Sobrang proud si Senator Robin Padilla sa nakamit na karangalan ng kapatid na si BB Gandanghari sa pagtatapos nito ng kolehiyo sa Amerika.
Nagtapos si BB ng kursong Bachelor of Science in Entertainment Business sa Los Angeles Film School noong July 11, 2025.
Hindi lang basta nag-graduate si BB dahil nagtapos siyang summa cum laude sa kanilang batch.

Read: BB Gandanghari graduates summa cum laude from LA Film School
Sa pamamagitan ng kanyang Facebook account kahapon, July 13, 2025, nagpaabot ng kanyang pagbati si Robin sa kapatid.
Ipinagmamalaki raw niya ang kasipagan at determinasyon ni BB para maabot ang kanyang pangarap.
Buong post ni Robin: "Isang taos-pusong pagbati sa aking kapatid na si BB Gandanghari na nagtapos bilang Summa Cum Laude sa Filmmaking.
"Sobrang proud at humahanga ako sa iyong sipag at determinasyon para abutin ang iyong pangarap. Saludo ako sayo! Mabuhay ka! BBGandanghari"
ROBIN PADILLA, BB GANDANGHARI RECONCILIATION
Noong December 2022 ay napabalitang nagkapatawaran at nagkaayos ang magkapatid na Robin at BB.
Nag-ugat ang hidwaan dahil sa masasakit na tirada na pinakawalan ni BB laban kay Robin at iba pang kaanak sa pamamagitan ng vlog nito noong 2020.
Sunud-sunod noon ang mga birada ni BB laban kay Robin, at idinawit din niya ang misis ni Robin na si Mariel Padilla.
Naglabas din noon ng sama ng loob si BB sa kanyang pamangking si Daniel Padilla.
Hindi rin nagpaawat si BB sa pagresbak sa celebrity at media personalities gaya nina Ai-Ai delas Alas, Ogie Diaz, Lolit Solis, at Cristy Fermin.
Ang mga maaanghang na pahayag ni BB ay may kinalaman sa pagpuna sa kanya ng mga nasabing personalidad sa paglabas ng hinanakit niya sa pamilya.
Nauwi pa ito sa pag-ungkat ni BB ng mga galit niya kina Ai-Ai, Ogie, Lolit, at Cristy sa nakaraan noong siya pa si Rustom Padilla.
Pero binawi lahat ito ni BB at humingi ng patawad sa pamamagitan ng kanyang January 1, 2021 vlog, o halos isang taon na ang nakalilipas.
Sabi ni BB noon: “I wanna apologize, I wanna have that chance na to express better why I reacted that way, or bakit lumabas yung mga words na hindi dapat, because it’s hurtful.
“And then I realized na sometimes honesty is not enough.
“Sometimes no matter how honest the words are, it is better to keep it to yourself.”
Read: BB Gandanghari returns to the Philippines after 7 years
Tungkol naman sa kapatid na si Robin, "Alam ko may mga nasabi ako na puwedeng hanggang ngayon puwedeng nakasakit sa pamilya niya.
“Alam ko nakasakit sa pamilya niya, nakasakit sa kanya, nakasakit sa asawa niya.
“Pinagsisisihan ko lahat iyon. I shouldn’t have said anything.
“Kung puwede ko lang burahin… kasi I think it’s really unfair.”
