JERRY OLEA
Babangon ba sa hukay si Dr. Jose Rizal dahil sa mga pagbabago ng kuwento ng mga nobela niyang Noli Me Tangere at El Filibusterismo kumpara sa Kapuso primetime series na Maria Clara at Ibarra?
Read: Maria Clara at Ibarra's X factor: great storytelling, stellar cast, big-budget production
Paliwanag ng Kapuso writer na si Suzette Doctolero sa Facebook: “Ang Maria Clara at Ibarra ay reimagined, mula sa mga nobela ni Rizal. At dahil may disruptor na nakapasok sa kuwento, si Klay [Barbie Forteza], kaya may mga mababago talaga siya.
“Gaya sa nagbagong mind set ni Maria Clara [Julie Anne San Jose], na hindi na babaing sunud-sunuran na lang (na siyang gusto ko rin talagang gawin, noon pa hahaha). At marami pang iba..(at may mga darating pang iba).
“Pero magagalit ba si Dr. Jose Rizal? Babangon ba’t kami ay aawayin? Sa palagay ko ay hindi. Kaya walang dapat ipag alala.
“Kasi hindi namin binago kailanman ang diwa’t esensyang mapagpalayang tema ng libro. At sa halip ay itinanghal pa.
“Gaya sa pinag uusapang speech ni Ibarra noong nakaraang ep, bagamat hindi iyan naganap sa nobela pero hindi imposibleng mangyari.. given the characterization of Ibarra."
Ang tinutukoy ni Suzette ay ang nakakaantig na "Dinggin niyo kami" speech ni Ibarra (Dennis Trillo) sa mga taga-San Diego na dumalo sa Misa de Gallo sa simbahan.
Read: Dennis Trillo, muling ipinamalas ang husay bilang aktor sa Maria Clara at Ibarra
Patuloy ng Kapuso screenwriter, “Isa pa, kung aanalisahin lang sana, hindi ba’t ang laman ng speech ni Ibarra ay siya mismong buod at buong diwa ng Noli?
“Hindi ba’t ang kanser ng lipunan ay mula rin naman kay Rizal? Kaya bakit magagalit ang dakilang bayani, kung itinampok pa nga’t inilapit ng Mcai sa puso ng mga makabagong Pilpino ang kanyang mga libro?
“Sa ganitong punto, baka dapat ang ibang guro ay maging bukas rin… ? Lumabas sa kahon at tanggapin na ang manunulat ay nagkukuwento at nagdidiskurso ng mga paksa, hindi page by page lifted from the original source, kungdi sa simple at malikhaing paraan para higit na mauunawaan ng manonood ang mga ideya, nang hindi kauumayan at kababagutan ang kwento?
“Baka may matutunan lang rin ang ibang mga guro, para ang ibang mag aaral ay tunay na magka interes muli na basahin ang libro (at huwag gayahin si Klay na nandaya lang haha).
“Kami ay manunulat, sir, hindi namin trabaho ang tungkulin ninyo na ituro ang Noli at Fili sa mga bata. Kaya huwag kaming panagutin, kung ika ninyo ay baka may mga batang mag akala na ang Mcai mismo ang tunay na laman ng Noli at Fili. Ang pagtuturo at pagtutuwid ukol riyan ay… trabaho ninyo.
“Ang aming tungkulin ay iinspire ang mga tao, na magka interes muli na balikan at basahin ang mga akda ni Rizal… at yan sa palagay ko ay amin namang nagampanan.
“Hindi rin ako kaaway, nagbibigay linaw at paliwanag lang.”
Ang TV series na Maria Clara at Ibarra ay pinangungunahan nina Barbie Forteza, Julie Anne San Jose at Dennis Trillo.
Kabilang sa cast nito sina Tirso Cruz III, Rocco Nacino, Andrea Torres, Juancho Trivino, David Licauco, Lou Veloso, Juan Rodrigo, Ces Quesada, at marami pang iba.
NOEL FERRER
Bunsod iyan ng comment ng isang "Lakandupil Garcia" na hindi raw accurate ang ipinapalabas ng programang Maria Clara ti Ibarra, na rightfully sinagot naman ng creative head nitong si Suzette Doctolero.
May isa pang opinyon si Jamyl Apolinario na ang sabi, “Artistic license ng mga manunulat ng MCI ang pagdagdag ng kaganapan sa orihinal na likha ni Jose Rizal.
“Nilagyan ng aplikasyon ng mga manunulat ang punto at ipinaparating ng Noli Me Tangere na lumaban sa pang-aabuso ang mga Pilipino sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol.
“Mas nakakabahala at nakakabagabag ang magkaroon ng mga propesor o mga guro na hindi kayang magturo ng critical thinking sa kanilang mga estudyante at ikinukulong lang ang thinking development sa gustong mangyari ng mga propesor.
“Sabagay, iisa lang naman ang common ground ng mga katulad ni Prof Lakandupil Caparanga Garcia na ayaw sa katotohanan — ang pagiging historical revisionist at enabler ng mga Marcos.”
Nagpapasalamat si Doc Lakandupil sa mga bashers. Nagpainterbyu pa nga siya at ni-repost pa niya sa kanyang FB account. Ano kaya ang mapapala niya rito?
GORGY RULA
Maganda ang ganitong involved ang mga manonood at sumasali sa balitaktakan sa seryeng ito ng GMA-7.
Sa totoo lang, noong nagsimula pa lang ang Maria Clara at Ibarra, expected na nating may mababago sa takbo ng kuwento, dahil sa pagpasok ng karakter ni Barbie Forteza na si Klay.
Ang mahalaga ay naihatid ng Maria Clara at Ibarra ang tamang mensahe sa mga manonood. Iba lang ang approach para makuha ang interes ng lahat na manonood, lalo na yung mga walang tiyagang pag-aralan ang ating kasaysayan.
Tweet ni Suzette nitong Enero 9, Lunes ng gabi, “Yes, political ang Noli. Maski ang speech ni Ibarra ay napapanahon. Pero huwag sana itong pagmulan nang lalo pa nating pagkakawatak-watak, o nang sisihin kung sinong ibinoto o hindi.
“Anuman ang kulay, hindi tayo magkakaaway. Dapat tayong mamamayan ay magkakapanalig laban sa anumang uri ng corruption o pananamantala — ibinoto man natin o hindi, nakaluklak man o hindi.
“Uulitin ko, hindi tayo magkakaaway, ang Mcai ay narito para pagkaisahin tayong lahat, kasi hindi tayo ang magkaka away. At hindi dapat mag away away.
“Matuto tayong lahat sa lessons ng nakaraan, na pinaghahati hati tayo, matuto sa mga libro ni Rizal. Tama na ang sisihan, ang panlalait sa isa’t isa, walang Pilipino ang nais ipahamak ang bansa, lahat tayo ay naghahangad ng ikakabuti nito kaya yan ang pagkakapare-pareho natin.
“Iisa tayo. Kahit magkakaiba ng paniniwala. Hindi tayo ang magkakalaban. Hindi tayo ang dapat magkaka away. Walang mas nakakataas, walang dapat maging mapagmataas. Iisa tayo.”
Sa susunod na buwan ay muli nating gugunitain ang EDSA People Power Revolution. Ito ang dapat na pag-aralan ng mga kabataan base sa mga naisulat noon, ang kuwento ng mga nakasaksi at nakibahagi sa EDSA.
Hindi sa pelikulang napanood nila na talagang binago at inilihis ang kuwento ng tunay na mga pangyayari.
