Ilang araw bago ang pinakaaabangang ABS-CBN Ball 2019, lumutang ang throwback photo ng nagkakatuwaang sina Bea Alonzo at Julia Barretto, na kuha sa Ball noong nakaraang taon.
Inilabas nitong Huwebes, September 12, ng isang gossip website ang candid shot ng dalawang ngiting-ngiting aktres, habang bahagyang natatakpan at nasa likod ni Julia ang ka-love team na si Joshua Garcia.
Ang litrato ay nagmula sa Instagram account ng Metro Magazine, na uploaded noong October 5, 2018.

Nang mga panahong iyon—idinaos ang ABS-CBN Ball 2018 ng September 29—usap-usapan na totohanan nang magkarelasyon ang magka-love team na sina Julia at Joshua.
Boyfriend naman noon ni Bea si Gerald Anderson.
JULIA AND BEA, A YEAR AFTER
Makalipas ang isang taon, hindi na posibleng makuhanan ang parehong eksena sa ABS-CBN Ball ngayong Sabado, September 14.
Ito ay dahil hiwalay na ngayon sina Julia at Joshua, na sabay nilang kinumpirma noong June 2019, matapos aminin noong April na umabot ng dalawang taon ang kanilang relasyon.
Sa kasagsagan ng isyu ng hiwalayan ay lumutang ang pangalan ni Gerald bilang third party, bagamat kapwa naman ito kaagad pinabulaanan nina Julia at Joshua.
Ito ay kasunod ng pagtatambal nina Julia at Gerald sa pelikulang Between Maybes noong May.
Ilang linggo makaraang kumpirmahin ang hiwalayan nina Julia at Joshua, pumutok naman ang balita ng breakup ni Gerald kay Bea.
CONTROVERSIAL BREAKUP
July 21 nang nag-post ng cryptic messages si Bea tungkol sa pagtataksil, na sinabayan ng pagla-like niya sa mga litrato nina Gerald at Julia.
Kumalat online ang mga nasabing litrato na kuha sa birthday party ni Rayver Cruz sa isang bar sa Taguig City.
Makalipas ang ilang araw, magkasunod na itinanggi nina Julia at Gerald ang kontrobersiyang nagdadawit sa kanila kaugnay ng breakup ng aktor.
August 5 nang itinanggi ni Gerald sa isang exclusive interview na si Julia ang dahilan ng hiwalayan nila ni Bea.
August 6 naman nang depensahan ni Julia ang sarili, sa pamamagitan ng isang Instagram post, laban sa kontrobersiya.
Sa nasabing post ni Julia, inakusahan din niya si Bea ng bullying.
Noong August 22, sa isang exclusive interview, muling binigyang-diin ni Julia na, “wala akong inagawan ng boyfriend, wala akong inahas, at wala din akong nilandi.”
Sa gitna ng lahat ng ito, nagpahayag naman ng suporta si Joshua sa dating girlfriend.
Marami na ring personalidad ang nagbigay ng kani-kaniyang panig sa isyu, pero nanatiling tikom ang bibig ni Bea sa anumang pahayag.
BEA, GERALD, JULIA, JOSHUA AT THE BALL
Kaya naman ngayong Sabado ng gabi, marami ang nakatutok sa inaasahang pagdalo nina Julia, Joshua, Bea, at Gerald sa ABS-CBN Ball.
Gaganapin ang Ball sa Shangri-La at the Fort sa Taguig, at benepisyaryo nito ang programang Bantay Edukasyon ng Bantay Bata 163, ng ABS-CBN Foundation.
