Deniece Cornejo says she filed rape case against Vhong Navarro to teach him a lesson

Sa gitna ng kontrobersiya at patung-patong na kasong hinaharap, sinabi ni Deniece Cornejo na ayaw na niyang idamay rito ang kanyang pamilya. Saad niya, "Nasasaktan po sila, pero kilala po nila ako na pag sinabi ko po kung ano yung katotohanan, yun ang katotohanan. Kaya hindi po ako uuwi na hindi nagbibigay honor, hindi lang sa pamilya ko, kundi sa buong Pilipinas. Na hindi mananalo ang kasamaan sa kabutihan."


Mag-isa lang si Deniece Cornejo na dumating sa tanggapan ng kanyang legal counsel na si Atty. Howard Calleja kahapon ng tanghali, January 29, para repasuhin ang kanyang affidavit bago sila dumulog sa Taguig Hall of Justice para magsampa ng kasong rape laban kay Vhong Navarro.

Sumama ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa grupo ng Startalk na sinundan ang 22-year-old model sa pagsasampa nito ng demanda.

Halos dalawang oras nag-usap sina Deniece, Atty. Calleja, at ang isa pang abugado ng modelo na si Atty. Connie Aquino.

Pagkatapos nito ay tumuloy ang grupo nila sa Taguig Hall of Justice upang pormal na isampa sa Prosecutor’s Office ang kasong rape laban kay Vhong.

Read: Deniece Cornejo files rape case against Vhong Navarro

VHONG ALLEGEDLY APOLOGIZED TO DENIECE. Sa panayam ng PEP at Startalk kay Deniece, sinabi niyang pagkatapos nilang magpa-blotter noong January 22, dahil sa diumano’y panghahalay sa kanya ni Vhong, panay raw ang sorry sa kanya ng aktor kaya pinagbigyan niya ito at nagsabing hindi na siya magdedemanda.

"Attempted rape" ang reklamo ni Deniece nang magpa-blotter sila noong gabi ng January 22 Southern Police District.

Pero dahil nagsalita si Vhong at idinawit na siya sa gulo, kailangan na raw magsampa ng demanda ni Deniece para mabigyan ng hustisya ang ginawa sa kanya ng aktor.

Read: Vhong Navarro identifies alleged masterminds behind mauling incident

Pahayag niya, “Nung una po, siya po ang sorry nang sorry sa akin.

"Binigyan ko lang siya ng pagkakataon na magbago at ipagpatuloy po ang buhay niya, yung career niya.

"At alam ko, marami naman pong nagmamahal sa kanya. May pamilya po siya at may mga anak siya.

“Kahit po dun sa condo pa lang, sorry nang sorry po siya hanggang sa police station.

"Pinapangaralan ko siya.

"Sabi ko po sa kanya na, ’Hindi ako nagsu-sorry na ganito ang nangyari sa ‘yo. Nangyari na, e. Nasaktan mo na ako, e. I’m so sorry because I gave my trust to you.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nakadawit na po kasi dito yung pangalan ko, ang reputasyon ko po, ang mga pamilya ko, at ang mga taong mahal ko.

"Ito po ang tamang paraan para mabigyan ng leksiyon ang mga taong binigyan mo na ng kabutihan, sinuklian ka pa ng kasamaan."

DENIECE’S FAMILY. Pursigido raw si Deniece na ituloy ang kaso laban kay Vhong.

Hindi na rin daw niya kailangang humingi ng tulong sa kanyang pamilya at mga kaibigan dahil kaya niya itong haraping mag-isa.

Ayon kay Deniece, “Kilala po ako ng pamilya ko.

"As much as possible, ayoko silang madamay dito.

“Nasasaktan po sila, pero kilala po nila ako na pag sinabi ko po kung ano yung katotohanan, yun ang katotohanan.

"Kaya hindi po ako uuwi na hindi nagbibigay honor, hindi lang sa pamilya ko, kundi sa buong Pilipinas.

"Na hindi mananalo ang kasamaan sa kabutihan."

Dagdag niya, “Pinalaki po ako nang maayos ng magulang ko with Christian values and strong principles.

"So, gusto ko lang po maturuan ng leksyon, ng tama, ang mga tao na may kasamaan."

Ito ay sa kabila ng sinabihan daw siya ng kanyang amang nasa Amerika na gusto nitong umuwi ng Pilipinas para samahan siya.

Pagdating sa kanyang ina, tipid naman ang mga salita ni Deniece.

“Ang unang text ng mommy ko, gusto niya akong yakapin.

"Pero sabi ko po sa kanya, kung ganito ako kalakas, dapat ganun din siya.

"Kilala po niya ako, e."

Iniwasan naman ni Deniece na pag-usapan ang tungkol sa kanyang mga kapatid.

Aniya, “Alang-alang po sa pamilya ko at sa mga kamag-anak ko, mga taong malapit sa akin, hindi ko kailangan ang kakampi.

“As much as possible, kung kaya kong protektahan sila, poprotektahan ko sila.

"Ako lang naman ang biktima dito, e.

"Hindi ko kailangang kumuha ng kakampi dahil mas nangingibabaw pa rin ang pagmamahal ko sa kanila."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dahil sa mga nangyayari sa kanya ngayon, tumigil muna raw pansamantala si Deniece ng pag-aaral sa De La Salle University.

Ayaw naman niyang sabihin kung saan siya konektado o kung anong projects ang kasalukuyan niyang ginagawa bilang modelo dahil ayaw raw niyang madamay ang mga kumpanyang kumuha sa kanyang serbisyo.

CEDRIC LEE. Sinabi rin ni Deniece na hindi sila ganun ka-close ng negosyanteng si Cedric Lee, ang isa sa mga nambugbog kay Vhong sa condo unit ng dalaga sa Forbeswood Heights, Bonifacio Global City, Taguig.

“Kaibigan ko rin po siya, pero mas kaibigan ko talaga si Ate Bernice [Lee, kapatid ni Cedric].

"Pero mabait po siya, parang kuya ko nga po siya, e."

KUYA VHONG. Pagdating naman kay Vhong, iginiit ni Deniece na wala silang relasyon kundi parang kuya rin daw ang turing niya rito.

Nasaktan naman daw ang modelo sa patung-patong na kasong isinampa laban sa kanila ni Vhong.

Read: Cedric Lee, Deniece Cornejo slapped with serious illegal detention raps

Aniya, “Nakaramdam ako ng galit, masakit, nakakahiya.

"Pero I hope lalabas naman kung ano yung katotohanan, e."

Lalo raw ngayon patatatagin ni Deniece ang sarili, pero naniniwala siyang kakampi niya ang Diyos.

“Si God ang nagpapalakas sa akin ngayon.

"Siya lang po ang kakampi ko, dahil ngayon, hindi ko na po alam kung sino ang pagkakatiwalaan ko."

BASHERS. Aware daw si Deniece sa mga panlalait at paninira sa kanya sa social media.

Ngunit itinanggi niyang nagparetoke siya ng mukha, base sa mga naglabasang luma niyang litrato kunsaan pinapalabas na malaki ang nabago sa kanyang mukha.

Sabi ng modelo, “Wala po.

“Hindi ko po kailangan yun.

"Bata pa po ako, four years, five years ago, siyempre po nagkakaroon ng improvement.

“Alam ko gagawin at gagawin ng mga tao dahil gusto nilang masira ang pagkatao ng isang taong inosente.”

Saad pa niya, “I understand na maraming sumusuporta, na marami siyang fans [Vhong], nirerespeto ko po yun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ano po ba talaga dito ang topic, di ba rape?

"Hindi ko po hinuhusgahan ang pagkatao niya. Hinuhusgahan ko po yung ginawa niya."

Napaiyak naman si Deniece nang muli naming tinanong kung gaano siya kapursigido sa kasong isinampa niya laban kay Vhong.

Hindi raw niya alam kung saan ito hahantong, pero ang mahalaga ay ipinaglaban niya ang katotohanan.

“Nasasaktan po ako.

"Nakasalalay po rito, hindi lang naman trabaho ko.

"Eskuwelahan ko, pamilya ko, reputasyon ko po dito ang nakasalalay.

“May mga goals ako na gusto kong gawin.

"Pero if this is God’s will, God’s way para ipakita sa maraming tao kung gaano [ako] kalakas na babae...

"Kung ikakamatay ko, kung ikakakulong ko, hindi ako natatakot.

"At least, may nagawa akong kabutihan at naturuan akong leksyon, hindi lang si Kuya Vhong at mga taong walang utang na loob."

Nagbigay rin ng mensahe si Deniece para kay Vhong.

“Kuya Vhong, alam mo kung ano yung katotohanan.

“I hope you’ll be a man to face the consequences of your actions. That’s it.”

Ano naman ang natutunan niya sa pangyayaring ito?

“Ang natutunan ko rito, ang mali ay mananatiling mali. Sa mata ng prinsipyo, ang mali ay mananatiling mali,” sabi ni Deniece.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN