Malaking blessing para sa Sparkle artist na si Kokoy de Santos ang mapabilang sa pitong masuwerteng Filipino stars na napili para makasama sa Running Man Philippines, na collaboration ng GMA-7 at SBS ng South Korea.
“Lucky seven, feeling ko,” ang umpisang bulalas ni Kokoy bilang pagtukoy sa kanila nina Mikael Daez, Glaiza de Castro, Angel Guardian, Lexi Gonzales, Buboy Villar at Ruru Madrid na mga “runners” sa naturang adaptation ng sikat na Korean television show.
“Kasi, hindi naman, wala naman talaga nag-expect sa aming pito for sure… lucky seven, pito tayo, e.
“And surreal, iyan pa rin ang pakiramdam hanggang ngayon.
“At siguro excited pa rin na sana, abangan ng lahat yung Running Man.”
During the face-to-face mediacon ng Running Man Philippines sa Lugang Café sa Robinson’s Manila nitong Sabado, August 27, 2022, isa sa mga naitanong kay Kokoy ay kung ano ang most unforgettable experience niyang maituturing habang nagte-taping sila sa Seoul.
“Siyempre bukod po dun sa experience namin habang sinu-shoot yung Running Man, yung mga 'ganaps' namin pag break time. Siguro hindi ko na maiisa-isa pero iyon.”
Nagbigay siya ng isang memorable experience: “Kape! Iyon siguro, pag nagkakape kami.”
Si Mikael ang laging ka-coffee date ni Kokoy dahil pareho silang mahilig magkape.
LOVE BLOOMS FOR KOKOY IN SOUTH KOREA?
Speaking of date, natanong naman si Kokoy kung nagkaroon ba ng ligawan sa pagitan nila ng co-runner niyang si Angel habang kapwa sila nagte-taping.
“Madalas po kaming naliligaw kasi hindi namin kabisado dun, e,” ang pakuwelang hirit ni Kokoy. Hindi po kasi namin kabisado kaya madalas kaming naliligaw.
“Kaso pag matagal nililigaw ko na din si Angel, nililigaw ko para masolo ko siya!"
Saka mas naging seryoso ang kanyang tono, “Wala naman po. Love ko lang talaga itong si Angel.”
Nang tanungin naman si Angel kung love rin niya si Kokoy, ang sagot ng dalaga ay, “Same po.”
Love rin niya si Kokoy?
“Oo naman, as a special friend,” bulalas ng dalaga.
Mapapanood na ang Running Man Philippines sa GMA-7 simula sa September 3, Sabado, 7:15 p.m., at tuwing Linggo, 7:50 p.m.
GUESTING ON MAGPAKAILANMAN SOON?
Samantala, tinanong din si Kokoy kung kailan siya muling mapapanood sa Magpakailanman lalo pa nga at maraming requests na muli siyang mag-guest sa naturang drama anthology mula noong mapanood siya sa "The Blind Runner: The Mark Joseph 'Aga' Casidsid Story" episode noong March 5, 2022.
“Gustung-gusto ko na nga po,” sagot sa amin ni Kokoy. “May mga inquiries nga po, kaso nasabay sa Running Man, pero ipinagdadasal ko po na magkaroon ako ng chance na makagawa ulit ng Magpakailanman, iba po ang feeling makapag-guest sa MPK,” sambit pa ni Kokoy.
Ang naturang Magpakailanman episode ni Kokoy noong Marso ay nakapagtala ng rating na 12%, base sa preliminary/overnight data ng Nielsen Philippines para NUTAM People Ratings.
