Magkakasamang mapapanood muli ang tatlong Sang'gres ng Encantadia na sina Gabbi Garcia, Kylie Padilla, at Sanya Lopez sa bagong mythical mega-serye na Ang Mga Lihim ni Urduja.
Umere ang pilot episode ng bagong prime-time series ng GMA-7 noong Lunes, February 27, 2023.
Unang ipinakita ang libro ng Mga Lihim ni Urduja sa finale episode ng Maria Clara at Ibarra, isa sa mga biggest prime-time hits ng Kapuso network na based sa mga libro ni Gat Jose Rizal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo.
Tulad ng dalawang libro, fictional lang din ang kuwento ni Urduja, at kina-classify ng GMA-7 ang Mga Lihim ni Urduja bilang isang mythical prime-time series.
At ang tatlong Kapuso actress na nagmula sa fantaserye na Encantada ang maaring paghugutan sa bagong serye nilang ito pagdating sa "women empowerment."
GABBI GARCIA
ROLE
Sa pagiging si Alena, ang taga-pangalaga ng brilyante ng tubig sa Encantadia, tampok ngayon si Gabbi sa Mga Lihim ni Urduja bilang si Crystal Posadas, isang entrepreneur at jewelry designer at magiging isa sa taga-pangalaga naman ng pitong hiyas ni Urduja.
NOTABLE TV SHOWS
Ika-10 taon ni Gabbi ngayon sa industriya.
Nagsimula siya bilang commercial model, at nagsimula ang kanyang acting career sa GMA-7 nang ma-feature siya sa mga programang My Destiny at InstaDad noong 2013.
Ipinareha si Gabbi kay Ruru Madrid, at ang kanilang tambalan ay naging isa sa promising love teams ng Kapuso network.
Mula InstaDad hanggang sa mga teleserye na Let the Love Begin, Naku, Boss Ko!, at Encantadia ay nakilala ang love team nila.
Pero sinasabing sa Encantadia pa lang, nagkakaroon na ng ilang isyu sa reel at real tandem nina Gabbi at Ruru.
Sa kabila ng mga isyu, naging tampok pa rin ang dalawa sa Sherlock, Jr.
Pero nang mamatay ang karakter ni Gabbi na si Lily, tila naging hudyat na rin ito ng pagwawakas ng love team nila ni Ruru, both on and off screen.
Bukod sa iba pang teleserye ng GMA, nabigyan si Gabbi ng iba pang shows kung saan naipakita niya ang kanyang hosting skills. Nakilala rin siya bilang isa sa mga global endorser artists ng Kapuso network.
Sa pagwawakas ng love team ni Gabbi kay Ruru, naging mas open naman ang aktres sa relasyon nila ni Khalil Ramos. Sa ngayon, silang dalawa na ang ipinapareha ng GMA, at ang huling proyektong pinagsamahan nila ay ang Love You Stranger.
Sa nakaraang interview ni Gabbi, ipinagmamalaki niya ang laki ng production value ng Mga Lihim ni Urduja, mula sa cast at sa mga directors nila.
KYLIE PADILLA
Si Sang’re o Reyna Amihan sa Encantadia ay si Gem Davino naman ngayon sa Mga Lihim ni Urduja.
Kung dati ay taga-pangalaga ng brilyante ng hangin ang karakter ni Kylie, sa bagong serye ay gumaganap siya bilang isang career-driven rookie police officer na may pagka-idealistic and uptight. Siya ay magiging tagapangalaga ng pitong hiyas ni Urduja.
ROLE
Naniniwala si Kylie na malaki naman daw ang kaibahan ng Mga Lihim ni Urduja sa Encantadia.
Ayon kay Kylie, "Ginampanan ko na before ang warrior princess, malaking bagay ito para kay Urduja, pero iba ang timpla ng Encantadia sa Urduja at iyan ang dapat abangan.”
Sa tanong kung saan siya mas nahirapan, sinabi ni Kylie, “Iba kasi ang combat, wala akong hawak—well, minsan, may hawak ako. Nakakapagod, pero nakita niyo naman, maganda ang kinalabasan.
"Saka, I’ve been waiting so long for an action project that will really give me a good one, so happy ako na ito ang napunta sa akin.”
NOTABLE TV SHOWS
Labing-limang taon na rin si Kylie simula nang ipakilala siya sa Carlo J Caparas’ Joaquin Bordado, ang 2008 teleserye ng kanyang amang si Robin Padilla.
Dito ipinakita ni Kylie na sa mga anak ni Robin, wala sa kasarian, pero siya pala ang Binoe Jr. pagdating sa action.
Marami na ring pinagbidahan at tumatak na serye ni Kylie simula nang pasukin niya ang pag-aartista. Kabilang na rito ang Blusang Itim (2011), The Good Daughter (2011), Adarna (2013), Encantadia (2016), Bolera (2022), at iba pa.
Naging makulay ang propesyonal at personal na buhay ni Kylie.
Pagdating sa personal, matagal naging laman ng balita ang on-and-off na relasyon nila ni Aljur Abrenica. Nag-umpisa ang dalawa bilang sweethearts noong 2011 hanggang sa magkaroon ng dalawang anak. Nagpakasal sila noong 2017, at ngayo’y tuluyan na ring naghiwalay.
SANYA LOPEZ
ROLE
Mula sa pagiging dating taga-pangalaga ng brilyante ng tubig at lupa sa Encantadia, gumaganap si Sanya sa Mga Lihim ni Urduja bilang si Hara Urduja, isang mystical warrior queen at pinuno ng palaban ng mga kababaihan.
Sabi ni Sanya, “Noong binigay sa akin ito, na-surprise lang din po ako na, ‘Uy, kasali pala ko rito sa Mga Lihim ni Urduja.'
"Na-excite ako kasi, lahat ng mga taong makakasama ko rito, of course, nandito si Gabbi, si Kylie, yung mga nakasama po namin sa Encantadia… itong Urduja, mahalaga po sa akin dahil ibang klase siya at magandang role para sa akin.”
Sa ngayon, consistent si Sanya sa pagsasabing nagpapaligaw siya, pero wala pa talaga siyang nakaka-relasyon. Kaya pinapangatawanan niyang “N.B.S.B” pa rin siya, o "No boyfriend since birth."
TV SHOWS
May aral na naibigay sa mga manonood si Sanya.
Noong taong 2016, nang siya ang napili na mag-remake sa orihinal na role ni Diana Zubiri bilang si Sang’re Danaya, marami ang napataas ang kilay at nagdududa sa kakayahan niya.
Pero the rest is history para kay Sanya, na ilang taong naging co-host ni German Moreno sa Walang Tulugan.
Pagkatapos niyang magampanan si Sang’re Danaya, sunud-sunod na lead roles na ang ginawa ni Sanya. Pero ang First Yaya at First Lady hit prime-time series ang talagang nag-establish kay Sanya bilang isa sa mga importanteng Kapuso leading ladies.
Ang isa sa inaabangan ngayon ay kung kaya talaga ng Mga Lihim ni Urduja na maging isang tunay na “mega-serye,” lalo na pagdating sa magiging pagtanggap ng mga manonood.
Bukod sa katapat nito ang teleserye na Batang Quiapo, malaki rin ang naitalang tagumpay ng susundan nilang prime-time series na Maria Clara at Ibarra.
Pero kung ang kapangyarihan ng pagsasamang muli ng tatlong Sang‘gre ang pagbabatayan, at ngayo’y ang mga hiyas ni Urduja ay nasa kanilang pangangalaga, hindi malayong tangkilikin ng mga manonood ang serye para malaman ang misteryo ng lihim ni Urduja.
