuto akong maging mapagbigay. And natuto akong makipaghulibilo sa tao."
GIGI VIBES DURING PANDEMIC
Matapos ang TNT noong 2016, hindi pa agad sumalang sa showbiz si Gigi at nagpatuloy siya sa pagbabanda kasama ng Gigi Vibes.
Hanggang sa dumating ang pandemic at nawalan sila ng gigs.
Dito nila sinimulan ang pagla-livestream ng kanilang performances para kahit na may stay-at-home protocol ay visible at kumikita pa rin sila kahit papaano.
"Actually, ang nag-insist na mag-live kami 'tsaka mag-rejoin ay si Jon talaga. Si Sir Jon yung MD namin doon sa Tritone Studios.
"Kasi yun yung binabanggit namin sa live, si DJ John. Sa Tritone Studios, doon kami tumutugtog. Doon sa garahe.
"Actually, bodega pa nga siya nung una, e. Bodega lang. 'Tapos sumunod doon na sa garahe nung medyo nakaka-upgrade na kami."
Hirap pa raw ang Internet connection nila noon.
"Alam niyo ba, kuwento ko lang. Bago pa kami nakabuo ng router or Internet, three weeks ang inipon namin dahil lang sa G-cash ng mga tao.
"Kasi, walang-wala talaga tayo. Halos lahat noon, nung pandemic talaga, lahat bagsak. ‘Tsaka yung music industry talagang bagsak kasi, wala.
"Hindi tayo nagkikita. Puro online tayo. 'Tapos, yung nanonood sa amin mga 15, 100, di ba? 150, ganoon. Yun ang pinakamataas namin.
"Minsan sinu-swerte kami 500 viewers. Marami na yun sa amin."
Hindi pa raw GG Vibes ang pangalan ng banda nila noon kundi Solvent. Bago ang Solvent ay nakilala rin ang grupo bilang Serenata Perspective.
"Ang name namin noon is Solvent. Bakit Solvent? Binali yung soul [as in soul bent]? Nakaka-high? Solvent," nagbibirong hirit ni Gigi.
"'Tapos, kaya kami nagpalit kasi yung Solvent parang hindi rin siya nagki-click. Dahil hindi siya catchy.
"Dahil kapag sinasabi namin siya sa industry, ‘We are Solvent!’ Nagtitinginan sila. ‘Huh? Adik ba kayo?’ Parang ganoon. Hahaha!"
Nag-brainstorming ang grupo para palitan ang pangalan ng banda noong September 24, 2020. Birthday ni Gigi noon.
"So, nag-decide kami on our livestream. Kasi nung nag-live kami nung pandemic parang hindi pa rin siya nagki-click sa mga tao. Online na yun, ha? So, we decided, lahat kami talaga nilagay namin sa paper.
"Actually, sa group chat pa lang nga muna, e. 'Ano yung puwede nating ano?' Ang daming suggestions. Until, ako, nakaisip ako ng name, Kabogera Vibes," lahad ni Gigi.
Pinasok din ng GG Vibes ang game streaming, ang Gidget Game. Dito nagkaideya ang ang banda na gawing Gigi Vibes ang bagong pangalan nila.
Pumatok ang grupo at nakilala sa kanilang livestream gigs.
GIGI'S ENTRY TO SHOWBIZ
Ang dinudumog na livestreams nila ang naging daan para maging online sensation si Gigi at para maging talent siya ng Rise Artists Studio, ang pool of talents ng ABS-CBN na kina-cast sa mga pelikula ng Star Cinema, ang film company arm ng Kapamilya Network.
Mula sa pagkanta, nasali ang singer sa pelikulang Four Sisters Before The Wedding noong 2020.
Hanggang sa kinuha siyang theme song singer para sa Kapamilya teleseryes tulad ng A Family Affair (2022), Broken Marriage Vow (2021), at Viral Scandal (2021).
Sa kabila ng pagkakaroon niya ng break sa OPM scene bilang solo artist, nangako si Gigi na solid kabanda pa rin siya ng Gigi Vibes. Lalo pa't ten years na raw silang magkakasama.
"Never. Hindi ko sila iiwan,” diin ni Gigi.
GIGI ON SPENDING HER EARNINGS FOR MOM'S CHEMOTHERAPY
Ayon pa kay Gigi, ang Gigi Vibes ang nagbigay sa kanya nang sapat na kita para mapagamot ang inang may sakit.
"Actually, ang binibigay ko po sa kanya ngayon is ano, hospital. Kasi po meron po siyang stage four breast cancer now.
"As much as I can, lahat ng pagpapagamot sa kanya. Kahit anuman gagawin ko para mabigay sa kanya yung kailangan niya.”
Kuwento pa ni Gigi, "Nagpa-check-up po siya. Tapos sinabi niya sa akin na meron siyang stage two [breast cancer], and then, lumala po.
"Kasi nung time na yun talaga, sa totoo lang, hindi malaki ang kita namin. Kita ng banda, kita in general po.
"'Tapos po nagka-pandemic. Doon po nag-struggle po talaga ako. I was... Umaatake po ang anxiety.
"And siyempre, as an, only daughter, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. It was devastating for me.
"And I can’t handle my feelings nang sobra, nang tama. I can’t take it properly."
Noong panahon daw na iyon nagsimulang mag-livestream ang Gigi Vibes.
"Nakaisip kami, ang Gigi Vibes and yung director-producer ng Gigi Vibes, nakaisip siya na, 'What if mag-live tayo?’
"Si Jon, si Romeo, silang dalawa yung nag-isip, sila yung nagsimula ng live streaming. And sila rin yung nag-push sa amin na ituluy-tuloy yung live steaming.
"And nung nagla-live streaming kami, naisipan din naming mag-fundraising para kay Mama. Sa Facebook Live and YouTube po kami nag-live streaming.
"At may time na Facebook Live lang. And, hindi namin in-expect na ganoon ang mangyayari.
"Ang dami pong mabubuting-loob. Kahit po pandemic tumutulong sila.
"Sobrang laking tulong po sa Mama ko. Napa-chemo ko siya, napaka-check-up ko siya sa mga doktor. Ang dami pong nagawa.
"Sobra akong nagpapasalamat sa kanila kasi hindi nila kami iniwan hanggang ngayon nandiyan sila.”
Kumusta na ang mama niya?
"Masaya po siya sa career ko. Pero sana ano, gumaling na si Mama. Kasi, ano, nakikita ko nag-i-struggle siya talaga.
"I decided to cut my hair, sinabi ko na lang new look. Pero ang mama ko ang dahilan bakit ako nagpa-cut ng hair.
"Nagpapa-chemo siya ngayon. Ang gusto ko masabayan ko siya sa journey niya."
Kahit sa simpleng paraan ay gusto raw ni Gigi maipadama sa ina ang pagdamay niya rito.
“Actually, dapat nga magpapa-boy cut ako. Lahat naman ng girls, bagay ang long hair. It’s our crowning glory talaga.
"I didn’t tell my mom the reason I cut my hair short. Siya kalbo na.
"She was always into self-pity. Ayokong malaman niya. She might say, ‘Sana hindi mo na lang ginawa.’ Baka kaya napangitan ang mga tao, kasalanan ng mom ko.
“I am still an artist and a singer. But even if I’m not, magpapakalbo pa rin ako. I just want to say that whatever your choice is, you are still beautiful inside and out.”
GIGI'S SONGS ON SPOTIFY AND UPCOMING CONCERT
Ang self-titled debut album ni Gigi ay nakakuha ng mahigit 3.9 milyong streams sa Spotify noong 2022.
Tampok sa kanyang self-titled album ang hit song na “Sakalam” at “O Bakit Ba.”
Kasama rin sa album na inilabas sa ilalim ng Star Music ang ilang soundtrack kabilang ang “Akin Ka Na Lang” mula sa serye ng ABS-CBN na A Family Affair, “Sa Dulo” mula sa The Broken Marriage Vow, at “Nasa 'Yo Ako” mula sa Viral Scandal.
Nakapaloob din sa album niya ang version niya ng sikat na kanta ni Roselle Nava, ang "Bakit Nga Ba Mahal Kita."
Nakarating na kay Gigi ang pagnanais ni Roselle na maka-duet siya.
“Yes po,” pagsang-ayon niya. “Uh, gusto ko rin pong mangyari yun."
Samantala, tampok si Gigi at Gigi Vibes band sa G Rules concert, na magaganap sa The Theater at Solaire sa Pebrero 18, 2023, Sabado, at 8 p.m.
Kasunod ito ng tagumpay ng kanilang Domination concert tour noong 2022 sa Manila, Middle East at U.S. si Gigi.
"Actually, we wanted it to be as intimate as possible, It will be something new, our show will feature mixed emotions, at siyempre hindi mawawala ang kulitan. "
Ang G Rules concert ay handog ng ABS-CBN Events at Solaire Resort Entertainment City.
Ang mga tiket ay nagkakahalaga ng PHP6,480 (SSVIP), PHP5,400 (SVIP), PHP3,780 (VIP), PHP3,240 (gold), PHP2,160 (lower balcony), at PHP1,620 (upper balcony) na available sa ticketworld.com. ph at Solaire Box Office.
