Diretsahang tanong ang isinagot ni Derek Ramsay sa netizen na nagsabing may “same feathers” sila ni Gerald Anderson pagdating sa pakikipagrelasyon umano sa kanilang leading ladies.
Ipinost ni Derek sa Instagram ngayong Biyernes ng umaga, September 27, ang litrato niya kasama ang aktres na si Andrea Torres, habang nasa background ang world’s tallest tower na Burj Khalifa, sa Dubai, United Arab Emirates.
Isinama ni Derek si Andrea sa Dubai, kung saan maglalaro ang 42-anyos na actor-athlete para sa Maharlika Pilipinas Basketball League.
Magkatambal sina Derek at Andrea sa GMA-7 primetime series na The Better Woman, na magtatapos na ngayong Biyernes, September 27.
Kapwa nakabelat sina Derek at Andrea sa litratong ipinost ng aktor.
Caption ni Derek: “Beh Juliet!!!!! Di ka kasama! Hahahaha.”
Tinukoy ni Derek ang isa—at ang kontrabida—sa dalawang karakter ni Andrea sa The Better Woman.
Isang araw bago ang post ni Derek, inamin na nila ni Andrea ang kanilang relasyon.
Kinumpirma ni Derek sa entertainment reporters na sila ni Andrea ay “more than friends” at nasa “stage na we both have feelings for each other.”
“SAME FEATHERS" WITH GERALD?
Kaya naman maraming Instagram followers ng Kapuso actor ang kinilig sa ipinost niyang litrato nila ni Andrea ngayong araw, ang unang pagkakataon matapos nilang aminin ang kanilang relasyon.
Gayunman, isang netizen ang nag-mention kay Gerald, at ikinumpara ang Kapamilya actor kay Derek.
Komento ng netizen (published as is): “Same feathers with @andersongeraldjr (person shrugging emoji) Ung chuchakin lahat na makatrabaho (face palm emoji).”
Tanong naman ang naging reply ni Derek sa netizen: “sino sa mga leading ladies ko ang naging gf ko?”

Hindi na sumagot ang netizen, na binura na rin ang kanyang komento.
Isang fan ni Derek ang nagsabing ang aktres na si Cristine Reyes lang ang naging girlfriend ng aktor habang magkatrabaho sila.

August 2013 nang aminin ni Derek na may relasyon sila ni Cristine, na malapit niyang kaibigan.
Sa mga panahong iyon, ginagawa nila ang pelikulang Trophy Wife, na ipinalabas noong July 2014.
Gayunman, hindi tumagal ng isang buwan ang relasyon nina Derek at Cristine.
Bukod kay Cristine, ex-girlfriends din ni Derek sina Solenn Heussaff, Angelica Panganiban, at Joanne Villablanca.
Bagamat nagtambal sa pelikulang I Love You Goodbye sina Derek at Angelica noong 2010, apat na taon na silang magkarelasyon nang mga panahong iyon.
Samantala, June ngayong taon lang kinumpirma ng model-vlogger na si Joanne na hiwalay na sila ni Derek, matapos ang halos anim na taong relasyon.
GERALD’S RELATIONSHIP WITH PAST LEADING LADIES
Samantala, ilang followers ni Derek ang nagsabing hindi tamang pagkumparahin ang dalawang aktor, lalo na at nananahimik naman si Gerald.

Matatandaang napagitna sa kontrobersiya si Gerald sa nakalipas na mga buwan makaraang madawit si Julia Barretto sa hiwalayan nila ni Bea Alonzo.
Si Julia ang leading lady ni Gerald sa huli niyang pelikula, ang Between Maybes, na ipinalabas noong Mayo ngayong taon.
Magkasunod na itinanggi nina Gerald at Julia na nagkaroon sila ng relasyon, na naging dahilan ng breakup ng aktor kay Bea.
Sa kainitan ng kontrobersiyal sa hiwalayan nina Gerald at Bea, naungkat ang mga dating relasyon ng aktor sa mga nakatambal niya sa mga teleserye at pelikula.
Kabilang sa mga nakarelasyon din ni Gerald sina Kim Chiu at Maja Salvador, habang na-link din sa aktor si Sarah Geronimo nang gawin nila ang pelikulang Catch Me, I’m In Love (2011).
NOT THE FIRST TIME
Samantala, hindi ito ang unang pagkakataong ikinumpara ng basher si Derek kay Gerald.
August 8 ngayong taon, at kasagsagan ng kontrobersiya sa breakup nina Gerald at Bea, nang sabihan ng basher si Derek na “nagmana” sa kanya si Gerald.
Sa pakikipagsagutan ni Derek sa basher, tinawag niya itong “gago” at “bastos.”
Sinabihan din ni Derek ng “wag ka bastos” ang isang netizen na nag-react nang may malisya sa ipinost niyang litrato nila ni Bea noong July 28 bilang pagpapakita ng suporta sa aktres na dating nakatrabaho, kasunod ng hiwalayan nito kay Gerald.
