Buhay na buhay ang social media ngayong 2022 dahil sa viral stories galing sa iba-ibang panig ng bansa.
Ang ilan sa mga ito ay nasubaybayan ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) mula sa paglabas ng mga post sa social media hanggang sa nag-viral at umani ng sari-saring reactions mula sa netizens.
May nakakatawa, nakakaasar, nakaka-inspire, at nakaka-amaze.
Pero mas lamang ang nakaka-good vibes. Katunayan lamang na mas kinagigiliwan ang mga positibong istorya na hatid ay tuwa at ligaya.
Tulad na lamang ng mga kuwento tungkol sa funny punchlines na nakita sa written works ng mga estudyante, caramel cake na sinulatan ng mala-nobelang dedication, at retired Philippine Science High school teacher na ang bagong classroom ay ang kalsada.
Narito ang kabuuan ng sampung viral stories na naitampok at napansin ng maraming PEP.ph readers.
Funny punchlines ng mga estudyante
Ilang witty na hirit ng mga estudyante sa test papers, workbook, at iba pa ang nag-viral at talaga namang pinag-usapan.
Sinasadya man nilang magpakuwela o hindi, walang duda na na-entertain ang publiko sa mga kuwentong ganito.
Nariyan ang “Excuse Later” ng isang Cebuanong nagpapaalam sa kanyang guro dahil sa dadaluhang birthday party ng kanyang pinsan.

Mayroon ding heartwarming exchange sa pagitan ng isang estudyante at ng kanyang guro.
Ang bata ay nagsulat ng “Hindi ko po alam” sa kanyang test paper, to which the teacher replied, “ok nak... Aralin natin ulit. Salamat sa pagiging honest [smiley].”
Humakot din ng samu’t saring reaksiyon ang post ng gurong si “Sir Mel” tungkol sa kanyang pilyong estudyante na dinugtungan ng “tayu” ang word na “date” sa papel kaya naging “date tayu." Sinagot naman ito ni teacher ng: “mag-aral ka muna.”
Kinagiliwan din ng mga netizens ang sagot na “WATATAT” ng isang estudyante sa kanyang Filipino workbook.
Marami sa kanila ang nagsabing tama lamang ito dahil ang jumbled letters sa exam ay “TAWTATA” ang nakasulat. Kapansin-pansing kulang ng isang letter “W” at sobra naman ang letter “T.”
Read: VIRAL: "Excuse later" at iba pang funny bloopers ng mga estudyante
Caramel cake na may nobelang dedication

Dedication na may kaunting cake—iyan ang kinalabasan ng isang 10 x 14 inches caramel cake gawa ng Pasteleria Manila, isang home-based bakery na matatagpuan sa Project 8, Quezon City.
Ang mala-nobelang mensahe ay isinulat gamit ang iba’t ibang makulay na icing.
Pinuri at pinagkaguluhan ng netizens ang “viral cake” nang i-post ito sa Facebook page ng bakery noong November 22, 2022 bilang paanyaya sa mga customers nito na huwag mahiyang maglagay ng mahabang dedication dahil kaya nila itong isulat sa lahat ng sulok ng cake kung kakailanganin.
Paghanga at papuri ang inani ng Pasteleria Manila mula sa netizens, hindi lamang para sa kakaibang ideya kundi pati na rin sa effort.
Marami din ang nagpasaring na gusto nila ng “cake na may essay” sa mga susunod nilang okasyon.
Kuwento ng may-ari ng bakery na si Ms. Ces Lopez sa PEP.ph noong November 23, 2022, nagsimula lamang sa challenge ang lahat, bunsod ng mga customers na hindi masiyahan sa isa o dalawang sentence na dedication.
Kalaunan ay nagpahabaan sila ng dedication hanggang sa nakuhang mapuno na nga ang buong cake.
Walang extra charge ang pagpapa-sulat ng mala-nobelang mensahe sa kanilang mga cakes.
Read: Caramel cake na “1% cake at 99% dedication,” pinagpiyestahan ng netizens
Mula Pisay hanggang kalsada, di huminto ang retiradong guro

Kapuri-puri si Lolo Delfin, isang retiradong guro na 37 years nagturo sa Philippine Science High School, dahil hindi ito humihinto sa paglinang ng kaisipan ng mga kabataan.
Nagsimula ang kanyang Eskwelahang Munti sa isang kalsada ng Sta. Ana, Manila noong March, 2022, isang taon matapos siyang permanenteng magretiro.
Nilapitan umano siya ng mga bata sa kanilang lugar at humiling na turuan niya ang mga ito.
Ayon nga mismo kay Lolo Delfin, “Teachers never grow old.”
Muli siyang nag-prepare ng lesson plan sa subjects na Math, Science, at English. At dahil medyo lumuwag na ang mga pandemic restrictions, halos araw-araw ang kanilang pasok, maliban na lamang kung umuulan.
Naghikayat din ang matandang guro sa mga kakilala na mag-donate kahit lumang school supplies upang magamit ng mga bata.
Paghanga naman ang isinukli ng netizens kay Lolo Delfin, lalo na ang mga dating estudyante na pumuri hindi lamang sa kanyang pagiging “Best Physics teacher ever” kundi maging sa kanyang adbokasiya.
Read: Meet Lolo Delfin, retired Pisay teacher na nagtuturo sa kalsada: “Teachers never grow old.”
Licensed engineer, nagbago ang buhay dahil sa viral post

Hindi lamang basta papuri kundi maraming job opportunities ang natamo ng isang helper/welder sa isang industrial company nang mag-viral ang post ng kanyang katrabaho noong October 18, 2022.
Ang helper na si Virgilio Reyes Jr. ay isa palang licensed electrical engineer at registered master electrician.
Napilitan siyang patusin ang trabaho dahil sa kawalan ng oportunidad.
Maraming beses na umano siyang nag-apply ngunit nabigo siyang makakuha ng akma sa kanyang tinapos dahil na rin sa kawalan ng work experience.
Ngunit mabilis na nagbago ang kanyang buhay nang madiskubre ito ng kasamahan na si Jensen Sunga.
Agad nitong ipinost ang larawan ni Virgilio, kalakip ng kanyang license IDs, upang humingi ng tulong na hanapan siya ng trabaho sa mga construction companies.
Agad nag-viral ang panawagan at nakatutuwang hindi lamang job offers ang bumuhos kundi maging cash donations.
Sa huli ay nagdesisyon ang engineer na tanggapin ang inalok na bagong posisyon ng kanyang current employer.
Sa kabila nito ay abut-abot ang kanyang pasasalamat, lalo na kay Jensen, sa pagbubukas ng oportunidad upang makapagtrabaho ayon sa kanyang natapos na kurso sa kolehiyo.
Read: VIRAL: Namasukang helper, isa palang licensed engineer; dami niya ngayong job offers!
Belat photo ni First Lady Liza Araneta-Marcos

Agaw-eksena ang First Lady sa inauguration rites ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong June 30, 2022 sa National Museum.
Na-capture kase ang kanyang pagbelat sa kagitnaan ng programa.
Paliwanag ng entertainment writer na si Joe Barrameda, isang malapit na kaibigan ng First Lady, nangyari ang pagbelat o paglabas ng dila sa oath-taking ceremony bilang reaksiyon nito sa mga kumakantiyaw sa kanya.
Ito aniya ay katunayan na hindi pa rin nagbabago ang ugali ng asawa ng pangulo.
Nailathala ang pahayag ni Barrameda sa article na lumabas sa PEP.ph noong July 1, 2022.
“Simple pa rin si Liza. Mabuti nga, hindi nagbabago ang kanilang mga ugali.
"Nakalimutan yata nila na First Family na sila kaya normal na normal ang kilos ng kanilang pamilya.”
Sa kabila nito, matinding batikos ang inabot ng First Lady at ng kanyang inasal, hindi lamang mula sa mga ordinaryong netizens kundi maging sa mga sikat na celebrities.
Isa sa mga nagpahayag ng labis na pagkadismaya ay ang writer/director/actor na si Manny Castañeda who wrote in a Facebook post: “Nakaka-irita syang panoorin during the inauguration.
“Chit chatting during the invocation was deplorable. Making faces with the crowd/friends, disgusting. We all know she is an Araneta pero bakit parang wala syang breeding?”
Read: Ano ang istorya sa likod ng viral "belat" photo ni First Lady Liza Araneta-Marcos?
Pagsugod ng buong barangay sa isang kasalan

Expected na ang maraming bisita sa kasalan, pero paano kung isang buong barangay ang sumugod sa reception?
Ang reaksiyon sa sitwasyong ito ay na-capture sa isang trending Tiktok video ng isang bride sa Davao City!
Bakas ang nerbiyos sa mukha niya dahil sa dami ng bisita. Naglabas pa ito ng malalim na buntong-hininga, namilog ang mga mata, at napahawak pa sa kanyang tagiliran.
Kaya naman aliw na aliw ang mga netizens at umani ito ng mahigit five million views.
Ayon sa wedding and events organizer na si Vonric Layese na siya ring nag-upload ng video, abut-abot ang kaba ng bride dahil lagpas sa inaasahang bilang ng mga bisita ang dumating sa kanilang kasal.
Siksikan ang mga ito sa buffet table habang isinasagawa ang First Dance ng couple, sa hiling ng mga magulang ng bride na magpakain muna ng mga bisita bago ituloy ang programa.
Mabuti na lang, sa dami ng handa ay napakain naman at nabusog ang lahat.
“At ang iba ay may nabaon pa,” dagdag pahayag pa ni Vonric sa PEP.ph.
Read: VIRAL: Bride sa Davao City, kinabahan sa pagdating ng “buong barangay” sa kasal
Bihis-anghel ng call-center agent

Pak na pak ang pag-awra ng isang call center agent sa Cebu City sa kanyang pagbibihis-anghel para sa isang office affair.
Pinuri ang effort ni Edlester Velasco, nagtatrabaho bilang complaints specialist sa isang BPO (Business Process Outsourcing) company.
Aniya, bahagi ito ng “Dress Up Your Chair” contest para sa celebration ng Customer Service Week sa kanilang office.
Ang upuan lang umano ang kanilang bibihisan bilang anghel, pero dahil tumutumba ito kapag ikakabit na ang pakpak, napagdesisyunan ng team na kay Edlester na lamang isuot ang costume at nag-pictorial na rin.
Ilan sa pictures ay nag-viral at pinagpiyestahan ng netizens, lalo na ang window shot, kung saan nasisinagan ng araw ang kanyang mga pakpak.
Read: VIRAL: Call-center agent na nagbihis-anghel, talo sa contest, winner sa social media!
Viral blind date ng pekeng pulis at totoong policewoman

Ibang level ang pagpapasikat ng isang lalaki sa kanyang blind date, at humantong pa ito sa presinto.
Ang siste, nagpanggap na pulis ang lalaki, suot ang isang official uniform.
Nakalaboso ang lalaki dahil ang kanyang ka-blind date ay isa palang totoong policewoman.
At dahil nakasaad sa batas na may parusa ang sinumang magsusuot ng uniporme ng isang public officer sa maling paraan, sa presinto humantong ang dapat sana’y nabuong pagtitinginan ng dalawa.
Nag-viral at paulit-ulit na na-share ang Facebook post ng policewoman tungkol sa insidente na dinugtungan pa niya ng hashtag na #kiligtothebars.
Ang mugshot ng lalaki ay may petsang February 1, 2021, kaya halos dalawang taon na nang mangyari ang insidente, pero kalat na kalat pa din ito sa social media.
Bagamat hindi na searchable ang post, maging ang account ng sinasabing policewoman, ayaw paawat ng netizens sa kanilang comments.
May mga nagbitaw ng punchlines, jokes, at hugot. Habang ang iba naman ay nagbigay ng seryosong payo na sana’y nagpakatotoo na lamang ang pekeng pulis.
Read: Huli ka! Pekeng pulis, ka-blind date pala ay totoong policewoman
iniwang kalat ng vloggers sa VILLA SA RESORT

Naging matunog ang usapan ukol sa dalawang vloggers na nag-iwan ng kalat sa kanilang villa sa isang resort na tinuluyan nila sa Davao Oriental noong November 6, 2022.
Hindi napigilan ng Jakka Beach Resort na i-post ang pagkadismaya nito sa iniwang pinagkainan, maruming kusina, at magulong higaan at i-tag ang umano’y mga responsable dito.
Sa kabila ng batikos na natanggap sa social media, nagbigay ng panig ang mga vloggers sa pamamagitan ng isang Facebook Live.
Depensa nila, fully paid ang PHP21,000 accommodation fee nila sa resort at may dagdag pa raw na “extra fees” para sa paggamit ng kitchen utensils.
Hindi rin daw sila aware na may policy ang resort na kailangan nilang maglinis bago umalis.
Samu’t sari ang naging reaksiyon ng netizens sa viral story na ito. May ilang nalungkot at nagsabing nauunawaan nila ang pinanggagalingan ng resort.
Pero may ilan ding pinuna ang pamamaraan ng pag-call out ng resort sa mga guests.
Ayon sa ilan, mas mainam kung idinaan ang lahat sa maayos na usapan at hindi na umabot pa sa isang public post, kung saan posibleng nalabag pa ang Data Privacy Act o ang “fundamental human right of every individual to privacy" ng vloggers.
Read: Davao Oriental beach resort calls out vloggers for "untidy condition" of villa
Palaboy na nag-viral nang yumakap sa ABS-CBN reporter habang naka-live

Nag-viral ang isang babaeng palaboy nang yumakap kay ABS-CBN reporter Izzy Lee habang nagbibigay ng live report ang huli.
April 28, 2022 nang ma-capture sa live feed ang biglaang pagsulpot ni Melanie sa tabi ni Izzy.
Tila ba na-conscious ito nang makita ang kanyang sarili sa monitor kaya’t napayakap ito sa reporter habang nakangiti.
Si Izzy naman ay hindi kumilos at hindi rin umano kinabahan dahil iniisip niyang baka gusto lamang makita ng babae sa camera.
Kinabukasan, agad nag-post ang netizen na si Patricia Pangilinan Macaldo sa pag-aakalang ang babaeng palaboy ay ang kaniyang Tita Nena na nawawala simula pa noong 2008.
Ngunit makalipas ang ilang linggo ay natagpuan ng kanyang tunay na kaanak ang babaeng palaboy na kinilalang si Melanie Dubos.
Ipinasok nila ito sa National Center for Mental Health (NCMH) sa Mandaluyong City dahil sa kondisyon nito sa pag-iisip.
At nito lamang July 2, 2022 ay natanggap ng pamilya Dubos ang malungkot na balitang pumanaw na si Melanie.
Nagkapulmonya raw ito at kinailangang dalhin sa ibang ospital kung saan ito pumanaw.
Ni hindi ito naabutan ng inang si Aida na lumuwas pa mula Sultan Kudarat upang makita nang personal ang nawalay at may sakit na anak.
Nanawagan ang pamilya sa publiko ng kaunting tulong sa pamamagitan ng ABS-CBN upang maiuwi si Melanie sa Mindanao at makita man lang ng iba pang kamag-anak bago ito ihatid sa huling hantungan.