Isa sa mainit na pinag-uusapan ngayon sa mundo ng showbiz ang ABS-CBN franchise renewal.
Katunayan, umabot na ang isyung ito sa Senado kung saan nagkaroon pa ng hearing noong Lunes, February 24, ukol sa mga problemang kinahaharap ng broadcast giant.
Kabilang sa mga dumalo sa pagdinig ang pinakamatataas na ehekutibo ng ABS-CBN na sina Carlo Katigbak (President and CEO), Mark Lopez (Chairman), at Cory Vidanes (COO).
Matapos ang hearing, pinag-usapan sa social media ang executives ng network, partikular na si Katigbak na naging mahinahon at maayos naipaliwanag ang mga katanungan ng mga mambabatas.
Nag-share naman ang Kapamilya actress na si Angel Locsin sa Instagram ng "appreciation post" para sa kanilang mga tagapamuno.
Saad niya, “Appreciation post for ABS-CBN bosses!
“Happy that Filipinos get to see how humble our ABS-CBN Bosses are (raising hands emoji) ganyan po talaga sila kahit off cam! #ABSCBNFranchise”
ANGEL DEFENDS ABS-CBN
Sa comments section, isang netizen ang pumuna kay Angel.
Ayon sa netizen, wala raw sanang ganitong problema kung maayos daw na nagbabayad ng buwis ang ABS-CBN.
“Angel you have to gather your FACTS straight.
"The network wouldn’t have this issue if they paid their taxes properly.
"No one is above the law, definitely not your network who you think is FAIR in their dealings.
"Don’t put a blind eye! You exactly know what is going on in that network. #shakingmyhead.”
Tugon ni Angel, napapailing siya sa akusasyon ng netizen ldahil napatunayan na raw na walang utang ang ABS-CBN.
Buwelta ng 34-year-old actress (published as is): “same goes to you, ma’am. May statement po ng BIR na wala pong utang ang ABS.
“Bakit ginigiit nyo pa rin po na meron? Kayo po sana ang maging fair. Hindi po magandang nanggigipit ng tao.”

Nauna nang itinanggi ng ABS-CBN na may problema sila sa tax.
Lumabas din sa Senate hearing na walang tax liabilities ang network, ayon sa representante ng BIR.
Isang netizen naman ang pumuna sa paghingi ng dispensa ni Katigbak kay President Rodrigo Duterte matapos ang halos apat na taon.
Nag-ugat ito sa hindi pag-ere ng network sa ilang political ads nito noong 2016 elections.
Nangyari ang paghingi ng dispensa ni Katigbak sa Senate hearing noong Lunes, kung saan ipinaliwanag nitong wala nang slot ang iba pang local ads ni Duterte kaya nag-refund sila ng perang naibayad na ng noo'y Davao mayor.
Sabi ng netizen kay Angel, “It took ABS CBN four years to apologize for airing that anti Duterte ad that showed minors.
"Let’s not even talk ethics, or decency, but the fact that it violated KBP standards. Four years.”
Ayon naman kay Angel, hindi iyon sapat na rason upang ipasara nang tuluyan ang buong istasyon.
Aniya, “Yan po yung rason kaya gusto mong mawalan ng hanap buhay ang libo libong tao? Dahil po dyan? Parang ang sama naman po.”

SUPREME COURT UPDATE
Hindi pa rin umuusad sa Kongreso ang 11 franchise renewal bills ng ABS-CBN.
Nananatili itong nakabinbin sa House Committee on Legsilative Franchises kaya umaalma ang ilang mambabatas sa pamunuan ng Kongreso.
Bukod dito, nahaharap din ang ABS-CBN sa isang legal battle sa Korte Suprema dahil sa inihaing quo warranto petition ng Office of the Solicitor General (OSG).
Nakatakda sa March 10 ang deliberasyon ng Supreme Court en banc sa mga petisyong inihain ni SolGen Jose Calida.
Hindi ito natalakay sa en banc ngayong araw, February 26, dahil kailangan pa raw pag-aralan ng mga Mahistrado ang sagot ng ABS-CBN sa quo warranto petition ng OSG na isinumite ng kumpanya noong Lunes, February 24.
